Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Eufrates—Ano ang Alam Mo Tungkol sa Ilog na Ito?

Eufrates—Ano ang Alam Mo Tungkol sa Ilog na Ito?

Eufrates​—Ano ang Alam Mo Tungkol sa Ilog na Ito?

ITO ang pinakamahaba at pinakamahalagang ilog sa timog-kanlurang Asia, na tinatawag na Firat Nehri sa wikang Turko, isang pangalang kahawig ng Hebreong Perathʹ at ng Matandang Persianong Ufratu. Una itong binanggit sa Genesis 2:14 bilang isa sa apat na ilog na dating nagmumula sa Eden.

Hangganan ng Teritoryong Iniatas sa Israel

Nakipagtipan ang Diyos kay Abraham na ibibigay niya sa binhi ni Abraham ang lupaing “mula sa ilog ng Ehipto hanggang sa malaking ilog, na ilog ng Eufrates.” (Genesis 15:18) Ang pangakong ito ay inulit sa bansang Israel. (Exodo 23:31; Deuteronomio 1:7, 8; 11:24; Josue 1:4) Sinasabi ng 1 Cronica 5:9 na bago maghari si David, ang ilang inapo ni Ruben ay nanirahan “hanggang sa pasukan patungo sa ilang sa ilog ng Eufrates.” Gayunman, yamang ang Eufrates ay may layo na mga 800 kilometro kapag naglalakbay sa “silangan ng Gilead,” nangangahulugan lamang ito na pinalawak ng mga Rubenita ang kanilang teritoryo sa silangan ng Gilead hanggang sa gilid ng Disyerto ng Sirya, ang disyertong umaabot hanggang sa Eufrates. (1 Cronica 5:10) Isinalin ito ng Revised Standard Version na “hanggang sa pasukan ng disyerto sa panig na ito ng Eufrates” at ng The Jerusalem Bible na “patungo sa pasimula ng disyerto na nagwawakas sa ilog ng Eufrates.” Kaya lumilitaw na ang pangako ni Jehova ay unang natupad nang lubusan noong panahon ng paghahari nina David at Solomon nang masakop ng teritoryo ng Israel ang Arameanong kaharian ng Zoba anupat umabot ito sa mga pampang ng Eufrates, maliwanag na sa bahaging bumabagtas sa hilagang Sirya. (2 Samuel 8:3; 1 Hari 4:21; 1 Cronica 18:3-8; 2 Cronica 9:26) Dahil mas kilala ito kaysa sa ibang mga ilog, madalas itong tukuyin lamang bilang ang “Ilog.”​—Josue 24:2, 15; Awit 72:8.

Ang mga Pinagmumulan at Landas Nito

Ang Eufrates, na mga 2,700 kilometro ang haba, ay may dalawang pangunahing pinagmumulan. Ang isa, na tinatawag na Kara Su, ay nagmumula sa hilagang-silangang Turkey na mga 100 kilometro mula sa timog-silangang bahagi ng Dagat na Itim. Ang isa naman, ang Murat Nehri, ay nagmumula sa kalagitnaan ng Lawa ng Van at ng Bundok Ararat. Nasa bandang gitna ng dalawang ilog na ito ang libis ng Ilog Araks, na ipinapalagay ng ilan na ang Ilog Gihon sa Genesis 2:13. Ang mga landas ng Kara Su at ng Murat Nehri ay halos magkahilera patungo sa kanluran at nagsasanib malapit sa lunsod ng Keban, na may taas na mga 610 metro mula sa kapantayan ng dagat.

Ang nagsanib na mga ilog na ito ang mismong Eufrates. Pagkatapos bumagtas nang mga 640 kilometro sa bulubunduking kalupaan mula sa Murat Nehri, ang ilog ay lumiliko patimog sa distansiyang mga 480 kilometro, kung saan napuputol ang agos nito dahil sa mga talon at mga batuhan, hanggang sa tuluyan itong lumabas sa kapatagan ng Sirya malapit sa lokasyon ng sinaunang Carkemis.

Tawiran sa Carkemis

Ang Carkemis ay nasa estratehikong dako malapit sa pangunahing tawiran na ginagamit ng mga hukbo o mga pulutong na tumatawid mula hilagang Mesopotamia patungong hilagang Sirya. Ang Carkemis ay isang pangunahing tanggulang lunsod na nang maglaon ay nakontrol ng Asirya. (Isaias 10:5-9) Sinakop ni Paraon Necoh ang lunsod noong mga 629 B.C.E., anupat nakipagbaka siya sa hukbo ni Josias sa Megido at napatay niya ang Judeanong haring iyon habang papunta ito sa lunsod. (2 Hari 23:29; 2 Cronica 35:20-24) Pagkaraan ng mga tatlo o apat na taon (625 B.C.E.), tinawid ng mga hukbo ni Nabucodonosor ang Eufrates at tinalo nila ang mga Ehipsiyo sa Carkemis, anupat mula noon, humina ang pamumuno ng Ehipto sa Sirya at Palestina.​—Jeremias 46:2, 6, 10; 2 Hari 24:7.

Mula sa Carkemis Hanggang sa Gulpo ng Persia

Ang Eufrates sa tabi ng Carkemis ay mga 160 kilometro lamang mula sa Dagat Mediteraneo. Pero pagkalampas dito, ang ilog ay lumiliko patungong timog-silangan sa Gulpo ng Persia, na mahigit 1,100 kilometro ang layo. Ang “gitnang” bahagi ng Eufrates ay sumasaklaw mula sa Carkemis pababa sa lunsod ng Hit, sa rehiyon ng mga hukay ng bitumen, anupat lumalakas ang agos nito dahil sa tubig ng mga ilog ng Balikh at ng Khabur. Sa ibaba ng Hit, ang ilog ay dumaraan sa matabang kapatagan ng Mesopotamia, at mga 80 kilometro sa ibaba ng Hit, sa kapaligiran ng Baghdad, mga 40 kilometro na lamang ang distansiya nito sa Ilog Tigris. Sa mababang bahaging ito ng Eufrates, ang ilog ay umaagos sa malalawak na latian at sa mga sirang kanal, at ang agos nito ay bumabagal.

Ang Eufrates at ang Tigris ay nagsasanib malapit sa Basra, at mula rito hanggang sa Gulpo ng Persia, ang ilog ay tinatawag na Shatt-al-Arab. Ayon kay Pliny at sa iba pang mga sinaunang istoryador, ang Eufrates ay dating may labasan patungo sa dagat na iba sa labasan ng Tigris. (Natural History, VI, XXVI, 128-131) Karaniwang ipinapalagay na ang banlik na naiiwan ng dalawang ilog ang naging rehiyon ng delta sa bukana ng Gulpo ng Persia at na ang orihinal na dalampasigan ay nasa mas dakong hilaga, marahil ay malapit sa sinaunang lunsod ng Ur ng mga Caldeo, ang lugar na pinagmulan ni Abraham.

Pinakamababa ang antas ng tubig ng Eufrates kapag Setyembre, pagkatapos ay unti-unti itong tumataas hanggang Mayo, kung kailan umaabot ito sa karaniwang taas nito. Dahil sa pagkatunaw ng niyebe, bumabaha kapag tagsibol. Tiyak na ang taunang pag-apaw ng Eufrates at ng Tigris ang dahilan kung bakit inilarawan ni Isaias ang Babilonia bilang “ilang ng dagat.” (Isaias 21:1, 2) Noong sinaunang mga panahon, ang pagbahang ito ay kinokontrol sa pamamagitan ng mga dike at mga paagusan na naglilihis sa tubig patungo sa mga kanal na pang-irigasyon at sa mga tipunan ng tubig. Ang mga kanal na ito ay bumubuo ng isang sistema ng irigasyon sa pagitan ng Eufrates at ng Tigris para maging produktibo ang kalakhang bahagi ng mababang Babilonia. Sa paglipas ng mga siglo, nagbara ang karamihan sa mga kanal kaya humina ang agrikultura doon. Unti-unti ring nasira ang dating matabang libis dahil sa asing naiiwan sa lupa mula sa patubig.

Mga Pangunahing Lunsod

Matatagpuan sa mga pampang ng Eufrates ang maraming sinaunang lunsod, gaya ng Ur, Erec, Kis, at Babilonya. Lumilitaw na ang landas ng ilog ay bahagyang umusod sa dakong kanluran kung kaya karamihan sa sinaunang mga lugar ay ilang kilometro na ngayon ang layo sa silangan nito.

Ang dakilang lunsod ng Babilonya ay itinayo sa magkabilang panig ng Eufrates, at ang tubig ng ilog ay nagsilbing isang malapad at malalim na bambang sa palibot ng lunsod at isang sistema ng mga kanal sa loob ng mga pader nito. Noong 539 B.C.E., inilihis ni Ciro ang tubig ng Eufrates upang ang kaniyang mga hukbo ay makalakad sa pinakasahig ng ilog papasók sa walang kamalay-malay na lunsod, na humantong sa pagbagsak ng Babilonya. Sa gayon, ‘natuyo’ ang tubig ng Eufrates. (Isaias 44:27, 28; 45:1) Sa makasagisag na paraan, inihula na gayundin ang mangyayari sa “malaking ilog ng Eufrates” kapag ibinuhos dito ang “mangkok” ng ikaanim na anghel, gaya ng inilalarawan sa Apocalipsis 16:12. Inilalarawan naman ng sumunod na kabanata ang pagkapuksa ng makasagisag na “Babilonyang Dakila,” na sinasabing “nakaupo sa maraming tubig,” na kumakatawan sa “mga bayan at mga pulutong at mga bansa at mga wika.”​—Apocalipsis 17:1, 5, 15-18.

Isang Hanggahan; Dinalaw ni Jeremias

Ang Ilog Eufrates ay nagsilbing hilagang hanggahan ng rehiyon ng Palestina at Sirya, na pinag-agawan ng Ehipto at Babilonya. Nagsilbi rin itong harang sa pagitan ng Silangan at Kanluran noong panahon ng Imperyo ng Persia, gaya ng ipinahihiwatig ng pananalitang “sa kabilang ibayo ng Ilog.” (Ezra 4:10, 11; 5:3; 6:6; Nehemias 2:7) Nang maglaon, naging silangang hangganan din ng Imperyo ng Roma ang Eufrates.

Pinagtatalunan ng ilan ang binabanggit sa Jeremias 13:1-7 yamang ang paglalakbay ni Jeremias mula sa Jerusalem patungong ilog ng Eufrates, kahit sa pinakamalapit na ruta sa bandang timog ng Carkemis, ay mahigit 500-kilometrong paglalakbay sa isang direksiyon lamang. At ipinahihiwatig ng teksto na posibleng dalawang beses siyang naglakbay (bagaman hindi sinabi kung gaano katagal ang pagitan ng mga ito). Ginamit lamang ng Jewish Publication Society ang transliterasyong “Perath” para sa salitang Hebreo at sinasabi ng ilan na ang tinutukoy ay hindi ang Eufrates kundi ang bayan ng Para, malapit sa Anatot, ilang kilometro mula sa Jerusalem. (Josue 18:23) Gayunman, ang apat na beses na pag-ulit sa pangalang Perathʹ (Eufrates) sa ulat na ito ay maliwanag na nagpapakitang ang binanggit na lugar ay may mahalagang kaugnayan sa makahulang larawan na isinasadula, samantalang ang di-kilalang nayon ng Para ay walang partikular na kaugnayan doon. Sinasabi ng ilan na ang salitang Hebreo na na·harʹ (ilog) ay hindi ginamit sa tekstong ito kasama ng Perathʹ, pero wala rin ito sa Jeremias 51:63, bagaman maliwanag na ang Ilog Eufrates ang tinutukoy roon. Kaya nga, waring walang matibay na dahilan upang ipalagay na may iba pang tinutukoy ang ulat sa Jeremias 13:1-7 maliban sa Ilog Eufrates.

Posibleng itinago ni Jeremias ang sinturon sa bahagi ng Eufrates na tinawid ng mga hukbong Babilonyo sa ilalim ni Nabucodonosor nang lumusob sila sa Juda at Jerusalem na humantong sa pagkatiwangwang nito. Gayunman, ang paglalakbay ni Jeremias patungong Eufrates, na posibleng dalawang beses niyang ginawa, ay tiyak na nagdiin sa babalang mensahe na nais iparating ng Diyos sa marumi-sa-espirituwal na mga taong-bayan ng kaharian ng Juda.​—Ihambing ang Jeremias 2:18, 19.