Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maging Malapít sa Diyos

Ang Maylalang na Karapat-dapat sa Ating Papuri

Ang Maylalang na Karapat-dapat sa Ating Papuri

Apocalipsis 4:11

MINSAN ba’y naitanong mo na, ‘Ano ang kahulugan ng buhay?’ Ang mga taong naniniwala na nagmula ang buhay sa di-makatuwirang ebolusyon ay patuloy pa rin sa paghahanap ng sagot sa tanong na iyan. Pero hindi gayon sa mga taong naniniwala sa di-mapabubulaanang katotohanan na ang Diyos na Jehova ang Bukal ng buhay. (Awit 36:9) Alam nilang may layunin siya sa paglalang sa atin. Mababasa sa Apocalipsis 4:11 ang layuning iyan. Tingnan natin kung paano ipinaliliwanag ng mga salitang iyan, na isinulat ni apostol Juan, kung bakit tayo umiral.

Isinulat ni Juan na isang makalangit na koro ang pumupuri sa Diyos: “Ikaw ang karapat-dapat, Jehova, na Diyos nga namin, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilalang mo ang lahat ng bagay, at dahil sa iyong kalooban ay umiral sila at nalalang.” Si Jehova lamang ang karapat-dapat sa gayong papuri. Bakit? Dahil siya ang ‘lumalang ng lahat ng bagay.’ Kung gayon, ano ang dapat gawin ng kaniyang matatalinong nilalang?

Sinasabing si Jehova ay karapat-dapat na “tumanggap” ng kaluwalhatian, karangalan, at kapangyarihan. Dapat naman talaga, yamang siya ang pinakamaluwalhati, pinakamarangal, at pinakamakapangyarihang Persona sa uniberso. Pero ang karamihan sa sangkatauhan ay hindi talaga kumikilala sa kaniya bilang Maylalang. Gayunman, mayroon pa ring mga tao na malinaw na nakakakita sa “di-nakikitang mga katangian” ng Diyos sa kaniyang mga nilalang. (Roma 1:20) Palibhasa’y nag-uumapaw ang kanilang puso sa pasasalamat, napapakilos silang ibigay kay Jehova ang kaluwalhatian at karangalan. Ipinahahayag nila sa lahat ng nakikinig ang kamangha-manghang patotoo na si Jehova ang isa na lumikha ng lahat ng bagay at siya lamang kung gayon ang nararapat sa ating pagpipitagan at paggalang.​—Awit 19:1, 2; 139:14.

Subalit sa paanong paraan tumatanggap si Jehova ng kapangyarihan mula sa kaniyang mga mananamba? Sabihin pa, walang nilalang ang makapagbibigay ng kapangyarihan sa Maylalang na makapangyarihan-sa-lahat. (Isaias 40:25, 26) Pero dahil nilalang tayo ayon sa larawan ng Diyos, sa isang antas ay pinagkalooban tayo ng mga katangiang katulad ng mga katangiang taglay Niya, at isa na riyan ang kapangyarihan. (Genesis 1:27) Kung talagang pinahahalagahan natin ang mga ginawa ng ating Maylalang para sa atin, mapasisigla tayo nitong gamitin ang ating kapangyarihan at lakas para parangalan siya at luwalhatiin. Sa halip na gamitin ang ating lakas para lamang sa sarili nating kapakanan, nadarama nating karapat-dapat ang Diyos na Jehova na tumanggap ng lahat ng ating kapangyarihan sa pamamagitan ng paglilingkod sa kaniya.​—Marcos 12:30.

Kung gayon, bakit tayo umiiral? Sinasagot iyan ng huling bahagi ng Apocalipsis 4:11: “Dahil sa iyong kalooban ay umiral [ang lahat ng bagay] at nalalang.” Hindi tayo umiral ayon sa ating kalooban. Umiral tayo dahil sa kalooban ito ng Diyos. Sa dahilang ito, walang saysay at walang kabuluhan ang mabuhay lamang para sa ating sarili. Para magkaroon ng kapayapaan ng isip, kasiyahan, at pagkakontento, kailangan nating matutuhan kung ano ang kalooban ng Diyos at pagkatapos ay iayon dito ang ating buhay. Sa pamamagitan lamang nito natin malalaman ang layunin ng paglalang sa atin at ng ating pag-iral.​—Awit 40:8.

[Picture Credit Line sa pahina 31]

NASA, ESA, and A. Nota (STScI)