Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Sinaunang mga Kristiyano at ang Kulturang Griego

Ang Sinaunang mga Kristiyano at ang Kulturang Griego

Ang Sinaunang mga Kristiyano at ang Kulturang Griego

KARAMIHAN sa mga tao na napangaralan ng unang-siglong mga Kristiyano ay nagsasalita ng Griego. Ang Kasulatan na kanilang ginamit para suhayan ang mensahe tungkol kay Jesus ay mababasa sa wikang Griego. Karamihan sa mga kinasihang manunulat ay gumamit ng wikang Griego noong isulat nila ang mga aklat na nang maglao’y naging Kristiyanong Griegong Kasulatan. Gumamit sila ng mga pananalita at ilustrasyon na madaling maintindihan ng mga taong naiimpluwensiyahan ng kulturang Griego. Gayunman, si Jesus, ang mga apostol, o ang sinumang manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ay hindi Griego. Sa katunayan, silang lahat ay Judio.​—Roma 3:1, 2.

Paano nagkaroon ng gayong impluwensiya sa pagpapalaganap ng Kristiyanismo ang wikang Griego? Paano iniharap ng unang-siglong mga manunulat at misyonerong Kristiyano ang mensahe para mapukaw ang interes ng kanilang mga tagapakinig na nagsasalita ng Griego? At bakit ang bahaging ito ng sinaunang kasaysayan ay mahalaga sa atin?

Ang Paglaganap ng Kulturang Griego

Noong ikaapat na siglo B.C.E., pinabagsak ni Alejandrong Dakila ang Imperyo ng Persia at sinimulan niyang sakupin ang malaking bahagi ng daigdig. Upang pagkaisahin ang kaniyang mga sakop, itinaguyod niya at ng mga haring humalili sa kaniya ang “Helenisasyon,” samakatuwid nga, ang pagtanggap sa wika at kulturang Griego.

Pagkatapos talunin ng Roma ang Gresya at agawin ang lahat ng pulitikal na kapangyarihan nito, malakas pa rin ang impluwensiya ng kulturang Griego sa mga tao noong panahong iyon. Noong ikalawa at unang siglo B.C.E., matindi ang paghanga ng mga maharlikang Romano sa lahat ng aspekto ng kulturang Griego​—sining, arkitektura, panitikan, at pilosopiya​—anupat nasabi ng makatang si Horace: “Nilupig ng nabihag na Gresya ang malupit niyang manlulupig.”

Sa ilalim ng pamamahala ng Roma, umunlad bilang mga sentro ng kulturang Griego ang pangunahing mga lunsod sa buong Asia Minor, Sirya, at Ehipto. Itinaguyod ng Helenismo ang kulturang Griego kaya nakaapekto ito sa lahat ng pitak ng buhay ng mga tao, mula sa mga institusyong gaya ng pamahalaan at kautusan hanggang sa komersiyo at maging sa pananamit. Karaniwan sa mga lunsod sa Gresya ang himnasyo kung saan nagsasanay ang mga kabataang lalaki, at ang teatro, kung saan itinatanghal ang mga dramang Griego.

“Bagaman unti-unti, tuluyan ding naimpluwensiyahan ng kulturang Helenistiko ang mga Judio,” ang sabi ng istoryador na si Emil Schürer. Noong una, dahil sa sigasig ng mga Judio sa kanilang pagsamba hindi sila naiimpluwensiyahan ng paganong relihiyon na kaakibat ng kulturang Griego. Pero nang maglaon, naimpluwensiyahan na rin ng kulturang Griego ang maraming pitak ng buhay ng mga Judio. Hindi ito nakapagtataka, dahil gaya ng napansin ni Schürer, “nasa palibot ng maliliit na pamayanang Judio ang mga lugar kung saan laganap ang kulturang Helenistiko kaya wala sila talagang magagawa kundi ang makisalamuha sa kanila kapag sila ay nangangalakal.”

Ang Papel na Ginampanan ng Septuagint

Habang dumarami ang nandarayuhan at naninirahang Judio sa buong rehiyon ng Mediteraneo, marami sa kanila ang namuhay sa mga lunsod na Helenistiko ang kultura at Griego ang wika. Patuloy pa rin nilang sinusunod ang kanilang relihiyon at naglalakbay sa Jerusalem para sa taunang mga kapistahang Judio. Gayunman, nang maglaon, marami sa kanila ang nakalimot na sa wikang Hebreo. * Kaya nagkaroon ng pangangailangang isalin ang Hebreong Kasulatan sa wikang Griego na sinasalita ng karamihan noong panahong iyon. Pinasimulan ang pagsasalin ng Hebreong Kasulatan sa wikang Griego noong mga 280 B.C.E. ng mga Judiong iskolar, malamang na sa Alejandria, Ehipto​—isang mahalagang sentro ng kulturang Helenistiko. Ang Septuagint ang naging bunga ng pagsasaling ito.

Napakalaki ng naitulong ng Septuagint. Ito ang naging daan para maunawaan ng mga taga-Kanluran ang Hebreong Kasulatan. Kung wala ito, hindi nila malalaman kung paano nakitungo ang Diyos sa bansang Israel yamang isinulat ito sa wikang hindi na ginagamit ng karamihan. Tiyak na hindi ito halos magagamit sa pandaigdig na pag-eebanghelyo. Sa katunayan, naunawaan ng iba’t ibang lahi ang Hebreong Kasulatan dahil sa Septuagint kaya nakilala nila ang Diyos na Jehova. Yamang Griego ang wikang ginagamit ng karamihan sa mga tao sa maraming bansa, mas mainam itong gamitin sa pangangaral at pagpapalaganap ng katotohanan tungkol sa Diyos noong panahong iyon.

Mga Proselita at mga May Takot sa Diyos

Noong ikalawang siglo B.C.E., isinalin ng mga Judio ang marami sa kanilang mga akda sa panitikan sa wikang Griego at kumatha rin ng mga bagong akda sa wikang iyan. Napakalaking tulong nito para malaman ng mga Gentil ang kasaysayan at relihiyon ng Israel. Iniulat ng mga istoryador na noong panahong iyon, maraming Gentil ang “nakisalamuha sa mga pamayanang Judio, nakibahagi sa ginagawang pagsamba ng mga Judio at sumunod sa mga kautusang Judio, kung minsan ay halos lahat at minsan nama’y higit pa.”​—The History of the Jewish People in the Age of Jesus Christ.

Ang ilang Gentil mismo ay nakumberte sa Judaismo, nagpatuli, at naging mga proselita. Tinanggap naman ng iba ang ilang aspekto ng Judaismo pero nag-atubiling magpakumberte. Sila ay kadalasang tinutukoy sa panitikang Griego bilang “mga may takot sa Diyos.” Tinawag si Cornelio na “isang taong taimtim at natatakot sa Diyos.” Nakilala ni apostol Pablo ang maraming may takot sa Diyos na kasama ng mga Judio sa buong Asia Minor at Gresya. Halimbawa sa Antioquia ng Pisidia, tinukoy niya ang mga taong nagkakatipon sa sinagoga bilang “mga lalaki, mga Israelita at kayong iba pa na natatakot sa Diyos.”​—Gawa 10:2; 13:16, 26; 17:4; 18:4.

Kaya nang simulan ng mga alagad ni Jesus ang pangangaral ng mabuting balita sa mga pamayanang Judio sa labas ng mga hanggahan ng Judea, marami sa mga napangaralan nila ay dati nang naiimpluwensiyahan ng kulturang Griego. Sa gayong mga pamayanan, maraming tumugon sa Kristiyanismo. Nang maging maliwanag na ang pag-asa ng kaligtasan ay iniaalok ng Diyos maging sa mga Gentil, nalaman ng mga alagad na “walang Judio ni Griego man” sa mata ng Diyos.​—Galacia 3:28.

Pangangaral sa mga Griego

Dahil sa relihiyoso at moral na pamantayan ng mga tao ng mga bansa, ang ilang Judiong Kristiyano ay atubili noong una na payagang maging miyembro ng kongregasyong Kristiyano ang mga nakumberteng Gentil. Kaya nang maging malinaw na kalooban ng Diyos na tanggapin ang mga Gentil, nilinaw ng mga apostol at matatandang lalaki sa Jerusalem na ang gayong mga nakumberte ay dapat umiwas sa dugo, pakikiapid, at idolatriya. (Gawa 15:29) Mahalaga na maging malinaw ito sa sinumang namuhay sa paraan ng Griego-Romanong lipunan kung saan laganap ang “kahiya-hiyang pita sa sekso” at homoseksuwalidad. Hindi para sa mga Kristiyano ang gayong mga gawain.​—Roma 1:26, 27; 1 Corinto 6:9, 10.

Sa lahat ng unang-siglong misyonerong Kristiyano na nangaral sa mga Griego, wala nang mas kilala pa kaysa kay apostol Pablo. Hanggang sa ngayon, makikita ng mga naglalakbay sa Atenas sa Gresya ang isang tansong plake sa paanan ng Areopago na nagpapaalaala sa bantog na talumpati ni Pablo sa lunsod na iyon. Nakaulat ito sa kabanata 17 ng aklat ng Bibliya na Mga Gawa. Ang kaniyang pambungad, “Mga lalaki ng Atenas,” ay karaniwan nang pananalita ng isang mananalumpating Griego at tiyak na nakuha nito ang atensiyon ng kaniyang mga tagapakinig​—kabilang na ang mga pilosopong Epicureo at Estoico. Sa halip na ipakita ang kaniyang pagkainis o punahin ang paniniwala ng kaniyang mga tagapakinig, sinikap ni Pablo na makuha ang loob nila sa pamamagitan ng pagsasabi na sila’y napakarelihiyoso. Binanggit niya ang kanilang altar para “Sa Isang Di-kilalang Diyos” at sinabing iyon ang Diyos na gusto niyang ipakipag-usap sa kanila. Sa ganitong paraan, nakaisip si Pablo ng mapagkakasunduan nilang paksa.​—Gawa 17:16-23.

Para maabot ang puso ng kaniyang mga tagapakinig, gumamit si Pablo ng mga ideya na katanggap-tanggap sa kanila. Sasang-ayon ang mga Estoico sa kaniya na ang Diyos ang Pinagmulan ng buhay ng tao, na nanggaling sa iisang lahi ang lahat ng tao, na hindi malayo sa atin ang Diyos, at na nakadepende ang buhay ng tao sa Diyos. Sinuportahan ni Pablo ang huling puntong ito sa pagbanggit ng mga akda ng mga makatang Estoico na sina Aratus (Phaenomena) at Cleanthes (Hymn to Zeus). Nakita rin ng mga Epicureo na mayroong pagkakatulad ang itinuturo ni Pablo sa kanilang paniniwala​—naniniwala silang buháy ang Diyos at maaari Siyang makilala ng mga tao, hindi Niya kailangan ng anumang bagay o sinumang tao para umiral, at hindi Siya nananahanan sa mga templong gawa ng tao.

Pamilyar ang mga tagapakinig ni Pablo sa mga ginamit niyang pananalita. Sa katunayan, ayon sa isang reperensiya, ang mga pananalitang “sanlibutan (kosmos),” “supling,” at “ang Isa na Diyos” ay madalas na ginagamit ng mga pilosopong Griego. (Gawa 17:24-29) Hindi naman ibig sabihin nito na handang ikompromiso ni Pablo ang katotohanan para makumberte sila. Sa kabaligtaran, ang kaniyang pangwakas na mga salita tungkol sa pagkabuhay-muli at paghatol ay salungat sa kanilang paniniwala. Gayunman, may-kahusayan niyang ibinagay ang kaniyang mensahe at paraan ng kaniyang pagharap nito para makuha ang interes ng kaniyang mga tagapakinig na nanghahawakan sa pilosopiya ng tao.

Marami sa liham ni Pablo ay para sa mga kongregasyon sa mga lunsod sa Gresya o sa mga sakop ng Roma na lubusang naimpluwensiyahan ng kulturang Helenistiko. Ang mga liham na ito na isinulat sa wikang Griego sa natural at mapuwersang paraan ay gumamit ng mga ideya at halimbawa na karaniwan sa kulturang Griego. Bumanggit si Pablo ng mga palarong pampalakasan, gantimpala para sa nagwagi, tagapagturong naghahatid ng isang bata sa paaralan, at marami pang ibang bagay sa Griegong pamumuhay. (1 Corinto 9:24-27; Galacia 3:24, 25) Bagaman gumamit si Pablo ng mga pananalita mula sa wikang Griego, hinding-hindi niya tinanggap ang relihiyosong paniniwala at moralidad ng mga Griego.

Pagiging Lahat ng Bagaysa Lahat ng Uri ng Tao

Natanto ni apostol Pablo na para maibahagi ang mabuting balita sa iba, kailangan niyang ‘maging lahat ng bagay sa lahat ng uri ng tao.’ “Sa mga Judio, ako ay naging gaya ng Judio, upang matamo ko ang mga Judio,” ang isinulat niya, at sa mga Griego, siya ay naging gaya ng Griego upang matulungan niya silang maunawaan ang mga layunin ng Diyos. Sabihin pa, talagang kuwalipikado si Pablo na gawin iyan yamang siya ay mamamayang Judio ng isang Helenisadong lunsod. Dapat ding tularan ng lahat ng Kristiyano sa ngayon ang halimbawang iyan ni Pablo.​—1 Corinto 9:20-23.

Milyun-milyon sa ngayon ang nangingibang-bayan, anupat nahahantad sa iba’t ibang kultura. Malaking hamon ito sa mga Kristiyano na nagsisikap ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos at gawin ang utos ni Jesus na “gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.” (Mateo 24:14; 28:19) Madalas mapansin ng mga Kristiyano na kapag naririnig ng mga tao ang mabuting balita sa kanilang sariling wika, naaantig ang kanilang puso at sa gayo’y tumutugon sila sa mabuting balita.

Sa dahilang iyan, ang magasing ito, Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova, ay inilalathala buwan-buwan sa 169 na wika, at ang kasama nitong magasing Gumising!, sa 81 wika. Karagdagan pa, maraming Saksi ni Jehova ang nagsisikap mag-aral ng bagong wika​—kabilang na ang mga wikang mahirap matutuhan gaya ng Arabe, Tsino, at Ruso​—para ibahagi ang mabuting balita sa mga nandarayuhan sa kanilang lugar. Ang tunguhin nila sa ngayon ay katulad pa rin ng tunguhin ng mga Kristiyano noong unang siglo. Angkop na angkop ang sinabi ni apostol Pablo hinggil dito: “Ako ay naging lahat ng bagay sa lahat ng uri ng tao, upang sa anumang paraan ay mailigtas ko ang ilan.”​—1 Corinto 9:22.

[Talababa]

^ Maraming Judio sa Jerusalem ang nagsasalita ng Griego. Halimbawa, may mga lalaking “mula sa tinatawag na Sinagoga ng mga Pinalaya, at mula sa mga taga-Cirene at mga Alejandrino at yaong mga mula sa Cilicia at Asia,” na malamang na Griego ang wika.​—Gawa 6:1, 9.

[Mapa sa pahina 18]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Roma

GRESYA

Atenas

ASIA

Antioquia (ng Pisidia)

CILICIA

SIRYA

JUDEA

Jerusalem

EHIPTO

Alejandria

Cirene

DAGAT MEDITERANEO

[Larawan sa pahina 19]

Nakatulong ang “Septuagint” para makilala si Jehova ng mga tao noong unang-siglo

[Credit Line]

Israel Antiquities Authority

[Larawan sa pahina 20]

Ang plake sa Areopago na nagpapaalaala sa talumpati ni Pablo