Maging Malapít sa Diyos
Maibigin sa Katarungan
NAGING biktima ka na ba ng kawalang-katarungan o kalupitan, marahil ng isa na tila hindi naman naparusahan at hindi nagsisi sa kaniyang ginawa? Mahirap talagang kalimutan ang gayong kawalang-katarungan, lalo na kung ang nakasakit sa iyo ay isang tao na inaasahan mong magmamahal at mangangalaga sa iyo. Baka itanong mo, ‘Bakit hinahayaan ng Diyos na mangyari ang gayong bagay?’ * Ang totoo, kinapopootan ng Diyos na Jehova ang lahat ng uri ng kawalang-katarungan. Tinitiyak sa atin ng kaniyang Salita, ang Bibliya, na hindi matatakasan ng mga taong namimihasa sa kasalanan ang paghatol ng Diyos. Isaalang-alang natin ang sinabi ni apostol Pablo na nakaulat sa Hebreo 10:26-31.
Isinulat ni Pablo: “Kung sinasadya nating mamihasa sa kasalanan pagkatapos na matanggap ang tumpak na kaalaman sa katotohanan, wala nang anumang haing natitira pa para sa kasalanan.” (Talata 26) Lalong higit na karapat-dapat sa paghatol ang mga taong sinasadya ang paggawa ng kasalanan. Bakit? Una, ang kanilang kasalanan ay hindi lamang dala ng kahinaan—mga pagkakamaling nagagawa natin paminsan-minsan dahil hindi tayo sakdal. Paulit-ulit silang gumagawa ng kasalanan. Ikalawa, sinasadya nilang magkasala. Ang kasamaan ay nakaugat na sa kanilang pagkatao dahil sa pamimihasa sa paggawa ng mali. Ikatlo, ang kanilang mga kasalanan ay hindi dahil sa kawalang-alam. Mayroon silang “tumpak na kaalaman sa katotohanan” may kinalaman sa mga kahilingan ng Diyos.
Ano ang pangmalas ng Diyos sa mga taong sinasadyang magkasala at hindi nagsisisi? “Wala nang anumang haing natitira pa para sa kasalanan,” ang sabi ni Pablo. Ang hain ni Kristo—ang kaloob ng Diyos sa sangkatauhan—ay para sa mga kasalanang nagagawa natin dahil sa ating di-kasakdalan. (1 Juan 2:1, 2) Pero walang pagpapahalaga sa mahalagang kaloob na ito ang mga taong namimihasa sa kasalanan at hindi nagsisisi. Sa paningin ng Diyos, ‘niyurakan nila ang Anak ng Diyos at itinuring na may pangkaraniwang halaga ang dugo’ ni Jesus. (Talata 29) Sa kanilang ginawa, hinamak nila si Jesus at ‘nilapastangan’ ang kaniyang dugo, na para bang wala itong halaga gaya ng sa isang di-sakdal na tao. (Magandang Balita Biblia) Ang gayong tao ay hindi makikinabang sa hain ni Kristo.
Ano ang kahihinatnan ng mga balakyot? Ipinangako ng Diyos ng katarungan: “Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti.” (Talata 30) Ang lahat ng namimihasa sa kasalanan sa ikapapahamak ng iba ay dapat mag-ingat. Ang sinuman na tahasang sumusuway sa matuwid na mga kautusan ng Diyos ay hindi makatatakas sa Kaniyang kahatulan. Madalas na inaani ng mga balakyot ang bunga ng kanilang pagkakasala. (Galacia 6:7) Hindi man ngayon, tiyak na mananagot sila sa Diyos sa malapit na hinaharap kapag pinawi na niya sa lupang ito ang lahat ng kawalang-katarungan. (Kawikaan 2:21, 22) Nagbabala si Pablo: “Isang bagay na nakatatakot ang mahulog sa mga kamay ng Diyos na buháy.”—Talata 31.
Ang pagkaalam na hindi kinukunsinti ng Diyos na Jehova ang sinasadyang mga kasalanan ay talagang nakaaaliw, lalo na sa mga taong nasaktan ng isang talamak na makasalanan. Kaya lubos tayong makapagtitiwala na ang paghihiganti ay gagawin ng Diyos, ang isa na napopoot sa kawalang-katarungan.
[Talababa]
^ Para sa pagtalakay kung bakit hinahayaan ng Diyos ang pagdurusa, tingnan ang pahina 106-114 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.