Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pagbangon at Pagbagsak ng “mga Barko ng Tarsis”

Ang Pagbangon at Pagbagsak ng “mga Barko ng Tarsis”

Ang Pagbangon at Pagbagsak ng “mga Barko ng Tarsis”

“Ang mga barko ng Tarsis ay naglayag sa dagat para sa iyong mga kalakal.”​—EZEKIEL 27:25, THE JERUSALEM BIBLE

ANG mga barko ng Tarsis ay nakatulong sa pagyaman ni Haring Solomon. Ang gumawa ng mga barkong ito ay nakaimpluwensiya sa pagsulong ng alpabetong Griego at Romano. Itinatag din nila ang lunsod ng Byblos na pinagkunan ng pangalan ng pinakamaimpluwensiyang aklat na nailathala kailanman.

Sino ang gumawa at gumamit ng mga barko ng Tarsis? Saan kinuha ang pangalan ng mga barkong ito? At paano nagpatunay sa pagiging tumpak ng Bibliya ang mga pangyayaring kinasangkutan ng mga taong ito at ng kanilang mga barko?

Mga Panginoon ng Mediteraneo

Ang mga taga-Fenicia ang gumawa ng mga sasakyang-pandagat na nakilala bilang mga barko ng Tarsis. Mga isang libong taon bago ang panahon ni Kristo, mga bihasang mandaragat na ang mga taga-Fenicia. Ang kanilang lupain ay isang makitid at mahabang baybayin na halos katulad ng Lebanon sa ngayon. Napalilibutan sila ng mga bansa sa hilaga, silangan, at sa timog. Sa kanluran naman makikita ang malawak na Dagat Mediteraneo. Para yumaman, nakipagkalakalan ang mga taga-Fenicia sa mga bansang nakapalibot sa dagat na ito.

Ang mga marinong taga-Fenicia ay unti-unting nakabuo ng matagumpay na pangkat ng mga barkong pangkalakal. Habang lumalaki ang kita at sumusulong ang teknolohiya, nakagawa sila ng mas malalaking barko na makapaglalayag nang mas malayo. Pagkatapos marating ng mga taga-Fenicia ang Ciprus, Sardinia, at ang Balearic Islands, tinahak nila pakanluran ang baybayin ng Hilagang Aprika hanggang marating nila ang Espanya. (Tingnan ang kalakip na mapa.)

Ang mga taga-Fenicia na bihasang tagagawa at tagakumpuni ng mga barko ay gumawa ng mga barko na isang daang talampakan ang haba. Ang mga sasakyang-pandagat na ito ay tinawag marahil na “mga barko ng Tarsis” yamang kayang maglakbay ng mga ito ng 4,000 kilometro mula Fenicia hanggang timugang Espanya, ang posibleng kinaroroonan ng Tarsis. *

Maaaring hindi hinangad ng mga taga-Fenicia na maging makapangyarihan sa daigdig, gusto lamang nilang kumita mula rito. Nagawa nila ito sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga dako ng kalakalan. Pero bilang mga mangangalakal, sila ay naging mga panginoon ng Mediteraneo.

Sa Labas ng Mediteraneo

Sa paghahangad na kumita, naglayag sa Karagatang Atlantiko ang mga manggagalugad na taga-Fenicia. Ang kanilang mga barko ay patuloy na naglayag malapit sa timugang baybayin ng Espanya hanggang sa marating nila ang lugar na tinatawag na Tartessus. Noong mga taóng 1100 B.C.E., itinatag nila ang isang lunsod na tinawag nilang Gadir. Ang daungang ito, na kilala ngayon bilang Cádiz, Espanya, ang isa sa malalaking lunsod na unang naitatag sa Kanlurang Europa.

Ang mga taga-Fenicia ay nangalakal ng asin, alak, dinaing na isda, sedro, pino, salamin, burda, mainam na lino, mga bagay na gawa sa bakal, at tela na tinina ng matingkad na kulay krimson na gawa mula sa mga molusko. Ano naman ang maipapalit ng Espanya sa mga kalakal na ito?

Ang Timugang Espanya ang may pinakamaraming pilak at ibang mahahalagang metal sa Mediteraneo. Tungkol naman sa Tiro, ang pangunahing daungan ng mga taga-Fenicia, ganito ang sinabi ni propeta Ezekiel: “Nakipagkalakalan ka sa Espanya at kinuha mo ang pilak, bakal, lata, at tanso bilang pambayad sa iyong napakaraming paninda.”​—Ezekiel 27:12, Today’s English Version.

Natuklasan ng mga taga-Fenicia ang waring di-mauubos na suplay ng mga mineral na ito malapit sa ilog ng Guadalquivir, di-kalayuan mula sa Cádiz. Ang gayong mga mineral ay makukuha pa rin sa lugar na iyon, na tinatawag ngayong Río Tinto. Halos tatlong libong taon nang nakakakuha sa mga minahang ito ng mataas na uri ng inambato.

Dahil sa regular na ruta ng mga barko sa Fenicia at Espanya, kontrolado ng mga taga-Fenicia ang pangangalakal ng pilak sa Espanya. Dahil dito, bumaha ng pilak sa Fenicia at maging sa kalapit nitong Israel. Nakipagsosyo si Haring Solomon ng Israel kay Haring Hiram ng Fenicia. Bilang resulta, ang pilak noong panahon ni Solomon ay itinuring na “walang halaga.”​—1 Hari 10:21. *

Bagaman naging matagumpay na mangangalakal ang mga taga-Fenicia, naging malupit din sila kung minsan. Diumano’y may mga pagkakataong nagkukunwari silang ipakikita sa mga tao ang kanilang mga paninda para umakyat ang mga ito sa barko. Pero ang totoo, gagawin lamang pala nilang alipin ang mga ito. Nang maglaon, ipinagkanulo pa nga ng mga taga-Fenicia ang dati nilang kasosyo, ang mga Israelita, at ibinenta ang mga ito bilang mga alipin. Kaya inihula ng mga propetang Hebreo ang pagkawasak ng lunsod ng Tiro sa Fenicia. Ang mga hulang ito ay natupad nang bandang huli sa pamamagitan ni Alejandrong Dakila noong 332 B.C.E. (Joel 3:6; Amos 1:9, 10) Sa pagkawasak na ito, bumagsak ang Fenicia.

Ang Pamana ng Fenicia

Gaya ng lahat ng mahuhusay na negosyante, isinusulat ng mga mangangalakal na taga-Fenicia ang kanilang mga kasunduan. Gumamit sila ng alpabeto na katulad ng sa sinaunang Hebreo. Napansin ng ibang mga bansa ang kapakinabangan ng alpabetong Fenisa. Ang alpabetong ito na may bahagyang pagbabago ang naging saligan ng alpabetong Griego, na naging saligan naman ng alpabetong Romano, na isa sa mga pangunahing alpabeto na ginagamit sa ngayon.

Bukod diyan, ang mahalagang lunsod ng Byblos sa Fenicia ay naging pangunahing pinagkukunan ng papiro, ang papel na ginagamit ng mga tao noon. Dahil sa paggamit ng papiro sa pagsulat, napasimulan ang paggawa ng mga aklat. Sa katunayan, ang salitang Bibliya na ipinangalan sa pinakamalawak na naipamahaging aklat sa buong daigdig ay mula sa pangalang Byblos. Tunay nga, ang kasaysayan ng mga taga-Fenicia at ng kanilang mga barko ay nagpapatibay sa ating pagtitiwala na totoo nga ang nilalaman ng Bibliya.

[Mga talababa]

^ Sa paglipas ng panahon, ang terminong “mga barko ng Tarsis” ay tumukoy sa isang uri ng barko na makapaglalayag nang malayo.

^ Ang “pangkat ng mga barko ng Tarsis” ni Solomon ay nakipagtulungan sa pangkat ng mga barko ni Hiram, at malamang na naglayag mula sa Ezion-geber at nangalakal sa Dagat na Pula at sa mas malalayo pang lugar.​—1 Hari 10:22.

[Mapa sa pahina 27]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

RUTA NG KALAKALAN NG MGA TAGA-FENICIA

ESPANYA

TARTESSUS

Ilog Guadalquivir

Gadir

Corsica

Balearic Isls.

Sardinia

Sicilia

Creta

Ciprus

Byblos

Tiro

DAGAT MEDITERANEO

Ezion-geber

Dagat na Pula

APRIKA

[Larawan sa pahina 27]

Isang barya na may larawan ng isang barko ng Fenicia, mula ikatlo hanggang ikaapat na siglo B.C.E.

[Larawan sa pahina 27]

Mga labí mula sa isang pamayanan ng Fenicia sa Cádiz, Espanya

[Picture Credit Line sa pahina 26]

Museo Naval, Madrid

[Picture Credit Lines sa pahina 27]

Barya: Museo Arqueológico Municipal. Puerto de Sta. María, Cádiz; mga labí: Yacimiento Arqueológico de Doña Blanca, Pto. de Sta. María, Cádiz, España