Ano Talaga ang Nangyayari sa Isa Pagkamatay Niya?
Ano Talaga ang Nangyayari sa Isa Pagkamatay Niya?
“Lahat ng kaluluwa ay imortal, maging yaong sa masasama . . . Dahil pinarurusahan sila ng walang-hanggang paghihiganti sa apoy na hindi namamatay, at patuloy silang nabubuhay, imposible para sa kanila na [tapusin] ang kanilang paghihirap.”—Clemente ng Alejandria, isang manunulat noong ikalawa at ikatlong siglo C.E.
GAYA ni Clemente, ang mga taong nagtuturo na lugar ng pagpapahirap ang impiyerno ay nag-iisip na imortal ang kaluluwa. Sinusuportahan ba ng Bibliya ang turong ito? Pansinin kung ano ang sagot ng Salita ng Diyos sa sumusunod na mga tanong.
May imortal na kaluluwa ba ang unang taong si Adan? Ganito ang sinabi hinggil sa pagkalalang kay Adan ng Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino, isang Protestanteng salin ng Bibliya: “Hinugis ng PANGINOONG Dios ang tao mula sa alikabok sa lupa. Pagkatapos, hiningahan niya ang ilong nito ng hininga ng buhay at ang tao’y naging kaluluwang may buhay.” (Genesis 2:7) Pansinin na hindi binabanggit ng tekstong ito na binigyan ng kaluluwa si Adan.
Ano ang nangyari kay Adan pagkatapos niyang magkasala? Hindi sinabi ng Diyos na parurusahan siya magpakailanman sa impiyerno. Sa halip, ganito ang binabanggit ng Biblia ng Sambayanang Pilipino, isang Katolikong salin ng Bibliya, hinggil sa kapahayagan ng Diyos: “Sa pawis ng noo mo manggagaling ang tinapay na iyong kakanin hanggang magbalik ka sa putik yamang doon ka kinuha, sapagkat ikaw ay alabok at sa alabok ka babalik.” (Amin ang italiko; Genesis 3:19) Walang ipinahihiwatig ang Diyos na may bahagi sa katawan ni Adan na patuloy na umiral pagkamatay niya. Si Adan mismo ang kaluluwa. Kaya nang mamatay si Adan, namatay ang kaluluwa.
May imortal na kaluluwa ba ang tao? Sinabi ng Diyos sa propetang si Ezekiel: “Ang kaluluwang nagkakasala ang siyang mamamatay.” (Ezekiel 18:4, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Ganito ang isinulat ni apostol Pablo: “Ang kasalana’y pumasok sa sanlibutan sa pamamagitan ng isang tao [si Adan], at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan niya. Dahil dito, lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao sapagkat ang lahat ay nagkasala.” (Roma 5:12, Magandang Balita Biblia) Kung nagkakasala ang lahat ng tao, masasabi kung gayon na ang lahat ng kaluluwa ay namamatay.
May alam ba o may pakiramdam ang patay na kaluluwa? Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Sapagka’t nalalaman ng mga buháy, na sila’y mangamamatay: nguni’t hindi nalalaman ng patay ang anomang bagay.” (Eclesiastes 9:5, Ang Biblia) Ganito inilarawan ng Bibliya ang nangyayari sa tao pagkamatay niya: “Siya’y nanunumbalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ding yaon ay mawawala ang kaniyang pag-iisip.” (Awit 146:4, Ang Biblia) Kung “hindi nalalaman ng [mga] patay ang anomang bagay” at ‘nawawala ang kanilang pag-iisip,’ paano nila mararamdaman at malalaman na pinahihirapan sila sa impiyerno?
Inihalintulad ni Jesu-Kristo ang taong patay sa isang natutulog, wala siyang sinabi na mayroon itong malay. * (Juan 11:11-14) Pero baka tumutol ang ilan at sabihing itinuro ni Jesus na mainit ang impiyerno at na itinatapon sa maapoy na impiyerno ang mga makasalanan. Isaalang-alang natin kung ano talaga ang sinabi ni Jesus hinggil sa impiyerno.
[Talababa]
^ Para sa detalyadong pagtalakay, tingnan ang artikulong “Kung Ano ang Matututuhan Natin Mula kay Jesus—Tungkol sa Pag-asa ng mga Patay” sa pahina 16 at 17.