Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sinasang-ayunan ba ng Diyos ang Lahat ng Uri ng Pagsamba?

Sinasang-ayunan ba ng Diyos ang Lahat ng Uri ng Pagsamba?

Sinasang-ayunan ba ng Diyos ang Lahat ng Uri ng Pagsamba?

Karaniwang sagot:

▪ “Lahat ng relihiyon ay patungo sa Diyos.”

▪ “Hindi mahalaga kung ano ang pinaniniwalaan mo basta’t taimtim ka.”

Ano ang sinabi ni Jesus?

▪ “Pumasok kayo sa makipot na pintuang-daan; sapagkat malapad at maluwang ang daan na umaakay patungo sa pagkapuksa, at marami ang mga pumapasok dito; samantalang makipot ang pintuang-daan at masikip ang daan na umaakay patungo sa buhay, at kakaunti ang mga nakasusumpong nito.” (Mateo 7:13, 14) Hindi naniniwala si Jesus na ang lahat ng relihiyon ay patungo sa Diyos.

▪ “Marami ang magsasabi sa akin sa araw na iyon, ‘Panginoon, Panginoon, hindi ba kami nanghula sa pangalan mo, at nagpalayas ng mga demonyo sa pangalan mo, at nagsagawa ng maraming makapangyarihang gawa sa pangalan mo?’ At kung magkagayon ay ipahahayag ko sa kanila: Hindi ko kayo kailanman nakilala! Lumayo kayo sa akin, kayong mga manggagawa ng katampalasanan.” (Mateo 7:22, 23) Hindi tinatanggap ni Jesus ang lahat ng nag-aangking sumusunod sa kaniya.

MARAMING relihiyosong tao ang mahigpit na nanghahawakan sa kanilang sariling mga paniniwala at tradisyon. Pero paano kung ang kanilang mga turo ay hindi kasuwato ng sinasabi sa Salita ng Diyos, ang Bibliya? Ipinakikita ni Jesus ang panganib ng pagsunod sa gawang-taong mga tradisyon nang sabihin niya sa mga lider ng relihiyon noong panahon niya: “Pinawalang-bisa ninyo ang salita ng Diyos dahil sa inyong tradisyon.” Pagkatapos, sinipi niya ang mga sinabing ito ng Diyos: “Ang bayang ito ay nagpaparangal sa akin sa kanilang mga labi, gayunman ang kanilang puso ay malayung-malayo sa akin. Walang kabuluhan ang patuloy na pagsamba nila sa akin, sapagkat itinuturo nila ang mga utos ng mga tao bilang mga doktrina.”​—Mateo 15:1-9; Isaias 29:13.

Mahalaga hindi lamang ang paniniwala kundi pati na ang paggawi. Ganito ang binabanggit ng Bibliya hinggil sa ilan na nag-aangking sumasamba sa Diyos: “Hayagan nilang sinasabi na kilala nila ang Diyos, ngunit itinatatwa nila siya sa pamamagitan ng kanilang mga gawa.” (Tito 1:16) Sa katunayan, ganito ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga taong nabubuhay sa ating panahon: “Mahilig [sila] sa kalayawan sa halip na sa mga bagay na ukol sa Diyos. Sila’y magkukunwang may pananampalataya ngunit hindi naman makikita sa buhay nila ang kapangyarihan nito. Iwasan mo ang mga ganitong tao.”​—2 Timoteo 3:4, 5, Magandang Balita Biblia.

Kaya hindi lamang kataimtiman ang kailangan. Bakit? Dahil maaaring maging taimtim ang isa pero mali naman ang kaniyang ginagawa. Mahalaga na magkaroon ng tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos. (Roma 10:2, 3) Ang pagkuha ng kaalamang ito at pagkilos kasuwato ng sinasabi ng Bibliya ay tutulong sa atin na maging kalugud-lugod tayo sa Diyos. (Mateo 7:21) Kaya ang tamang relihiyon ay nagsasangkot ng tamang motibo, tamang paniniwala, at tamang pagkilos. At ang tamang pagkilos ay ang gawin ang kalooban ng Diyos araw-araw!​—1 Juan 2:17.

Kung gusto mong matuto pa nang higit tungkol sa sinasabi sa atin ng Bibliya hinggil sa Diyos, humiling sa mga Saksi ni Jehova ng walang-bayad na pantahanang pag-aaral sa Bibliya.

[Blurb sa pahina 9]

Ang tamang relihiyon ay nagsasangkot ng tamang motibo, tamang paniniwala, at tamang pagkilos