Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Turuan ang Iyong mga Anak

Kung Bakit Hindi Natakot si David

Kung Bakit Hindi Natakot si David

NATAKOT ka na ba?— * Nadarama iyan ng marami sa atin kung minsan. Ano ang maaari mong gawin kung natatakot ka?— Maaaring humingi ka ng tulong sa isang tao na mas malaki at mas malakas kaysa sa iyo. Marahil ay sa iyong tatay o nanay. Marami tayong matututuhan kay David kung kanino dapat humingi ng tulong. Umawit siya sa Diyos: “Ako, sa ganang akin, ay magtitiwala sa iyo. . . . Sa Diyos ako naglalagak ng aking tiwala; hindi ako matatakot.”​—Awit 56:3, 4.

Kanino kaya natutuhan ni David na huwag matakot? Sa kaniyang mga magulang kaya?​— Malamang na sa kanila nga. Ang kaniyang ama, si Jesse, ay isang tapat na ninuno ni Jesu-Kristo, ang ipinangako ng Diyos na “Prinsipe ng Kapayapaan.” (Isaias 9:6; 11:1-3, 10) Ang ama ni Jesse​—na lolo ni David​—ay si Obed. Isang aklat sa Bibliya ang ipinangalan sa nanay ni Obed. Kilala mo ba kung sino siya?​— Siya ay si Ruth, isang tapat na babae na naging asawa ni Boaz.​—Ruth 4:21, 22.

Siyempre pa, matagal nang patay sina Ruth at Boaz bago ipinanganak si David. Baka kilala mo ang nanay ni Boaz, ang lola-sa-talampakan ni David. Nakatira siya sa Jerico at tinulungan niya ang ilang espiyang Israelita na makatakas. Nang gumuho ang mga pader ng Jerico, nailigtas niya ang kaniyang pamilya sa pamamagitan ng isang iskarlata o pulang tali na ibinitin niya sa kaniyang bintana. Ano ang kaniyang pangalan?— Siya ay si Rahab, na naging isang mananamba ni Jehova. Siya ay nagpakita ng lakas ng loob na makabubuting tularan ng mga Kristiyano.​—Josue 2:1-21; 6:22-25; Hebreo 11:30, 31.

Makatitiyak tayo na itinuro kay David ng kaniyang ama’t ina ang tungkol sa lahat ng tapat na lingkod ni Jehova yamang inutusan ang mga magulang na ituro ang gayong mga bagay sa kanilang mga anak. (Deuteronomio 6:4-9) Dumating ang panahon na inutusan ng Diyos si propeta Samuel na piliin si David, ang bunsong anak na lalaki ni Jesse, para maging hari ng Israel.​—1 Samuel 16:4-13.

Isang araw, inutusan ni Jesse si David na magdala ng pagkain sa kaniyang tatlong kuya na nakikipaglaban sa mga kaaway ng Diyos, ang mga Filisteo. Nang makarating si David sa kampo, tumakbo siya patungo sa hukbo at narinig niyang tinutuya ng higanteng si Goliat “ang mga hukbo ng Diyos na buháy.” Lahat ay takót na tanggapin ang hamon ni Goliat na labanan siya. Nalaman ni Haring Saul na gusto ni David na lumaban kay Goliat kaya ipinatawag niya ito. Pero nang makita ni Saul si David, sinabi niya: “Ikaw ay isang bata lamang.”

Sinabi ni David kay Saul na pinatay niya ang leon at ang oso na tumangay sa mga tupa ng kanilang pamilya. Sinabi pa niya na si Goliat ay “magiging tulad ng isa sa mga iyon.” “Yumaon ka, at sumaiyo nawa si Jehova,” ang sagot naman ni Saul. Kumuha si David ng limang makikinis na bato at inilagay iyon sa kaniyang supot sa pagpapastol. Kinuha niya ang kaniyang panghilagpos at hinarap ang higante. Nang makita ni Goliat na isang bata lamang ang papalapit, sumigaw siya: “Lumapit ka lamang sa akin, at ibibigay ko ang iyong laman sa mga ibon.” Sumagot si David: “Ako ay pumaparito sa iyo taglay ang pangalan ni Jehova.” At pagkatapos ay sumigaw siya: “Pababagsakin nga kita.”

Kaya tumakbo si David papalapit kay Goliat, kumuha ng bato mula sa kaniyang supot, inilagay iyon sa kaniyang panghilagpos, at inihagis sa noo ni Goliat. Nang makita ng mga Filisteo na patay na ang higante, nagtakbuhan sila dahil sa takot. Hinabol sila ng mga Israelita, at nanalo ang mga Israelita sa labanan. Pakisuyong basahin ang buong kuwento na nakaulat sa 1 Samuel 17:12-54 kasama ang iyong pamilya.

Bilang isang bata, baka natatakot ka kung minsan na sundin ang mga utos ng Diyos. Noong bata pa si Jeremias, nakadama rin siya ng takot sa pasimula, pero sinabi ng Diyos sa kaniya: “Huwag kang matakot . . . sapagkat ‘Ako ay sumasaiyo.’” Nagkaroon ng lakas ng loob si Jeremias at nangaral gaya ng iniutos sa kaniya ng Diyos. Matututuhan mo rin na hindi matakot kung magtitiwala ka kay Jehova, gaya nina David at Jeremias.​—Jeremias 1:6-8.

[Talababa]

^ Kung may kasama kang bata sa pagbabasa, ang gatlang ay isang paalaala na titigil ka muna at tatanungin ang bata kung ano ang kaniyang masasabi.

Mga Tanong:

○ Ano ang ginawa ni David nang tuyain ni Goliat ang hukbo ni Jehova?

○ Paano tinalo ni David si Goliat?

○ Paano tayo matututo sa ngayon na huwag matakot?