Kung Ano ang Matututuhan Natin Mula kay Jesus
Tungkol sa Pag-asa ng mga Patay
Bumuhay-muli si Jesus ng humigit-kumulang tatlong tao, kaya ipinakikita nito na may pag-asa ang mga patay. (Lucas 7:11-17; 8:49-56; Juan 11:1-45) Upang maunawaan natin kung ano ang pag-asa ng mga patay, kailangan muna nating maintindihan kung bakit tayo namamatay at kung paano ito nagsimula.
Bakit Tayo Nagkakasakit at Namamatay?
Kapag pinatatawad ni Jesus ang kasalanan ng mga tao, gumagaling sila. Halimbawa, ganito ang sinabi ni Jesus nang dalhin sa kaniya ang isang lalaking paralisado: “‘Alin ang mas madali, ang sabihing, Ang iyong mga kasalanan ay pinatatawad na, o ang sabihing, Bumangon ka at lumakad ka? Gayunman, upang malaman ninyo na ang Anak ng tao ay may awtoridad sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan—’ nang magkagayon ay sinabi niya sa paralitiko: ‘Bumangon ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka sa iyong tahanan.’” (Mateo 9:2-6) Kaya ang kasalanan ang dahilan kung bakit tayo nagkakasakit at namamatay. Minana natin ang kasalanang iyan sa unang tao, si Adan.—Lucas 3:38; Roma 5:12.
Bakit Namatay si Jesus?
Hindi kailanman nagkasala si Jesus kaya hindi siya dapat mamatay. Pero nang mamatay si Jesus alang-alang sa atin, binayaran niya ang halaga ng ating mga kasalanan. Sinabi niya na ang kaniyang dugo ay “ibubuhos alang-alang sa marami ukol sa kapatawaran ng mga kasalanan.”—Mateo 26:28.
Sinabi rin ni Jesus: “Ang Anak ng tao ay dumating, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Mateo 20:28) Tinawag ni Jesus na “pantubos” ang halagang ibinayad niya dahil pinalalaya nito ang iba mula sa kamatayan. Sinabi pa ni Jesus: “Ako ay pumarito upang magkaroon sila ng buhay at magkaroon nito nang sagana.” (Juan 10:10) Upang lubos nating maunawaan kung ano ang pag-asa ng mga patay, dapat muna nating malaman kung ano ang kalagayan nila ngayon.
Ano ang Nangyayari Pagkamatay ng Isa?
Nang mamatay ang kaibigan ni Jesus na si Lazaro, inilarawan ni Jesus kung ano ang nangyayari pagkamatay ng isa. Sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “‘Si Lazaro na ating kaibigan ay namamahinga, ngunit maglalakbay ako patungo [sa Betania] upang gisingin siya mula sa pagkakatulog.’ . . . Inakala nilang nagsasalita siya tungkol sa pamamahinga sa pagtulog. Kaya nga, nang pagkakataong iyon ay sinabi ni Jesus sa kanila nang tahasan: ‘Si Lazaro ay namatay.’” Kaya nilinaw ni Jesus na ang mga patay ay natutulog at walang-malay.—Juan 11:1-14.
Nang buhaying muli ni Jesus ang kaibigan niyang si Lazaro, apat na araw na itong patay. Pero walang sinasabi ang ulat ng Bibliya na ikinuwento ni Lazaro kung ano ang nangyari sa kaniya sa loob ng apat na araw na iyon. Si Lazaro ay walang malay at walang alam nang patay siya.—Eclesiastes 9:5, 10; Juan 11:17-44.
Ano ang Pag-asa ng mga Patay?
Bubuhaying muli ang mga patay at may pag-asa silang mabuhay magpakailanman. Sinabi ni Jesus: “Ang oras ay dumarating na ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng [tinig ni Jesus] at lalabas.”—Juan 5:28, 29.
Ang pag-asang ito ay kapahayagan ng pag-ibig ng Diyos. Sinabi ni Jesus: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”—Juan 3:16; Apocalipsis 21:4, 5.
Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 6 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? *
[Talababa]
^ Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.