Alam Mo Ba?
Alam Mo Ba?
May dahilan ba si Poncio Pilato na matakot kay Cesar?
Para gipitin ang Romanong gobernador na si Poncio Pilato na ipapatay si Jesus, sinabi ng mga lider na Judio: “Kung palalayain mo ang taong ito, hindi ka kaibigan ni Cesar.” (Juan 19:12) Ang “Cesar” na binabanggit dito ay ang Romanong emperador na si Tiberio. May dahilan ba si Pilato na matakot sa Cesar na ito?
Anong uri ng tao si Tiberio Cesar? Ilang taon bago litisin si Jesus, si Tiberio ay “waring interesado [na] lamang na makuha ang gusto niya at kinukuha niya ito sa napakasamang paraan,” ang sabi ng The New Encyclopædia Britannica. Lubha siyang mapaghinala kaya pinaparusahan niya at pinapatay ang sinumang inaakala niyang nagtataksil. Idinagdag pa ng reperensiya: “Kung paniniwalaan natin ang mga istoryador na nabuhay noong panahon niya, ang kaniyang paboritong libangan ay malupit at malaswa. . . . Brutal siya kung pumatay, at basta na lamang niya pinapatay ang sinumang maibigan niya.”
Kung gayon, ang reputasyon ni Tiberio ay maaaring nakaapekto sa pasiya ni Pilato na magpadala sa panggigipit ng mga lider na Judio at ipag-utos na ipapatay si Jesus.—Juan 19:13-16.
Bakit hinugasan ni Jesus ang mga paa ng kaniyang mga apostol?
Sa sinaunang Israel, maraming ordinaryong tao ang nagtatrabaho sa araw-araw nang walang sapin sa paa. Ang ilan naman noon ay nagsusuot lamang ng sandalyas, panyapak na may suwelas lamang at panaling itinatali sa paa at bukung-bukong. Dahil maalikabok at maputik ang mga daan at bukirin, tiyak na narurumihan ang mga paa ng mga tao.
Kaya isang kaugalian noon na alisin ng isa ang kaniyang sandalyas kapag pumapasok sa bahay. Tanda ng pagiging mapagpatuloy ang hugasan ang paa ng bisita. Ginagawa ito ng may-ari ng bahay o ng isang alipin. May ilang halimbawa na binabanggit ang Bibliya hinggil sa karaniwang gawaing ito. Ganito ang sinabi ni Abraham sa mga panauhin sa kaniyang tolda: “Hayaan ninyong makakuha ng kaunting tubig, pakisuyo, at pahugasan ninyo ang inyong mga paa. Pagkatapos ay humilig kayo sa ilalim ng punungkahoy. At hayaan ninyong kumuha ako ng isang piraso ng tinapay, at paginhawahin ang inyong mga puso.”—Genesis 18:4, 5; 24:32; 1 Samuel 25:41; Lucas 7:37, 38, 44.
Ang nabanggit na impormasyon ay tutulong sa atin na maunawaan kung bakit hinugasan ni Jesus ang mga paa ng kaniyang mga alagad sa panahon ng kaniyang huling Paskuwa na kasama nila. Sa pagkakataong iyon, walang may-bahay o alipin na gagawa nito, at maliwanag na wala man lamang sa mga alagad ang nagprisinta na gawin ito. Kaya nang kumuha si Jesus ng palangganang may tubig at ng tuwalya para hugasan at patuyuin ang mga paa ng kaniyang mga apostol, tinuruan niya sila ng isang aral tungkol sa pag-ibig at kapakumbabaan.—Juan 13:5-17.