Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kalinisan—Bakit Ito Mahalaga?

Kalinisan—Bakit Ito Mahalaga?

Kalinisan—Bakit Ito Mahalaga?

Noon pa ma’y nagdurusa na ang mga tao dahil sa sakit at salot. Inaakala ng ilan na ang mga ito’y palatandaan ng galit ng Diyos at pinasasapit Niya ito upang parusahan ang masasama. Natuklasan sa pamamagitan ng matiyagang pagmamasid at masusing pagsasaliksik sa loob ng maraming siglo na ang sanhi pala ng mga ito ay kadalasan nang maliliit na nilalang na nabubuhay sa paligid natin.

Natuklasan ng mga nagsasaliksik sa medisina na maaaring magdala ng sakit ang mga daga, ipis, langaw, at lamok. Natuklasan din nilang kadalasan nang mas madaling kumalat ang sakit dahil sa kakulangan ng kalinisan ng mga tao. Kung gayon, lumilitaw na ang kalinisan ay maaaring mangahulugan ng buhay o kamatayan.

Sabihin pa, ang pamantayan sa kalinisan ay iba-iba, depende sa kostumbre at situwasyon. Talagang isang hamon ang maging malinis sa mga lugar kung saan walang sapat na suplay ng tubig o maayos na poso negro. Gayunpaman, nagbigay ang Diyos sa sinaunang mga Israelita ng mga tagubilin hinggil sa kalinisan habang sila’y naglalakbay sa ilang​—isang lugar kung saan napakahirap maging malinis!

Bakit mahalaga sa Diyos ang kalinisan? Ano ang makatuwirang pananaw tungkol sa kalinisan? Anu-anong simpleng hakbang ang magagawa mo at ng iyong pamilya upang makaiwas sa sakit?

KAUUWI lamang ni Max, * isang batang nakatira sa Cameroon, galing sa paaralan. Pumasok siya sa kanilang munting tahanan at niyakap ang kaniyang aso. Palibhasa’y gutom at uhaw, agad niyang ipinatong ang kaniyang bag sa hapag-kainan, naupo, at naghintay sa kaniyang pagkain.

Habang nasa kusina, narinig ng nanay ni Max na dumating na siya. Dala-dala niya ang isang plato ng mainit na kanin at munggo, nang biglang kumunot ang kaniyang noo nang makita niya ang bag ni Max sa ibabaw ng malinis na mesa. Tiningnan niya si Max na waring may ipinaaalaala at sinabi, “Maaaax!” Alam na ni Max kung ano ang ibig nitong sabihin. Agad-agad niyang inalis ang kaniyang bag sa mesa at naghugas ng kamay. Pagkatapos ay bumalik siya upang kumain. “Pasensiya na po, Inay. Nalimutan ko,” ang mahinahong sinabi ni Max.

Maraming magagawa ang isang mapagmalasakit na ina pagdating sa kalusugan at kalinisan, bagaman kailangan din niya ang pakikipagtulungan ng lahat ng miyembro ng pamilya. Gaya ng ipinakikita sa halimbawa ni Max, mahalaga ang patuluyang pagsasanay sa mga anak yamang kailangan ng pagtitiyaga para manatiling malinis. Kailangan ding paalalahanan lagi ang mga bata.

Batid ng ina ni Max na maaaring makontamina ang pagkain sa iba’t ibang paraan. Kaya hindi lamang niya hinuhugasang mabuti ang kaniyang mga kamay bago maghanda ng pagkain kundi tinitiyak din niyang palaging may takip ang pagkain para hindi ito dapuan ng langaw. Dahil tinitiyak niya na palaging may takip ang pagkain at palaging maayos at malinis ang bahay , hindi pinamamahayan ng daga at ipis ang kanilang bahay.

Ang isang mahalagang dahilan kung bakit napakaingat ng ina ni Max ay dahil gusto niyang paluguran ang Diyos. “Sinasabi ng Bibliya na dapat maging banal ang bayan ng Diyos dahil banal ang Diyos,” ang paliwanag niya. (1 Pedro 1:16) “Ang kabanalan ay katulad ng kalinisan,” ang sinabi pa niya. “Kaya gusto kong maging malinis ang aming bahay, pati na ang aking pamilya. Siyempre, nagagawa ko ito dahil tinutulungan ako ng pamilya ko.”

Mahalaga ang Pakikipagtulungan ng Bawat Miyembro ng Pamilya

Gaya ng sinabi ng ina ni Max, pananagutan ng bawat miyembro ng pamilya ang kalinisan. Sa pana-panahon, ang ilang pamilya ay nag-uusap upang talakayin ang kanilang mga pangangailangan at kung ano ang maaaring pasulungin, sa loob at labas ng bahay. Napagkakaisa rin nito ang pamilya at nagsisilbi itong paalaala sa bawat isa na gampanan ang kanilang pananagutan para sa ikabubuti ng buong pamilya. Halimbawa, maaaring ipaliwanag ng nanay sa nakatatandang mga anak kung bakit dapat silang maghugas ng kamay pagkatapos gumamit ng palikuran, humawak ng mga bagay gaya ng pera, at bago kumain. Sa gayong paraan, maaari namang tiyakin ng mga anak na ito na gayundin ang gagawin ng kanilang nakababatang mga kapatid.

Maaaring iatas ang iba’t ibang gawain sa bahay sa bawat miyembro ng pamilya. Maaaring ipasiya ng pamilya na linisin ang bahay linggu-linggo at iiskedyul na linising mabuti ang buong bahay nang minsan o dalawang beses sa isang taon. Subalit mahalaga rin na bigyang-pansin ang labas ng bahay. Ganito ang sinabi ng isang conservationist na si Stewart L. Udall tungkol sa Estados Unidos: “Nabubuhay tayo sa isang lupain na lalong pumapangit, sumasamâ, at sumisikip, na may kapaligirang nasisira araw-araw dahil sa polusyon at ingay at pinsala [na dulot ng iba’t ibang elemento].”

Ganiyan din ba ang tingin mo sa iyong kapaligiran? Noong unang panahon at maging sa ilang bayan sa Sentral Aprika sa ngayon, isang tagapag-anunsiyo sa bayan ang nagpapatunog ng isang kampanilya upang makuha ang atensiyon ng mga tao. Sa malakas na tinig, pinaaalalahanan niya ang mga mamamayan na maglinis​—linisin ang imburnal (mga kanal), pungusan ang mga punungkahoy, bunutin ang mga damo, at itapon ang basura.

Ang pagtatapon ng basura ay isang pandaigdig na problema at napakahirap lutasin para sa maraming pamahalaan. Ang ilang bayan ay hindi regular sa pagkolekta ng basura, kung kaya’t natatambak ito sa mga kalye. Maaaring anyayahan ang mga mamamayan na tumulong. Bilang mabubuting mamamayan, ang mga Kristiyano ang unang sumusunod sa mga batas ng pamahalaan nang hindi nagrereklamo. (Roma 13:3, 5-7) Ang mga tunay na Kristiyano ay handang gumawa nang higit sa hinihiling sa kanila pagdating sa bagay na ito. Nais nilang magkaroon ng malinis na kapaligiran at nagkukusa sila sa paglilinis, anupat hindi laging nangangailangan ng tagapag-anunsiyo sa bayan upang paalalahanan sila. Batid nila na ang kalinisan ay patotoo ng mahusay na pagsasanay sa kanila at ng kanilang pagiging responsable. Nagsisimula ito sa bawat indibiduwal at sa bawat pamilya. Ang pagiging malinis sa bahay ay magdudulot ng mas mabuting kalusugan at sa kabuuan, ng mas malinis na pamayanan.

Nagdudulot ng Karangalan sa Sinasamba Nating Diyos ang Personal na Kalinisan

Ang malinis at marangal na hitsura ay bahagi ng ating pagsamba na kadalasan nang nakatatawag ng pansin sa iba. Bilang halimbawa, isang grupo ng mga 15 kabataang lalaki at babae ang pumasok sa isang restawran pagkatapos dumalo sa isang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Toulouse, Pransiya. Kumakain din sa restawran na iyon ang isang mag-asawang may-edad na. Inaasahan nilang mag-asawa na magiging maingay at magulo ang mga kabataang ito. Pero humanga sila sa mainam na paggawi at pag-uusap ng mga kabataang ito na maayos din ang pananamit. Nang paalis na ang grupo, pinapurihan sila ng mag-asawa dahil sa kanilang mainam na paggawi at sinabi sa isa sa mga kabataan na bibihira na ang gayong paggawi sa panahong ito.

Ang mga bumibisita sa mga tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova, pati na sa kanilang palimbagan at mga pasilidad na tinitirhan ng mga nagboboluntaryo roon, ay madalas na humahanga sa kalinisan ng mga pasilidad na ito. Dapat na malinis ang pananamit at regular na maligo ang mga boluntaryo na nagtatrabaho at naninirahan sa mga lugar na ito. Hindi sapat ang paggamit ng mga deodorant at mga pabango upang maging malinis sa katawan. Kapag ang mga boluntaryong ito, na buong-panahong mga ministro, ay nangangaral sa gabi o sa dulo ng sanlinggo sa kanilang mga kapitbahay, ang kanilang malinis na hitsura ay may magandang epekto sa kanilang dalang mensahe sa mga tao.

“Maging mga Tagatulad Kayo sa Diyos”

Ang mga Kristiyano ay hinihimok na ‘maging mga tagatulad sa Diyos.’ (Efeso 5:1) Iniulat ni propeta Isaias ang isang pangitain kung saan inilarawan ng mga anghel ang Maylalang bilang “Banal, banal, banal.” (Isaias 6:3) Idiniriin ng paglalarawang ito ang sukdulang kadalisayan at kalinisan ng Diyos. Dahil dito, hinihilingan ng Diyos ang lahat ng kaniyang mga lingkod na maging banal at malinis. “Magpakabanal kayo, sapagkat ako ay banal,” ang sabi niya sa kanila.​—1 Pedro 1:16.

Pinasisigla ng Bibliya ang mga Kristiyano na “manamit nang maayos.” (1 Timoteo 2:9, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Hindi kataka-taka na sa aklat ng Apocalipsis, ang “maningning, malinis, mainam na lino” ay sinasabing lumalarawan sa matuwid na mga gawa ng mga banal sa paningin ng Diyos. (Apocalipsis 19:8) Sa kabilang dako naman, ang kasalanan ay madalas na inilalarawan sa Kasulatan bilang mantsa o dumi.​—Kawikaan 15:26; Isaias 1:16; Santiago 1:27.

Sa ngayon, milyun-milyon ang nabubuhay sa mga lugar kung saan mahirap manatiling malinis sa pisikal, moral, at espirituwal. Malulutas ang lahat ng problemang ito kapag ‘ginawa na ng Diyos na bago ang lahat ng bagay.’ (Apocalipsis 21:5) Kapag natupad ang pangakong iyan, mawawala na ang lahat ng uri ng karumihan magpakailanman.

[Talababa]

^ Binago ang pangalan.

[Kahon sa pahina 10]

Hinihiling ng Diyos ang Kalinisan

Noong naglalakbay sila sa ilang, ang mga Israelita ay mahigpit na tinagubilinang ibaon ang dumi ng tao. (Deuteronomio 23:12-14) Malamang na nakapapagod ito dahil sa laki ng kampo ng mga Israelita, pero tiyak na nakatulong ito para maiwasan ang mga karamdamang gaya ng tipus at kolera.

Inutusan ang mga tao na hugasan o sirain ang anumang bagay na napadaiti sa isang bangkay. Bagaman hindi nila naunawaan ang dahilan nito, natulungan nito ang mga Israelita na maiwasan ang impeksiyon at mga sakit.​—Levitico 11:32-38.

Dapat hugasan ng mga saserdote ang kanilang mga kamay at paa bago nila gampanan ang kanilang mga tungkulin sa tabernakulo. Malamang na hindi madaling punuin ng tubig ang tansong hugasan, ang lalagyan ng tubig para sa kanilang paghuhugas, pero dapat nila itong gawin yamang mahigpit na ipinag-uutos ang paghuhugas.​—Exodo 30:17-21.

[Kahon sa pahina 11]

Mga Paalaala Mula sa Isang Doktor

Mahalaga ang tubig para mabuhay tayo, pero maaari tayong magkasakit o mamatay dahil sa maruming tubig. Sa isang panayam, si Dr. J. Mbangue Lobe, punong doktor ng departamento ng medisina sa daungan ng Douala, Cameroon, ay nagbigay ng ilang praktikal na mungkahi.

“Kung nagdududa ka sa tubig na iyong iinumin, pakuluan mo muna ito.” Subalit nagbabala siya: “Hindi naman masamang gumamit ng bleach o ibang mga kemikal pero maaari itong maging mapanganib kung hindi wasto ang paggamit sa mga ito. Palaging maghugas at magsabon ng kamay bago kumain at pagkatapos gumamit ng palikuran. Mura lamang ang sabon, kaya mabibili ito kahit ng mahihirap. Laging labhan ang iyong mga damit, at gumamit ng mainit na tubig sa paglalaba ng iyong damit kung may sakit ka sa balat.”

“Dapat panatilihin ng buong pamilya ang kalinisan sa loob at labas ng bahay,” ang sabi pa ng doktor. “Madalas na napapabayaan ang mga palikuran kaya madali itong pamahayan ng mga ipis at langaw.” Nagbabala rin siya para sa mga bata: “Mag-ingat sa paliligo sa maliliit na sapa sa inyong pamayanan. Punô ito ng mapanganib na mga mikrobyo. Maglinis ng katawan sa gabi pagdating sa bahay bago matulog, magsipilyong mabuti ng ngipin sa gabi, at gumamit ng kulambo sa pagtulog.” Ang pinakapunto sa lahat ng sinabi niya ay magplano at gawin ang kinakailangang mga hakbang upang maiwasan ang mga problema sa hinaharap.

[Larawan sa pahina 10]

Ang paglalaba ng iyong damit ay makatutulong sa iyo na maiwasan ang mga sakit sa balat

[Larawan sa pahina 10]

Nagkukusa ang mga Kristiyano sa paglilinis ng kanilang kapaligiran

[Larawan sa pahina 10]

Malaki ang magagawa ng isang mapagmalasakit na ina pagdating sa kalinisan ng kaniyang pamilya