Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Lunsod ng Corinto—“Panginoon ng Dalawang Daungan”

Ang Lunsod ng Corinto—“Panginoon ng Dalawang Daungan”

Ang Lunsod ng Corinto​—“Panginoon ng Dalawang Daungan”

KUNG titingnan mo ang mapa ng Gresya, makikita mo na ang malaking bahagi ng bansa ay binubuo ng isang peninsula sa hilaga at ng isa pang peninsula sa timog na tinatawag na Peloponesia. Ang dalawang ito ay pinagdurugtong ng isang makitid na lupain, na mga anim na kilometro ang lapad sa pinakamakitid na bahagi nito. Tinatawag itong Ismo ng Corinto.

Mahalaga rin ang ismo dahil tinatawag itong tulay ng dagat. Nasa silangan nito ang Gulpong Saronic, na patungo sa Dagat Aegeano at sa silangang Mediteraneo. Nasa kanluran naman ng ismo ang Gulpo ng Corinto na patungo sa Dagat Ioniano, Dagat Adriatico, at kanlurang Mediteraneo. Nasa gitna nito ang lunsod ng Corinto, ang lugar na madalas hintuan ni apostol Pablo sa kaniyang mga paglalakbay-misyonero. Kilala rin ito sa sinaunang daigdig dahil maunlad ang lunsod na ito at ang mga nakatira rito ay maluluho at imoral.

Isang Estratehikong Lunsod

Ang lunsod ng Corinto ay malapit sa dulong kanluran ng napakahalagang ismong ito. May daungan sa magkabilang panig ng ismo​—ang Lechaeum sa kanluran at ang Cencrea sa silangan. Dahil dito, inilarawan ng Griegong heograpo na si Strabo ang Corinto bilang ang “panginoon ng dalawang daungan.” Yamang maganda ang lokasyon ng Corinto, ang mga kalakal na ibinibiyahe mula sa hilaga at timog gayundin ang mga barkong pangkalakal mula sa silangan at kanluran ay dumaraan dito.

Mula noong sinaunang panahon, ang mga barko mula sa silangan (Asia Minor, Sirya, Fenicia, at Ehipto) at sa kanluran (Italya at Espanya) ay dumadaong at ibinababa ang mga dalang kargamento sa isang daungan, na ibinibiyahe naman ng ilang milya patungo sa kabilang ibayo ng ismo. Doon, inililipat ang mga kargamento sa ibang mga barko para dalhin sa ibang lugar. Ang mas maliliit na sasakyang pandagat ay itinatawid sa ismo sa pamamagitan ng isang uri ng daanan na tinatawag na diolkos.​—Tingnan ang  kahon sa pahina 27.

Bakit mas pinipili ng mga magdaragat na dumaan sa ismong ito? Para maiwasan nila ang mapanganib na 320-kilometrong paglalayag sa maalong karagatan sa palibot ng timugang Peloponesia na madalas daanan ng bagyo. Partikular na iniiwasan ng mga magdaragat ang Cape Malea, na ganito ang sinasabi tungkol dito: “Kung daraan ka sa palibot ng Cape Malea, hindi ka na makauuwi.”

Cencrea​—Lumubog na Daungang Natuklasan

Ang daungan ng Cencrea, mga 11 kilometro sa silangan ng Corinto, ang huling daungan ng mga barkong mula sa Asia. Dahil sa mapangwasak na lindol noong magtatapos ang ikaapat na siglo C.E., lumubog ang kalahati ng daungang ito. Inilarawan ni Strabo ang Cencrea bilang isang abalang daungan, at tinawag naman ito ng pilosopong Romano na si Lucius Apuleius na “isang napakalaki at maimpluwensiyang lugar na madalas daungan ng mga barko ng maraming bansa.”

Noong panahong Romano, ang daungan ay may dalawang piyer na nakaungos sa dagat at hugis-U, anupat ang pasukan nito ay may luwang na 150 hanggang 200 metro. Maaaring dumaong dito ang mga barko na umaabot nang 40 metro ang haba. Nang hukayin ang timog-kanlurang bahagi ng daungan, lumitaw ang mga bahagi ng isang templo na ipinalalagay na para sa diyosang si Isis. Ang mga gusali sa kabilang dulo ng daungan ay ipinalalagay na templo para kay Aphrodite. Ang dalawang diyosang ito ay itinuturing na mga patron ng mga magdaragat.

Ang kalakalan sa daungan ang malamang na dahilan kung bakit nagtrabaho si apostol Pablo bilang tagagawa ng tolda sa Corinto. (Gawa 18:1-3) Ganito ang sabi ng aklat na In the Steps of St. Paul: “Habang papalapit ang taglamig, napakaraming trabaho ng mga tagagawa ng tolda sa Corinto, na gumagawa rin ng mga layag ng barko. Punô ng mga barko ang dalawang daungan kung taglamig dahil hindi sila makapaglayag sa karagatan. Sa panahong iyon, kinukumpuni at pinapalitan ang ilang gamit ng barko kaya ang mga negosyante sa Lechaeum at Cencrea ay maraming patrabaho sa halos lahat ng marunong manahi ng layag.”

Pagkatapos tumira sa Corinto nang mahigit 18 buwan, naglayag si Pablo mula sa Cencrea patungong Efeso noong mga 52 C.E. (Gawa 18:18, 19) Noong sumunod na apat na taon, isang kongregasyong Kristiyano ang itinatag sa Cencrea. Sinasabi sa atin ng Bibliya na hiniling ni Pablo sa mga Kristiyano sa Roma na tulungan ang isang babaing Kristiyano na nagngangalang Febe mula sa “kongregasyon na nasa Cencrea.”​—Roma 16:1, 2.

Sa ngayon, ang mga labí ng lumubog na bahaging ito na dating daungan ng Cencrea ay pinupuntahan ng mga turista para maligo sa napakalinaw na tubig nito. Iilan lamang ang nakaaalam na maraming siglo na ang nakararaan, ang lugar na ito ay abala sa pakikipagkalakalan at maging sa gawaing pangangaral. Totoo rin ito sa isa pang daungan sa Corinto, ang Lechaeum, na nasa gawing kanluran ng ismo.

Lechaeum​—Daan Pakanluran

Ang daanang tinatawag na Lechaeum Road mula sa agora, o palengke, ng Corinto ay dalawang kilometro ang layo sa kanlurang daungan, ang Lechaeum. Hinukay ng mga inhinyero ang bahagi ng baybayin para gawin ang daungan at itinambak ito sa baybayin upang protektahan mula sa malalakas na hangin sa gulpo ang mga barkong nakadaong. May panahong ito ang isa sa pinakamalaking daungan sa Mediteraneo. Nahukay ng mga arkeologo ang mga labí ng isang parola, ang estatuwa ni Poseidon na may hawak na sulo.

Sa kahabaan ng Lechaeum Road, na protektado ng dobleng pader, ay may mga bangketa, gusali, templo, at mga kolonada na may mga tindahan. Malamang na sa lugar na ito nakakausap ni Pablo ang mga abalang mamimili, tindero, alipin, negosyante, mga taong mahilig makipagkuwentuhan, at iba pa​—isang angkop na lugar para mangaral.

Ang Lechaeum ay daungan hindi lamang ng mga barkong pangkalakal kundi pati ng mga barkong pandigma. Sinasabi ng ilan na ang trireme, ang isa sa pinakamahusay na barkong pandigma noon, ay inimbento ni Ameinocles na taga-Corinto sa mga gawaan ng barko sa Lechaeum noong mga 700 B.C.E. Ginamit ng mga taga-Atenas ang trireme kaya nanalo sila laban sa hukbong pandagat ng Persia sa digmaan sa Salamis noong 480 B.C.E.

Ang dating abalang daungan noon ay isa na lamang “maitim na lawa na maraming tumutubong tambo.” Walang makapagsasabi na ito ang isa sa pinakamalaking daungan sa Mediteraneo ilang siglo na ang nakalilipas.

Mga Hamon sa mga Kristiyano sa Corinto

Nakakapasok sa mga daungan sa Corinto hindi lamang ang mga kalakal kundi ang mga kultura na nakaimpluwensiya sa mga tao sa lunsod. Sabihin pa, magandang lugar ito para sa negosyo. Malaki ang kinikita ng Corinto sa paniningil ng matataas na buwis sa mga barkong dumadaong dito pati na rin sa mga kargamentong itinatawid sa ismo. Ang lunsod ay naniningil din ng buwis sa mga nagbibiyahe ng mga kalakal mula sa hilaga at timog. Sa pagtatapos ng ikapitong siglo B.C.E., hindi na siningil ng buwis ang mga mamamayan dahil sa napakalaking kinita mula sa buwis na ipinataw sa mga pamilihan sa lunsod at sa mga daungan nito.

Kumita rin ang Corinto mula sa mga negosyanteng pansamantalang tumitira doon. Marami sa kanila ang nagpapakasasa sa maluho at mahalay na mga pagsasaya. Dinarayo rin ang Corinto ng maraming magdaragat at pinayayaman ito. Gaya ng sinasabi ni Strabo, nagtatapon sila ng pera. Maraming iniaalok na serbisyo ang mga mamamayan ng lunsod, kabilang na ang pagkukumpuni ng barko.

Noong panahon ni Pablo, iniulat na mga 400,000 ang mga mamamayan sa lunsod, nahihigitan lamang ng Roma, Alejandria, at Antioquia ng Sirya. May mga Griego, Romano, Siryano, Ehipsiyo, at mga Judio na naninirahan sa Corinto. Dahil sa mga daungan nito, walang tigil ang pagpaparoo’t parito ng mga manlalakbay, mga manonood sa mga palaro, artista, pilosopo, negosyante, at iba pa. Ang mga bisitang ito ay nagdadala ng mga kaloob sa mga templo at naghahain sa mga diyos. Kaya maunlad at abala ang Corinto​—pero may kapalit ang lahat ng ito.

Ganito ang sabi ng aklat na In the Steps of St. Paul: “Dahil ang Corinto ay nasa pagitan ng dalawang daungan, ang mga tao rito ay naimpluwensiyahan ng kultura at imoral na pamumuhay ng banyagang mga bansa na ang mga barko ay dumadaong dito.” Ang mga bisyo at imoral na pamumuhay ng mga tao sa Silangan at sa Kanluran ay nakaimpluwensiya sa mga taga-Corinto. Dahil dito, ang Corinto ay naging pinakamahalay at imoral na lunsod sa sinaunang Gresya. Kaya kapag sinasabi ng mga tao na ang isa ay namumuhay na gaya ng mga taga-Corinto, nangangahulugan ito na siya ay imoral.

Dahil laganap ang materyalismo at imoralidad sa lunsod, nanganib ang espirituwalidad ng mga Kristiyano roon. Kailangang payuhan ang mga tagasunod ni Jesus sa Corinto na panatilihin ang mainam na paggawi sa harap ng Diyos. Kaya naman, sa kaniyang mga liham sa mga taga-Corinto, tahasang hinatulan ni Pablo ang kasakiman, pangingikil, at imoralidad. Habang binabasa mo ang kinasihang mga liham na iyon, mahahalata mo ang napakasamang impluwensiya na kailangang paglabanan ng mga Kristiyano roon.​—1 Corinto 5:9, 10; 6:9-11, 18; 2 Corinto 7:1.

Pero dahil sa impluwensiya ng iba’t ibang bansa sa Corinto, laging may mga bagong ideya sa lunsod. Mas bukás ang isip ng mga nakatira dito kaysa sa mga tao sa ibang lunsod na dinalaw ni Pablo. “Nagkikita-kita ang mga tao mula sa mga bansa sa silangan at kanluran sa sinaunang daungang lunsod na ito,” ang sabi ng isang komentarista sa Bibliya, “kaya ang mga residente rito ay nakahantad sa mga bagong ideya, pilosopiya, at relihiyon sa daigdig.” Dahil dito, tinatanggap ang iba’t ibang relihiyon at nakatulong ito sa pangangaral ni Pablo roon.

Dahil sa dalawang daungan sa Corinto​—ang Cencrea at Lechaeum​—nakilala at naging maunlad ang lunsod na ito. Dahil din sa mga daungang ito kung kaya naging hamon sa mga Kristiyano ang mamuhay sa Corinto. Ganiyang-ganiyan ang daigdig natin sa ngayon. Ang masasamang impluwensiya, gaya ng materyalismo at imoralidad, ay hamon sa espirituwalidad ng mga taong may takot sa Diyos. Kaya dapat din nating isapuso ang kinasihang mga payo ni Pablo sa mga Kristiyano sa Corinto.

[Kahon/Larawan sa pahina 27]

 ANG DIOLKOS​—DAANAN NG BARKO

Sa pagtatapos ng ikapitong siglo B.C.E., nang hindi natuloy ang paggawa ng kanal, nakaisip si Periander, ang pinuno noon ng Corinto, ng paraan para makatawid sa ismo ang mga kargamento. * Tinawag itong diolkos, na nangangahulugang “itawid sa kabila.” Isa itong daanang bato na may mga kanal na nilagyan ng mga tablang pinahiran ng langis. Sa isang daungan, ang mga kalakal ay dinidiskarga mula sa mga barko, saka isinasakay sa mga kariton na itinutulak ng mga alipin patawid sa daanang bato patungo sa kabilang daungan. Kung minsan ang maliliit na barkong may lulang kalakal ay itinatawid din dito.

[Talababa]

^ par. 29 Para sa kasaysayan ng pagtatayo ng makabagong kanal, tingnan ang “The Corinth Canal and Its Story,” sa Awake! ng Disyembre 22, 1984, pahina 25-27.

[Mapa sa pahina 25]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

GRESYA

Gulpo ng Corinto

Daungan ng Lechaeum

Sinaunang Corinto

Cencrea

Ismo ng Corinto

Gulpong Saronic

Peloponesia

DAGAT IONIANO

Cape Malea

DAGAT AEGEANO

[Larawan sa pahina 25]

Ang mga barkong pangkargamento ay dumaraan sa Kanal ng Corinto ngayon

[Larawan sa pahina 26]

Daungan ng Lechaeum

[Larawan sa pahina 26]

Daungan ng Cencrea

[Picture Credit Line sa pahina 25]

Todd Bolen/Bible Places.com