Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Jesus—Kung Ano ang Sinasabi ng mga Tao Tungkol sa Kaniya

Jesus—Kung Ano ang Sinasabi ng mga Tao Tungkol sa Kaniya

Jesus—Kung Ano ang Sinasabi ng mga Tao Tungkol sa Kaniya

“Si Jesus ng Nazaret . . . ay walang-alinlangang ang pinakamaimpluwensiyang tao sa kasaysayan.”​—H. G. Wells, istoryador na Ingles.

“Si Kristo . . . ay namumukod-tangi sa lahat ng bayani sa kasaysayan.”​—Philip Schaff, teologo at istoryador na isinilang sa Switzerland.

SINO ang maituturing na pinakadakilang tao na nabuhay kailanman? Paano ba masusukat ang kadakilaan ng isang tao? Sa kahusayan niya sa militar? Sa kaniyang pisikal na lakas? Sa kaniyang pambihirang talino? O sa laki ng naging impluwensiya niya sa mga tao sa pamamagitan ng kaniyang mga sinabi, ginawa, at halimbawang ipinakita?

Pansinin ang sinabi ng mga istoryador, siyentipiko, iskolar, manunulat, pulitiko, at ng iba pa​—noon at ngayon​—tungkol sa taong nagmula sa Nazaret, si Jesu-Kristo:

“Kailangang manipulahin ang katotohanan para ikailang si Jesus ng Nazaret ang pinakamaimpluwensiyang indibiduwal​—hindi lamang sa dalawang milenyong ito kundi sa buong kasaysayan ng tao.”—Reynolds Price, Amerikanong manunulat at iskolar ng Bibliya.

“Inihandog ng isang taong walang sala ang kaniyang sarili bilang hain para sa ikabubuti ng iba, pati na para sa kaniyang mga kaaway at naging pantubos ng sangkatauhan. Ito ang pinakamabuting gawa.”—Mohandas K. Gandhi, pulitikal at relihiyosong lider ng India.

“Noong bata pa ako, tinuruan ako sa Bibliya at sa Talmud. Judio ako, pero manghang-mangha ako sa pambihirang katauhan ng Nazareno.”—Albert Einstein, siyentipikong isinilang sa Alemanya.

“Para sa akin, si Jesu-Kristo ang namumukod-tanging tao sa buong kasaysayan, bilang Anak ng Diyos at bilang Anak ng Tao. Ang lahat ng sinabi o ginawa Niya ay mahalaga sa atin ngayon, at hindi mo masasabi iyan sa sinumang tao, na nabubuhay ngayon o namatay na.”—Sholem Asch, manunulat ng sanaysay na isinilang sa Poland, na sinipi sa Christian Herald; kanila ang italiko.

“Sa loob ng tatlumpu’t limang taon ng buhay ko, talagang masasabi ko na isa akong nihilist, isang tao na walang pinaniniwalaan. Sa nakalipas na limang taon, nanampalataya ako kay Jesu-Kristo. Naniwala ako sa kaniyang doktrina at biglang nabago ang buhay ko.”—Konde Leo Tolstoy, Rusong nobelista at pilosopo.

“Walang sinumang nabuhay sa lupa ang nagkaroon ng gayon kalaking impluwensiya sa napakaraming tao maliban [kay Jesus] at patuloy pang lumalaki ang kaniyang impluwensiya.”—Kenneth Scott Latourette, Amerikanong istoryador at awtor.

“Wasto bang ipagpalagay na kathang-isip lamang ang kasaysayan [ni Jesus]? Sa katunayan, kaibigan, tila hindi ito kathang-isip. Kung tutuusin, ang kasaysayan ni Socrates, na walang sinuman ang nag-aalinlangan, ay walang gaanong ebidensiya di-tulad ng buhay ni Jesu-Kristo.”—Jean-Jacques Rousseau, pilosopong Pranses.

Maliwanag, wala nang ibang nararapat na gawing huwaran sa ating buhay kundi si Jesu-Kristo. Si Pablo​—isang edukadong tao noong unang siglo na pinili ni Jesus na maging tagasunod Niya at magsalita tungkol sa Kaniya sa mga bansa​—ay humihimok sa atin na ‘tingnang mabuti’ si Jesus. (Hebreo 12:2; Gawa 9:3) Ano ang matututuhan natin kay Jesus hinggil sa wastong paraan ng pamumuhay? Paano tayo makikinabang sa pagtulad sa paraan ng kaniyang pamumuhay?