‘Makahimalang Pagpapagaling’ sa Ngayon—Mula ba Ito sa Diyos?
‘Makahimalang Pagpapagaling’ sa Ngayon—Mula ba Ito sa Diyos?
SA ILANG lupain, karaniwan nang makakakita ng mga debotong nagpupunta sa mga altar kung saan inaangkin ng marami na napagaling daw ang kanilang mga karamdaman o sakit na “walang lunas.” Sa ibang lupain naman, inaangkin ng mga albularyo na nakapagpapagaling sila dahil sa taglay nilang kapangyarihan. Gayundin sa iba pang mga lugar, ginaganap ang relihiyoso at madamdaming mga pagtitipon kung saan tumatalon ang mga taong may kapansanan mula sa kanilang mga silyang-de-gulong o inihahagis ang kanilang mga saklay at sinasabing sila’y napagaling.
Karamihan sa mga nagsasagawa ng gayong pagpapagaling ay mula sa iba’t ibang relihiyon at kadalasan nang nagpaparatang sa isa’t isa ng pagiging apostata, huwad, o pagano. Kung gayon, maitatanong natin, Naghihimala ba ang Diyos sa pamamagitan ng mga relihiyong madalas na nagbabangayan sa isa’t isa? Sinasabi ng Bibliya: “Ang Diyos ay isang Diyos, hindi ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan.” (1 Corinto 14:33) Talaga nga kayang mula sa Diyos ang gayong ‘makahimalang pagpapagaling’? Inaangkin ng ilang nagpapagaling na nagagawa nila ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Jesus. Isaalang-alang natin kung paano nagpagaling ng mga tao si Jesus.
Kung Paano Nagpagaling ng mga Tao si Jesus
Ibang-iba ang paraan ng pagpapagaling ni Jesus sa mga maysakit kaysa sa mga nagpapagaling sa ngayon. Halimbawa, pinagaling ni Jesus ang lahat ng humingi ng tulong sa kaniya. Hindi siya namili kung sino ang pagagalingin niya. Lubusan ang pagpapagaling ni Jesus at karaniwan nang agad na nakikita ang epekto nito. Sinasabi ng Bibliya: “Ninanais ng buong pulutong na hipuin siya, sapagkat ang kapangyarihan ay lumalabas sa kaniya at pinagagaling silang lahat.”—Lucas 6:19.
Si Jesus ay hindi katulad ng modernong-panahong mga faith healer o mga nagpapagaling sa mga may pananampalataya, na sinisisi ang maysakit dahil sa kakulangan nito ng pananampalataya kapag hindi ito gumaling. Pinagaling ni Jesus maging ang ilan na hindi pa nananampalataya sa kaniya. Halimbawa, minsan ay nagkusa si Jesus na lapitan ang isang bulag na lalaki at pinagaling niya ito. Pagkatapos ay tinanong siya ni Jesus: “Nananampalataya ka ba sa Anak ng tao?” Sumagot ang lalaki: “Sino siya, ginoo, upang manampalataya ako sa kaniya?” Sinabi sa kaniya ni Jesus: “Siya na nagsasalita sa iyo ay ang isang iyon.”—Juan 9:1-7, 35-38.
Baka maisip mo, ‘Kung ang pananampalataya ay hindi kahilingan para mapagaling ni Jesus, bakit kadalasan nang sinasabi niya sa kaniyang napagaling: “Pinagaling ka ng iyong pananampalataya”?’ (Lucas 8:48; 17:19; 18:42) Sa mga salitang ito, sinasabi ni Jesus na yaong mga napakilos ng kanilang pananampalataya na hanapin siya ay napagaling, pero sinayang ng mga taong ayaw lumapit sa kaniya ang pagkakataong mapagaling sila ni Jesus. Ang mga napagaling ni Jesus ay hindi napagaling dahil sa kanilang pananampalataya kundi dahil sa kapangyarihan ng Diyos. Sinasabi ng Bibliya tungkol kay Jesus: “Pinahiran siya ng Diyos ng banal na espiritu at kapangyarihan, at lumibot siya sa lupain na gumagawa ng mabuti at pinagagaling ang lahat niyaong mga sinisiil ng Diyablo; sapagkat ang Diyos ay sumasakaniya.”—Gawa 10:38.
Kadalasan nang nasasangkot ang malaking pera sa diumano’y mga pagpapagaling sa ngayon. Kilalang mahusay sa paglikom ng pera ang mga faith healer. Ang isa sa gayong mga faith healer ay napaulat na nakalikom ng $89 na milyon (U.S.) sa loob ng isang taon mula sa mga manonood ng kaniyang mga programa sa telebisyon sa buong mundo. Ang mga simbahan ay kumikita rin mula sa kanilang mga deboto na pumupunta sa mga altar sa pag-asang gagaling sila. Sa kabaligtaran, hindi kailanman humingi ng pera si Jesus sa mga taong pinagaling niya. May pagkakataon ngang siya pa ang nagbigay ng pagkain sa kanila. (Mateo 15:30-38) Nang isugo ni Jesus ang kaniyang mga alagad para mangaral, sinabi niya sa kanila: “Magpagaling kayo ng mga taong may sakit, magbangon ng mga taong patay, gawing malinis ang mga ketongin, magpalayas ng mga demonyo. Tinanggap ninyo nang walang bayad, ibigay ninyo nang walang bayad.” (Mateo 10:8) Bakit kaya ibang-iba ang pagpapagaling na ginawa ni Jesus sa ginagawa ng mga nagpapagaling sa ngayon?
Kanino Nagmumula ang Kanilang Kapangyarihan sa ‘Pagpapagaling’?
Sa paglipas ng mga taon, sinuri ng ilang tao sa larangan ng medisina ang mga pag-aangkin ng mga nagpapagaling na ito. Ano ang kanilang natuklasan? Ayon sa Daily Telegraph ng London, isang doktor sa Inglatera na gumugol ng 20 taon sa pag-iimbestiga sa bagay na ito ang nagsabi: “Wala ni isa mang ebidensiya sa medisina ang nagpapatunay na napagaling nga ang mga nagsasabing makahimala silang gumaling.” Gayunman, maraming tao ang talagang naniniwala na napagaling sila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng mga relikya, altar, o faith healer. Hindi kaya biktima lamang sila ng panlilinlang?
Sa kaniyang bantog na Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesus na ang mga impostor ay magsasabi sa kaniya: “Panginoon, Panginoon, hindi ba kami . . . nagsagawa ng maraming makapangyarihang gawa sa pangalan mo?” Gayunman, sumagot siya: “Hindi ko kayo kailanman nakilala! Lumayo kayo sa akin, kayong mga manggagawa ng katampalasanan.” (Mateo 7:22, 23) May kinalaman sa pinagmumulan ng kapangyarihan ng mga nag-aangking ito, nagbabala si apostol Pablo: “Ang pagkanaririto ng isa na tampalasan ay ayon sa pagkilos ni Satanas taglay ang bawat makapangyarihang gawa at kasinungalingang mga tanda at mga palatandaan at taglay ang bawat likong panlilinlang.”—2 Tesalonica 2:9, 10.
Karagdagan pa, ang mga ‘pagpapagaling’ na may kaugnayan sa mga relihiyosong relikya, idolo, at imahen ay hindi maaaring magmula sa Diyos. Bakit? Dahil malinaw na iniuutos sa Salita ng Diyos: “Tumakas kayo mula sa idolatriya,” at “Bantayan ninyo ang inyong sarili mula sa mga idolo.” (1 Corinto 10:14; 1 Juan 5:21) Ang gayong mga ‘pagpapagaling’ ay bahagi ng panlilinlang ng Diyablo para iligaw ang mga tao mula sa tunay na pagsamba. Sinasabi ng Bibliya: “Si Satanas mismo ay laging nag-aanyong isang anghel ng liwanag.”—2 Corinto 11:14.
Kung Bakit Nagpagaling ng mga Tao si Jesus at ang mga Apostol
Malinaw na tinutukoy ng tunay na makahimalang mga pagpapagaling na nakaulat sa Kristiyanong Griegong Kasulatan na si Jesus at ang mga apostol ay mula sa Diyos. (Juan 3:2; Hebreo 2:3, 4) Sinusuportahan din ng makahimalang mga pagpapagaling ni Jesus ang mensaheng ipinangangaral niya: “Lumibot siya sa buong Galilea, na nagtuturo sa kanilang mga sinagoga at nangangaral ng mabuting balita ng kaharian at nagpapagaling ng bawat uri ng karamdaman.” (Mateo 4:23) Ipinakikita ng makapangyarihang mga gawa ni Jesus—hindi lamang ang pagpapagaling sa maysakit kundi ang pagpapakain din sa libu-libo, pagkontrol sa puwersa ng kalikasan, at maging pagbuhay sa patay—kung ano ang kaniyang gagawin sa masunuring sangkatauhan sa ilalim ng pamamahala niya sa Kaharian. Talaga ngang mabuting balita ito!
Ang gayong makapangyarihan mga gawa, o mga kaloob ng espiritu, ay naglaho nang mamatay si Jesus at ang mga apostol at ang sinumang pinagkalooban nila ng kaloob na ito. Isinulat ni apostol Pablo: “Kahit may mga kaloob na panghuhula, ang mga ito ay aalisin; kahit may mga wika man, ang mga ito ay maglalaho; kahit may kaalaman [na isiniwalat ng Diyos], ito ay aalisin.” (1 Corinto 13:8) Bakit? Yamang natupad na ang layunin nito—ang patunayan na si Jesus ang ipinangakong Mesiyas at ang kongregasyong Kristiyano ang sinasang-ayunan ng Diyos—ang gayong makapangyarihang mga gawa, pati na ang pagpapagaling, ay hindi na kailangan; ang mga ito ay “aalisin.”
Gayunman, may mahalagang mensahe sa atin sa ngayon ang makahimalang pagpapagaling ni Jesus. Kung magbibigay-pansin at mananampalataya tayo sa itinuro ni Jesus tungkol sa Kaharian ng Diyos, makaaasa tayo na darating ang panahon na magkakaroon ng katuparan sa espirituwal at pisikal na paraan ang kinasihang hula: “Walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’”—Isaias 33:24; 35:5, 6; Apocalipsis 21:4.