Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Ano ang pangmalas ng Diyos sa pagsasagawa ng astrolohiya ng mga Israelita?

Ayon sa isang diksyunaryo, ang astrolohiya ay “ang pag-aaral sa galaw ng mga planeta, araw, buwan, at mga bituin sa paniniwalang nakaaapekto ito sa buhay ng mga tao.” Kapag pinagmamasdan mula sa lupa, waring nagbabago ang posisyon ng mga konstelasyon habang umiikot ang lupa sa araw sa bawat taon. Mula pa noong sinaunang panahon, pinagmamasdan ng mga tao ang mga pagbabagong ito at ipinalalagay na ang mga ito ay may malaking epekto sa kanilang buhay.

Ang astrolohiya ay malamang na nagmula sa sinaunang mga Babilonyo, na sumasamba sa mga bituin at mga konstelasyon. Ang anyong ito ng pagsamba ay isinagawa ng mga Israelita nang lumihis sila mula sa tunay na pagsamba. Noong panahon ni Haring Josias ng Juda, ang astrolohiya ay malawakang isinasagawa sa lupain. Maliwanag ang pangmalas ng Diyos sa bagay na ito. Ayon sa Kautusang Mosaiko, na isinulat daan-daang taon bago nito, ang sumasamba sa mga bituin ay dapat patayin.​—Deuteronomio 17:2-5.

Isa sa mga ginawa ni Haring Josias upang baguhin ang pagsamba ng mga taga-Juda ay ang pagbabawal na maghain “sa araw at sa buwan at sa mga konstelasyon ng sodyako at sa buong hukbo ng langit.” Sinasabi ng ulat ng Bibliya na ginawa ito ng hari sapagkat nais niyang “lumakad na kasunod ni Jehova at . . . tuparin ang kaniyang mga utos.” (2 Hari 23:3-5) Iyan din ang dapat gawin ng mga tao sa ngayon na nagnanais sumamba sa Diyos “sa espiritu at katotohanan.”​—Juan 4:24.

Sino ang “Mga Anak ni Zeus” na binabanggit sa Gawa 28:11?

Iniuulat ng aklat ng Bibliya na Mga Gawa na noong patungong Roma si apostol Pablo, naglayag siya mula Malta hanggang Puteoli sakay ng barkong may roda na “Mga Anak ni Zeus.” (Gawa 28:11) Karaniwan sa sinaunang mga magdaragat at manlalakbay ang paggamit ng gayong imahen.

Ayon sa mitolohiyang Griego at Romano, si Zeus (kilala rin bilang Jupiter) at si Leda ay may kambal na anak na lalaki, sina Castor at Pollux. Ang “Mga Anak ni Zeus” na ito ay ipinalalagay na dalubhasang mga marinero na may kapangyarihan sa hangin at mga alon. Kaya naman, sinasamba sila bilang mga patron ng mga magdaragat. Ang mga naglalayag ay naghahain sa mga ito at humihiling na proteksiyunan sila kapag may mga bagyo. Karaniwang pinaniniwalaan na ang kambal na diyos ay nagpapakita ng kanilang kapangyarihang magsanggalang sa anyo ng santelmo, isang maningning na liwanag sa palo ng mga barko kung may bagyo.

Karamihan ng mga Griego at Romano ay sumasamba kina Castor at Pollux, at binabanggit ng isang sinaunang akda na umiiral nga ang anyong ito ng pagsamba sa distrito ng Cirene, Hilagang Aprika. Ang barkong binabanggit sa aklat ng Mga Gawa ay mula sa kalapit na Alejandria, sa Ehipto.

[Larawan sa pahina 9]

Stela ng babilonya na naglalarawan kay Haring Nazimaruttash na may mga konstelasyon

[Larawan sa pahina 9]

Baryang denario na may larawan ng “mga Anak ni Zeus,” noong 114-113 B.C.E.

[Picture Credit Lines sa pahina 9]

Stela: Réunion des Musées Nationaux/Art Resource, NY; coin: Courtesy Classical Numismatic Group, Inc./cngcoins.com