Liham Mula sa Ghana
Ang Araw Nang Makalag ang Black Belt
NAKASUOT siya ng mahabang puting damit at may mahigpit na nakataling black belt (sinturon ng karatista) sa kaniyang maliit na baywang. Nakaakma siya na parang may kalaban, nakakunot ang noo, at sintalim ng mata ng tigre ang kaniyang tingin. Wala man lamang bakas ng kahinahunan sa kaniya. Parang hindi siya ang tao na inaasahan kong makita.
Bigla na lang siyang sumigaw, “Hyat!” Kinarate niya ang tabla at kaagad itong nahati. Mayamaya pa ay tumalon siya at sinipa ang gulát niyang kalaban. Napakabilis niya. Siya nga kaya talaga ang lalaking humihiling ng pag-aaral sa Bibliya?
Lumapit ako sa kaniya at nakipagkamay. “Ikaw ba si Kojo? Nalaman ko kasing gusto mong mag-aral ng Bibliya.” Ngumiti siya at naging maamo ang kaniyang mukha. Kitang-kita sa kaniyang mga mata ang kasabikang matuto. “Oo, gustung-gusto ko iyan,” ang sagot niya. “Kailan tayo magsisimula?”
Sa maliit na beranda ng kaniyang bahay kami nauupo para mag-aral ng Bibliya sa tulong ng aming salig-Bibliyang aklat. Mahangin doon at tahimik kaming nakapag-aaral. Tatlo kami: ako, si Kojo, at ang kaniyang maliit na unggoy. Dahil sa pulang balahibo sa kaniyang ulo at puting balahibo sa kaniyang baba, kakatwa at makulit ang maliit na unggoy na 35 sentimetro lamang ang haba. Ito ay nakakaaliw, malaro, napakamausisa, at napakalikot. Tinatapakan niya ang aming mga aklat, inaagaw ang aming mga panulat, at isinusuksok sa aming mga bulsa ang kaniyang maliliit na kamay para maghanap ng pagkain. Pero gaya ng isang magulang na sanay sa ingay at likot ng maliliit na anak, hindi nagagambala si Kojo at tutok na tutok ang kaniyang pansin sa aming pinag-aaralan. Alam kong gustung-gusto niyang matuto dahil marami siyang tanong. Marahil karate ang nagturo sa kaniya na maging maingat kaya hindi siya agad nakukumbinsi hangga’t wala siyang nakikitang katibayan mula sa Kasulatan.
Mabilis ang pagsulong ni Kojo. Gayunman, di-nagtagal ay nakita kong nahihirapan ang kaniyang kalooban. “Wala ng ibang mahalaga sa akin kundi ang karate,” ang sabi niya sa akin. Talaga namang mahal niya ang karate dahil puspusan siyang nagsanay para maging mahusay rito. Sa edad na 26, hindi lamang niya gusto ang karate kundi napakagaling din niya rito. Dahil dito, naging black-belter siya, isang mataas na kategorya na bihirang maabot ng mga karatista.
Hindi ako sigurado kung tatalikuran ni Kojo ang karate. Pero alam kong batid niya na ang pagiging karatista at ang pananakit sa iba ay
salungat sa pagkamahabagin, pagmamahal, at pagmamalasakit—mga aspekto ng pag-ibig na makikita sa mga tunay na Kristiyano. Gayunman, alam kong kayang antigin ng katotohanan sa Bibliya ang matigas na puso ng isang tao. Kung matuwid ang puso ni Kojo, unti-unti siyang magiging mabait at mahinahon sa tulong ng Salita ng Diyos. Kailangan akong maging matiyaga.Isang maalinsangang hapon nang malapit na kaming matapos mag-aral, natigilan si Kojo nang mabasa niya ang isang teksto sa Bibliya: “Si Jehova ang sumusuri sa matuwid at gayundin sa balakyot, at ang sinumang umiibig sa karahasan ay kinapopootan nga ng Kaniyang kaluluwa.” (Awit 11:5) “Sinumang umiibig sa karahasan,” ang ibinulong niya sa kaniyang sarili. Nakita ko sa kaniyang mga mata na talagang naantig siya sa binasa niyang teksto. Tumingin siya sa akin at ngumiti. “Nakapagpasiya na ako.”
Sa ngayon, pareho na kami ni Kojo ng gustung-gustong gawin—nagboboluntaryo kami para magturo ng Bibliya sa mga nais matuto. Ngayong umaga, mayroon kaming dadalawing isang kabataan na ang pangalan ay Luke.
Sa pagpunta namin sa bahay ni Luke, dumaan kami sa masikip at mataong palengke. Daan-daang tindahan ang nasa gilid ng daan. Ang kanilang mga paninda ay mga tumpok ng okra, pula at berdeng sili, at mga tiklis ng hinog na kamatis. Mayroon ding mga radyo, payong, sabong bareta, peluka, mga gamit sa pagluluto, at segunda-manong mga sapatos at damit. Inilalako ng mga batang babae ang mainit at maanghang na pagkain na nasa sunong nilang kaldero. Nakikipagsiksikan sila sa mga tao habang tinatakam ang mga gutom na tao ng kanilang masarap na sabaw na may tinapa, alimasag, at susô. Pakalat-kalat din ang mga aso, kambing, at mga manok na putak nang putak. Dagdag pa sa ingay ng palengke ang malalakas na radyo, busina ng mga sasakyan, at sigawan ng mga tao.
Sinuong namin ang maalikabok na daan papalayo sa ingay ng kabayanan at nakarating sa isang lumang gusali na malamang na isang lugar na pahingahan. Nakatayo si Luke, isang payat na kabataan na mahigit 20 taóng gulang, sa may pintuan at tinawag kami para kahit paano’y makasilong kami mula sa init ng araw. Punung-puno ang kanilang bahay ng mga supot at kahon ng pinatuyong yerba at ugat, bungkos ng mga dahon, at makakapal na balat ng kahoy—na pag-aari ng matanda nang tiyahin ni Luke na isang herbalist. Natutuhan ng tiyahin ni Luke sa kaniyang mga ninuno ang paghahalo-halo ng mga sangkap na dinikdik at pinakuluan para maging gamot sa iba’t ibang uri ng sakit. Inaasahan ni Luke ang aming pagdating. Iniligpit niya ang mga kalat at kumuha ng tatlong bangko. Kahit medyo masikip ang aming puwesto, nagsimula kami sa aming pag-aaral ng Bibliya.
Si Kojo ang nagtuturo ng Bibliya kay Luke. Tahimik lamang akong nakikinig habang tinatalakay ng dalawang kabataang ito ang sagot ng Bibliya tungkol sa tanong na kung bakit napakaraming pagdurusa sa lupa. Habang tinutulungan niya si Luke na hanapin ang isang teksto sa Bibliya, pinagmamasdan ko ang kaniyang mga kamay, na hindi pa natatagalan ay siya ring mga kamay na ginagamit niya sa pakikipaglaban. Oo, kayang alisin ng kapangyarihan ng Salita ng Diyos ang nakatanim na masasamang ugali ng mga tao na napakakaraniwan sa walang-prinsipyong sanlibutang ito, at pinapalitan ito ng mabubuting katangian gaya ng pagkamahabagin at pag-ibig. Isa nga itong napakalaking tagumpay.
Nang pauwi na kami, kinausap namin ang isang lalaki na nakaupo sa silong ng punong mangga. Nakinig siyang mabuti habang binubuksan ni Kojo ang Bibliya at binabasa ang isang teksto. Napatayo ang lalaki nang matanto niyang mga Saksi ni Jehova kami. “Ayokong makipag-usap sa inyo!” ang pagalit niyang sinabi. Biglang umakyat ang dugo ni Kojo sa kaniyang ulo. Pagkatapos ay nakita ko siyang huminahon at magalang na nagpaalam. Umalis na kami.
Habang naglalakad kami, pabulong niyang sinabi sa akin: “Nagpanting ang tainga ko nung sabihin niya ‘yun. Alam mo ba kung ano ang kaya kong gawin sa lalaking iyon?” “Alam ko,” ang sinabi ko sa kaniya. Ngumiti siya sa akin at nagpatuloy kami sa paglalakad.