Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nagmamalasakit ba sa Akin ang Diyos?

Nagmamalasakit ba sa Akin ang Diyos?

Nagmamalasakit ba sa Akin ang Diyos?

Karaniwang sagot:

▪ “Sino ako para tulungan ng Diyos sa aking mga problema?”

▪ “Sa palagay ko, hindi siya nagmamalasakit sa akin.”

Ano ang sinabi ni Jesus?

▪ “Ang limang maya ay ipinagbibili sa dalawang barya na maliit ang halaga, hindi ba? Gayunma’y walang isa man sa kanila ang nalilimutan sa harap ng Diyos. Ngunit maging ang mga buhok ng inyong mga ulo ay biláng na lahat. Huwag kayong matakot; mas mahalaga kayo kaysa sa maraming maya.” (Lucas 12:6, 7) Walang-alinlangang itinuro ni Jesus na nagmamalasakit sa atin ang Diyos.

▪ “Huwag kayong mabalisa at magsabing, ‘Ano ang aming kakainin?’ o, ‘Ano ang aming iinumin?’ o, ‘Ano ang aming isusuot?’ Sapagkat ang lahat ng ito ang mga bagay na masikap na hinahanap ng mga bansa. Sapagkat nalalaman ng inyong makalangit na Ama na kailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito.” (Mateo 6:31, 32) Naniniwala si Jesus na alam ng Diyos ang ating mga pangangailangan.

MALINAW na sinasabi ng Bibliya na nagmamalasakit sa atin ang Diyos. (Awit 55:22; 1 Pedro 5:7) Pero bakit maraming pagdurusa sa ngayon? Kung ang Diyos ay maibigin at pinakamakapangyarihan-sa-lahat, bakit wala siyang ginagawa para alisin ang mga pagdurusa?

Hindi alam ng maraming tao ang katotohanan na si Satanas na Diyablo ang tagapamahala ng napakasamang sanlibutang ito. Nang tuksuhin ni Satanas si Jesus, inalok nito sa kaniya ang lahat ng kaharian sa daigdig, na sinasabi: “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng awtoridad na ito at ang kaluwalhatian nila, sapagkat ibinigay na sa akin, at sa kaninumang nais ko ay ibinibigay ko ito.”​—Lucas 4:5-7.

Paano naging tagapamahala ng sanlibutan si Satanas? Nang ang una nating mga magulang, sina Adan at Eva, ay sumunod kay Satanas at tumalikod sa Diyos, sa diwa ay pinili nila si Satanas bilang kanilang tagapamahala. Mula noong paghihimagsik na iyon, nagtiis ang Diyos na Jehova at hinayaan niyang lumipas ang panahon para ipakitang bigung-bigo ang pamamahala ni Satanas. Hindi pinipilit ni Jehova ang mga tao na paglingkuran siya, sa halip, binigyan niya tayo ng pagkakataong manumbalik sa kaniya.​—Roma 5:10.

Dahil nagmamalasakit sa atin ang Diyos, gumawa siya ng kaayusan para mapalaya tayo ni Jesus mula sa pamamahala ni Satanas. Sa malapit na hinaharap, ‘papawiin ni Jesus ang isa na may kakayahang magpangyari ng kamatayan, samakatuwid nga, ang Diyablo.’ (Hebreo 2:14) Sa paggawa nito, ‘sisirain niya ang mga gawa ng Diyablo.’​—1 Juan 3:8.

Isasauli ang paraiso sa lupang ito. Sa panahong iyon, ‘papahirin ng Diyos ang bawat luha sa mga mata ng mga tao, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.’​—Apocalipsis 21:4, 5. *

[Talababa]

^ par. 12 Para sa higit pang impormasyon kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa, tingnan ang kabanata 11 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Blurb sa pahina 8]

Isasauli ang paraiso sa lupang ito