Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Ano kayang espesipikong mga gawain ang ginawa ni Jesus bilang karpintero?

Ang ama-amahan ni Jesus ay isang karpintero. Natutuhan din niya ang pagkakarpintero. Noong pasimulan niya ang kaniyang ministeryo sa edad na “mga tatlumpung taóng gulang,” hindi lamang siya tinawag na “anak ng karpintero” kundi itinuring din siyang isang karpintero.​—Lucas 3:23; Mateo 13:55; Marcos 6:3.

Sa sariling bayan ni Jesus, malamang na kailangan ng mga tao ang mga kagamitan sa pagsasaka gaya ng mga araro at pamatok, na pangunahin nang gawa sa kahoy. Kabilang sa iba pang bagay na karaniwan nang ginagawa ng mga karpintero noon ay mga muwebles​—mga mesa, upuan, bangkô, at baul​—pati na ang mga bagay gaya ng pintuan, bintana, trangkang gawa sa kahoy, at mga pamakuan ng bubong ng bahay. Sa katunayan, ang pagtatayo ng bahay ay bahagi ng trabaho ng karpintero.

Sa isang ilustrasyon, binanggit ni Juan na Tagapagbautismo ang palakol, isang kagamitan na malamang na ginamit ni Jesus at ng ibang mga karpintero upang pumutol ng mga punungkahoy. Pagkatapos, ginagawa nilang mga biga ang pinutol nilang mga punungkahoy sa mismong lugar na pinagkunan nila nito o dinadala ang kahoy sa kani-kanilang mga karpinterya. Tiyak na kailangan ng lakas ng pangangatawan para magawa ito. (Mateo 3:10) Itinala ni Isaias ang iba pang mga kagamitan na ginagamit ng mga karpintero noong panahon niya: “Kung tungkol sa mang-uukit ng kahoy, iniunat niya ang pising panukat; tinatandaan niya iyon ng pulang yeso; inaanyuan niya iyon sa pamamagitan ng pait; at sa pamamagitan ng kompas ay patuloy niyang tinatandaan iyon.” (Isaias 44:13) Pinatotohanan ng mga natuklasan ng mga arkeologo na ang mga metal na lagari, batong martilyo, at tansong pako ay ginamit noong panahon ng Bibliya. (Exodo 21:6; Isaias 10:15; Jeremias 10:4) Makatuwirang isipin na gumamit din si Jesus ng gayong mga kagamitan.

Sino ang “mga bangkero” na binanggit ni Jesus sa isa sa kaniyang mga ilustrasyon, at ano ang kanilang gawain noong panahong iyon?

Binanggit ni Jesus ang isang panginoon na sumaway sa kaniyang walang-silbing alipin. Sinabi ng panginoon: “Dapat ay inilagak mo ang aking mga salaping pilak sa mga bangkero, at sa pagdating ko ay tatanggapin ko ang sa akin na may patubo.”​—Mateo 25:27.

Hindi pa umiiral noong panahon ni Jesus ang malalaking bangko di-tulad ngayon. Pero bago pa pumarito si Jesus sa lupa, karaniwan nang pinaglalagakan ng pera ang mga nagpapautang at ibinabalik nila ito sa may-ari nang may interes o patubo. Ipinapautang naman nila ang perang ito sa ibang tao sa mas mataas na interes. Ayon sa The Anchor Bible Dictionary, karaniwan sa Gresya noong ikaapat na siglo B.C.E. ang pagpapautang nang may interes. At noong panahon ng kapayapaan na itinatag ng mga Romano, ang taunang interes para sa mga pautang sa buong Imperyo ng Roma ay nagbabagu-bago mula 4 hanggang 6 na porsiyento.

Ipinagbabawal ng Kautusang Mosaiko ang pagpapahiram ng salapi nang may interes sa nagdarahop na mga Israelita. (Exodo 22:25) Waring ang tagubiling ito ay pangunahin nang kapit sa pagpapautang sa mahihirap. Subalit gaya ng ipinahiwatig ng ilustrasyon ni Jesus, karaniwan nang may interes o patubo ang salaping inilalagak sa mga nagpapautang, o “mga bangkero.” Oo, tulad ng sa ibang mga pagkakataon, gumamit si Jesus ng mga situwasyon na pamilyar sa kaniyang mga tagapakinig.