Malugod Kayong Tinatanggap
MARAHIL may nakita ka nang Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar at nag-iisip ka kung ano kaya ang ginagawa nila roon. Alam mo bang ang sinuman ay maaaring dumalo sa kanilang lingguhang mga pagpupulong? Malugod na tinatanggap ang mga bisita.
Gayunman, baka may mga tanong ka. Bakit nagtitipon ang mga Saksi ni Jehova? Ano ang nagaganap sa mga pagpupulong na iyon? At ano ang sinasabi ng mga bisitang hindi Saksi ni Jehova tungkol sa mga pulong na iyon?
“Tipunin Mo ang Bayan”
Noon pa mang sinaunang panahon, nagtitipon na ang mga tao upang sumamba at matuto tungkol sa Diyos. Halos 3,500 taon na ang nakalilipas, ang mga Israelita ay sinabihan: “Tipunin mo ang bayan, ang mga lalaki at ang mga babae at ang maliliit na bata at ang iyong naninirahang dayuhan na nasa loob ng iyong mga pintuang-daan, upang makapakinig sila at upang matuto sila, upang matakot sila kay Jehova na inyong Diyos at maingat na tuparin ang lahat ng mga salita ng kautusang ito.” (Deuteronomio 31:12) Kaya sa Israel, ang mga bata’t matanda ay tinuturuang sumamba at sumunod sa Diyos na Jehova.
Pagkalipas ng mga dantaon, nang itatag ang kongregasyong Kristiyano, patuloy na naging mahalagang bahagi ng tunay na pagsamba ang mga pagpupulong. Sumulat si apostol Pablo: “Isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa, na hindi pinababayaan ang ating pagtitipon, gaya ng kinaugalian ng iba, kundi nagpapatibayang-loob sa isa’t isa.” (Hebreo 10:24, 25) Kung paanong tumitibay ang buklod ng pamilya kapag ang mga miyembro nito ay gumugugol ng panahon na magkakasama, tumitibay rin ang buklod ng pag-ibig sa pagitan ng mga nagnanais maglingkod sa Diyos kapag nagtitipon ang mga Kristiyano para sumamba.
Kasuwato ng mga halimbawang ito mula sa Kasulatan, ang mga Saksi ni Jehova ay nagtitipon sa kanilang mga Kingdom Hall dalawang beses sa isang linggo. Ang mga pulong ay tumutulong sa mga dumadalo na matutong magpahalaga, umunawa, at magkapit ng mga simulain sa Bibliya. Hangga’t maaari, ang programa ay pare-pareho sa buong daigdig, at ang bawat pulong ay may espesipikong espirituwal na tunguhin. Bago at pagkatapos ng mga pulong, ang mga dumadalo ay nagtatamasa ng “pagpapalitan ng pampatibay-loob” sa pamamagitan ng nakapagpapatibay na mga usapan. (Roma 1:12) Ano ang nagaganap sa bawat pagpupulong na ito?
Pahayag na Salig sa Bibliya
Ang unang pulong na dinadaluhan ng karamihan ay ang pahayag na salig sa Bibliya na dinisenyo para sa madla, na karaniwang ginaganap sa dulo ng sanlinggo. Madalas magpahayag sa madla si Jesu-Kristo—kabilang dito ang kilalang Sermon sa Bundok. (Mateo 5:1; 7:28, 29) Si apostol Pablo ay nagsalita sa mga lalaki ng Atenas. (Gawa 17:22-34) Bilang pagsunod sa ginawa nina Jesus at Pablo, itinatampok ng mga pulong ng mga Saksi ni Jehova ang isang pahayag na pantanging dinisenyo para sa publiko, na ang ilan sa kanila ay maaaring noon lamang nakadalo.
Ang pulong ay nagsisimula sa pamamagitan ng isang awit mula sa aklat na Umawit ng mga Papuri kay Jehova. * Ang lahat ay inaanyayahang tumayo at umalinsabay sa pag-awit. Pagkatapos ng maikling panalangin, isang kuwalipikadong tagapagsalita ang nagbibigay ng 30-minutong pahayag. (Tingnan ang kahon na “Praktikal na mga Pahayag Pangmadla.”) Salig lamang sa Bibliya ang kaniyang pahayag. Kadalasang inaanyayahan ng tagapagsalita ang mga tagapakinig na tingnan sa Bibliya ang nauugnay na mga teksto at subaybayan ang mga talata habang binabasa ang mga ito. Kaya maaari mong dalhin ang iyong sariling kopya ng Bibliya, o maaari kang humiling ng isang kopya ng Bibliya sa isa sa mga Saksi ni Jehova bago ang pulong.
Pag-aaral sa Bantayan
Sa karamihan ng mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, ang pahayag pangmadla ay sinusundan ng Pag-aaral sa Bantayan, isang oras na tanong-sagot na talakayan hinggil sa isang paksa sa Bibliya. Pinasisigla ng pulong na ito ang mga dumadalo na tularan ang halimbawa ng mga taga-Berea noong panahon ni Pablo, na “tinanggap . . . ang salita nang may buong pananabik ng kaisipan, na maingat na sinusuri ang Kasulatan.”—Gawa 17:11.
Sinisimulan ang Pag-aaral sa Bantayan sa pamamagitan ng isang awit. Ang impormasyong tinatalakay at ang mga tanong na ibinabangon ng nangangasiwa ay makikita sa edisyon para sa pag-aaral ng magasing ito. Makakakuha ka ng isang kopya ng edisyon para sa pag-aaral mula sa isa sa mga Saksi ni Jehova. Kabilang sa mga paksang tinalakay kamakailan ang “Mga Magulang—Sanayin ang Inyong mga Anak sa Maibiging Paraan,” “Huwag Gumanti Kaninuman ng Masama Para sa Masama,” at “Kung Bakit Malapit Nang Magwakas ang Lahat ng Pagdurusa.” Bagaman nagtatanong ang nangangasiwa at sumasagot ang mga tagapakinig, ang pakikibahagi ay boluntaryo at ang mga komento ay karaniwang ibinibigay ng mga nakabasa na at nakapag-aral nang patiuna sa artikulo at umaalalay na mga teksto. Nagtatapos ang pulong sa pamamagitan ng awit at panalangin.—Mateo 26:30; Efeso 5:19.
Pag-aaral ng Kongregasyon sa Bibliya
Isang gabi sa bawat linggo, muling nagtitipon ang mga Saksi ni Jehova sa Kingdom Hall para sa isang programa na may tatlong bahagi na sa kabuuan ay tumatagal nang 1 oras at 45 minuto. Ang unang bahagi ay ang Pag-aaral ng Kongregasyon sa Bibliya, na tumatagal nang 25 minuto. Tinutulungan nito ang mga dumadalo na maging higit na pamilyar sa kanilang Bibliya, mabago ang kanilang pag-iisip at saloobin, at sumulong bilang mga alagad ni Kristo. (2 Timoteo 3:16, 17) Gaya ng Pag-aaral sa Bantayan, ang pulong na ito ay tanong-sagot na pagtalakay sa isang paksa sa Bibliya. Ang pagkokomento ay boluntaryo. Ang pantulong sa pag-aaral ng Bibliya ay karaniwang isang aklat o brosyur na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
Bakit ginagamit sa pulong ang mga literaturang salig sa Bibliya? Noong panahon ng Bibliya, hindi sapat ang basta pagbasa sa Salita ng Diyos. “Ipinaliliwanag iyon, at binibigyan iyon ng kahulugan; at patuloy silang nagbibigay ng unawa sa pagbasa.” (Nehemias 8:8) Kamakailan, ang mga publikasyong tumatalakay sa mga aklat ng Isaias, Daniel, at Apocalipsis ay nakatulong sa mga dumadalo sa mga pulong na ito na maunawaan ang mga bahaging ito ng Bibliya.
Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo
Pagkatapos ng Pag-aaral ng Kongregasyon sa Bibliya ay ang Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. Ang 30-minutong pulong na ito ay dinisenyo upang tulungan ang mga Kristiyano na malinang ang “sining ng pagtuturo.” (2 Timoteo 4:2) Halimbawa, tinanong ka na ba ng iyong anak o kaibigan tungkol sa Diyos o sa Bibliya at nahirapan kang sagutin ito? Matuturuan ka ng Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo kung paano sasagutin salig sa Bibliya ang mahihirap na tanong. Sa gayon, mararanasan natin ang naranasan ni propeta Isaias, na nagsabi: “Binigyan ako ng Soberanong Panginoong Jehova ng dila ng mga naturuan, upang malaman ko kung paano sasagutin ng salita ang pagód.”—Isaias 50:4.
Ang Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo ay nagsisimula sa pamamagitan ng isang pahayag na salig sa isang bahagi ng Bibliya. Hinihimok ang mga tagapakinig na basahin ito isang linggo patiuna. Pagkatapos ng pahayag, inaanyayahan ng tagapagsalita ang mga tagapakinig na magbigay ng maiikling komento tungkol sa mga punto sa naiatas na pagbasa na nasumpungan nilang kapaki-pakinabang. Kasunod ng talakayang ito, ihaharap ng mga estudyanteng nagpatala sa paaralan ang ibinigay na mga atas sa kanila.
Ang mga estudyante ay inaatasang bumasa ng isang bahagi ng Bibliya mula sa plataporma o magtanghal kung paano ituturo sa isang tao ang isang paksa sa Bibliya. Pagkatapos ng bawat pahayag, isang may-karanasang tagapayo ang magbibigay ng komendasyon sa estudyante tungkol sa kaniyang presentasyon, salig sa mga komento
mula sa aklat-aralin na Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. Sa dakong huli, magbibigay siya ng mga mungkahi nang sarilinan kung paano maaaring sumulong ang estudyante.Ang sunud-sunod na bahaging ito ng programa ay dinisenyo upang tulungan hindi lamang ang estudyante kundi ang lahat ng dumadalo na nagnanais sumulong sa kanilang kasanayan sa pagbabasa, pagsasalita, at pagtuturo. Pagkatapos ng Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, pinasisimulan sa pamamagitan ng isang awit na salig sa isang talata sa Bibliya ang Pulong sa Paglilingkod.
Pulong sa Paglilingkod
Ang huling bahagi ng programa ay ang Pulong sa Paglilingkod. Sa pamamagitan ng mga pahayag, pagtatanghal, panayam, at pakikibahagi ng mga tagapakinig, natututuhan ng mga dumadalo kung paano mabisang ituturo ang katotohanan mula sa Bibliya. Bago isugo ang kaniyang mga alagad para mangaral, tinipon sila ni Jesus at binigyan sila ng detalyadong mga tagubilin. (Lucas 10:1-16) Palibhasa’y handang-handa na sila sa gawaing pag-eebanghelyo, nagkaroon sila ng maraming kawili-wiling karanasan. Nang maglaon, iniulat ito ng mga tagasunod ni Jesus sa kaniya. (Lucas 10:17) Madalas na ibinabalita ng mga alagad sa isa’t isa ang kanilang mga karanasan.—Gawa 4:23; 15:4.
Ang 35-minutong programa para sa Pulong sa Paglilingkod ay nakabalangkas sa buwanang newsletter na pinamagatang Ating Ministeryo sa Kaharian. Kabilang sa paksang tinalakay kamakailan ang: “Sambahin si Jehova Bilang Isang Pamilya,” “Kung Bakit Patuloy Tayong Bumabalik,” at “Tularan si Kristo sa Iyong Ministeryo.” Nagtatapos ang programa sa pamamagitan ng isang awit, at isang miyembro ng kongregasyon ang inaatasang magbigay ng pansarang panalangin.
Kung Ano ang Sinabi ng mga Bisita
Sinisikap ng mga miyembro ng kongregasyon na malugod na tanggapin ang lahat. Halimbawa, maraming negatibong kuwento ang narinig ni Andrew tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Ngunit nang una siyang dumalo sa pulong, nagulat siya sa mainit na pagtanggap sa kaniya. “Nakalulugod na dako ito,” ang sabi ni Andrew. “Gulat na gulat ako sapagkat ang mga tao roon ay palakaibigan at interesado sila sa akin.” Sumasang-ayon din si Ashel, isang tin-edyer sa Canada. “Kawili-wili ang pulong! Madaling maintindihan ang programa.”
Si José na nakatira sa Brazil ay kilalang palaaway sa kanilang lugar. Sa kabila nito, inanyayahan siyang dumalo sa isang pulong sa Kingdom Hall sa kanilang lugar. “Malugod akong tinanggap ng mga nasa Kingdom Hall, kahit na alam nila ang dati kong ugali,” ang sabi niya. Ganito naman ang naaalaala ni Atsushi, na nakatira sa Hapon: “Inaamin ko na noong una akong dumalo sa pulong ng mga Saksi ni Jehova, hindi ako gaanong mapalagay. Gayunpaman, nakita ko na ang mga taong ito ay gaya rin ng iba. Talagang sinikap nilang maging palagay ang loob ko.”
Malugod Kayong Tinatanggap
Gaya ng ipinakikita ng nabanggit na mga komento, ang pagdalo sa mga pulong sa Kingdom Hall ay maaaring maging lubhang kapaki-pakinabang. Matututo ka tungkol sa Diyos, at sa pamamagitan ng tagubiling salig sa Bibliya na matatanggap mo roon, tuturuan ka ng Diyos na Jehova kung paano ka ‘makikinabang.’—Isaias 48:17.
Ang mga pulong ng mga Saksi ni Jehova ay walang bayad at walang koleksiyon. Gusto mo bang dumalo ng pulong sa Kingdom Hall sa inyong lugar? Malugod namin kayong inaanyayahang dumalo.
^ par. 10 Ang lahat ng publikasyong binabanggit sa artikulong ito ay inilathala ng mga Saksi ni Jehova.