Isang Turo na Pinaniniwalaan ng Marami
Isang Turo na Pinaniniwalaan ng Marami
“Ang samâ ng mga panaginip ko, nasusunog daw ako sa impiyerno! Napapanaginipan ko rin na inihahagis daw ako sa isang maapoy na lugar at nagigising na lang akong sumisigaw. Siyempre pa, sinisikap ko talagang huwag magkasala.”—Arline.
NANINIWALA ka ba na ang impiyerno ay isang lugar kung saan pinahihirapan ang mga makasalanan? Iyan ang paniniwala ng marami. Halimbawa, ayon sa pagsusuri ng isang iskolar ng Unibersidad ng St. Andrews sa Scotland noong 2005, mga 33 porsiyento ng mga klerigo sa Scotland ang naniniwala na dumaranas ng “walang-hanggang mental na pagpapahirap sa impiyerno” ang mga taong malayo sa Diyos. Dalawampung porsiyento naman ang naniniwala na dumaranas ng pisikal na pagpapahirap ang mga nasa impiyerno.
Sa maraming bansa, laganap ang paniniwala hinggil sa impiyerno. Halimbawa, sa isang surbey sa Estados Unidos noong 2007, lumilitaw na 70 porsiyento ng mga taong tinanong ang naniniwala sa impiyerno. Maging sa mga bansa na di-makadiyos ang mga tao, marami rin ang naniniwala sa impiyerno. Ayon sa isang surbey sa Canada noong 2004, 42 porsiyento ng mga tao ang naniniwala sa impiyerno. At sa Gran Britanya naman, 32 porsiyento ang nagsasabing sigurado silang may impiyerno.
Kung Ano ang Itinuturo ng mga Klerigo
Hindi na itinuturo ng maraming klerigo ang impiyerno bilang isang lugar ng literal na pagpapahirap sa apoy. Sa halip, itinataguyod nila ang paniniwala na katulad ng ipinahayag ng Catechism of the Catholic Church, na inilathala noong 1994. “Ang pangunahing parusa ng impiyerno,” ayon sa reperensiyang iyon, “ay ang walang-hanggang pagkawalay sa Diyos.”
Magkagayunman, patuloy pa ring naniniwala ang mga tao na ang impiyerno ay isang lugar ng pisikal o mental na pagpapahirap. Sinasabi ng mga nagtataguyod ng doktrinang ito na salig daw sa Bibliya ang turong iyon. Ganito ang sinabi ng presidente ng Southern Baptist Theological Seminary na si R. Albert Mohler: “Isang katotohanan talaga ito sa Kasulatan.”
Bakit Mahalaga Kung Ano ang Pinaniniwalaan Mo?
Kung totoo ngang isang lugar ng pagpapahirap ang impiyerno, dapat mo talagang katakutan ito. Pero kung hindi naman totoo ang turong ito, nagdudulot lamang ng kalituhan at di-kinakailangang pagkatakot sa mga naniniwala rito ang mga relihiyosong lider na nagtuturo nito. Sinisiraang-puri din nila ang Diyos.
Ano ang sinasabi ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, hinggil sa bagay na ito? Ang susunod na mga artikulo ay gagamit ng Katoliko at Protestanteng salin ng Bibliya para sagutin ang tatlong tanong: (1) Ano talaga ang nangyayari sa isa pagkamatay niya? (2) Ano ang itinuro ni Jesus hinggil sa impiyerno? (3) Ano ang maaaring maging epekto sa iyo kapag nalaman mo ang katotohanan hinggil sa impiyerno?