Isang Puno na ‘ang mga Dahon ay Hindi Nalalanta’
Isang Puno na ‘ang mga Dahon ay Hindi Nalalanta’
NAKAKITA ka na ba ng isang lugar na punô ng mayayabong at luntiang puno? Malamang na sasang-ayon ka na isa itong napakagandang tanawin. Kung makakakita ka ng malalaki at mayayabong na puno, iisipin mo bang tagtuyot sa lugar na iyon? Hindi nga. Tiyak na may saganang tubig doon kaya buháy at mayabong ang mga puno.
Angkop ngang ihalintulad ng Bibliya ang mga taong may matibay na pananampalataya at malapít na kaugnayan sa Diyos sa malalaki at mayayabong na puno. Halimbawa, pansinin ang magagandang pananalita sa unang tatlong talata ng unang Awit:
“Maligaya ang taong hindi lumalakad sa payo ng mga balakyot, at sa daan ng mga makasalanan ay hindi tumatayo, at sa upuan ng mga manunuya ay hindi umuupo. Kundi ang kaniyang kaluguran ay sa kautusan ni Jehova, at sa kaniyang kautusan ay nagbabasa siya nang pabulong araw at gabi. At siya ay tiyak na magiging tulad ng isang punungkahoy na nakatanim sa tabi ng mga daloy ng tubig, na nagbibigay ng sariling bunga nito sa kaniyang kapanahunan at ang mga dahon nito ay hindi nalalanta, at ang lahat ng kaniyang gawin ay magtatagumpay.”
Ganito rin ang mababasa natin sa Jeremias 17:7, 8: “Pagpalain ang matipunong lalaki na naglalagak ng kaniyang tiwala kay Jehova, at ang kaniyang pag-asa ay si Jehova. At siya ay tiyak na magiging gaya ng punungkahoy na nakatanim sa tabi ng tubig, na nagpapayaon ng mga ugat nito sa mismong tabi ng daanang-tubig; at hindi niya makikita kapag dumating ang init, kundi magiging mayabong nga ang kaniyang mga dahon. At sa taon ng tagtuyot ay hindi siya mababalisa, ni titigil man siya sa pagluluwal ng bunga.”
Sa dalawang tekstong ito, ginamit ang mga puno para ilarawan kung ano ang nangyayari sa isang tao na gumagawa ng tama, nalulugod sa mga kautusan ng Diyos, at lubusang nagtitiwala sa Kaniya. Kaya maitatanong natin, Sa anu-anong paraan ang gayong tao ay gaya ng isang mayabong na puno? Suriin nating mabuti ang mga talatang ito.
“Nakatanim sa Tabi ng mga Daloy ng Tubig”
Ang binanggit na mga puno ay inilalarawang nakatanim “sa tabi ng mga daloy ng tubig,” hindi lamang sa iisang ilog o daluyan ng tubig. Ganiyan din ang paglalarawan sa Isaias 44:3, 4, kung saan binanggit ng Diyos na Jehova kung paano niya pangangalagaan ang nagsising mga Judio na nagbalik mula sa pagkabihag sa Babilonya. Sa pamamagitan ni propeta Isaias, sinabi ni Jehova: “Bubuhusan ko ng tubig ang nauuhaw, at ng mga umaagos na batis ang tuyong dako. . . . At sisibol nga sila na waring nasa gitna ng luntiang damo, tulad ng mga alamo sa tabi ng mga estero ng tubig.” Dito, ang mga “batis” at “mga estero [o daluyan] ng tubig” ay sinasabing nagpapalago sa mga pinagpala gaya ng mayayabong na alamo.
Maging sa mga bukid sa ngayon, makakakita ka ng mga daluyan ng tubig na dumadaloy mula sa isang pinagmumulan ng maraming tubig, gaya ng malalim na balon, ilog, lawa, o dam. Ang mga ito ay karaniwan nang bahagi ng patubig sa mga bukid. Kung minsan, ang mga daluyan ng
tubig ay patungo sa taniman ng mga namumungang punungkahoy. Sa ilang kalagayan, ang mga daluyang ito ang nagsusuplay ng tubig kapuwa sa mga bukid at sa mga taniman ng mayayabong na puno, anupat nagsisilbi na ring hanggahan ng mga tanimang iyon.Ano ang nangyayari sa mga punong itinanim sa gayong mga daluyan ng tubig? Sinasabi ng Awit 1:3 na ang puno ay “nagbibigay ng sariling bunga nito sa kaniyang kapanahunan.” Sa mga lupaing binabanggit sa Bibliya, may mga palmang datiles, puno ng igos, granada, mansanas, at olibo. Bagaman ang puno ng igos ay tumataas nang siyam na metro at nagkakaroon ng maraming sanga, karamihan sa ibang namumungang mga punungkahoy ay hindi gaanong tumataas. Pero maaaring maging mayabong ang mga ito at mamunga nang sagana sa tamang panahon.
Noong sinaunang panahon, ang malalaking punong alamo ay tumutubo sa pampang ng mga ilog at batis sa Sirya at Palestina. Kapag binabanggit sa Bibliya ang punong alamo, madalas na iniuugnay ito sa mga daanang-tubig o mga “agusang libis.” (Levitico 23:40) Ang mga punong sause, na kapamilya ng mga punong alamo, ay tumutubo rin sa mga lugar na matubig. (Ezekiel 17:5) Ang malalaki at mayayabong na punong ito ay mainam na kumakatawan sa ideya na nais iparating ng salmista at ni Jeremias: Ang mga nagsisikap na sumunod sa kautusan ng Diyos at lubusang nagtitiwala sa kaniya ay mananatiling may matibay na pananampalataya at malapít na kaugnayan sa Diyos, at ‘ang lahat ng kanilang gawin ay magtatagumpay.’ Hindi ba’t iyan ang gusto natin—ang magtagumpay sa buhay?
Magkaroon ng Kaluguran sa Kautusan ni Jehova
Iba’t ibang paraan ang ginagawa ng mga tao sa ngayon upang magtagumpay. Abalang-abala sila sa mga bagay na magbibigay sa kanila ng kayamanan at katanyagan, na kadalasa’y ilusyon lamang at nakasisira ng loob. Ano, kung gayon, ang magdadala ng tunay na kasiyahan at namamalaging kaligayahan sa buhay? Sinasagot ito ng pananalita ni Jesus sa Sermon sa Bundok. Sinabi niya: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan, yamang ang kaharian ng langit ay sa kanila.” (Mateo 5:3) Oo, ang tunay na kaligayahan ay hindi nagmumula sa pagkakaroon ng maraming materyal na bagay, kundi sa pagkilala na kailangan nating maging malapít sa Diyos at sa paggawa ng kung ano ang kinakailangan para masapatan iyon, nang sa gayo’y maging gaya tayo ng mayayabong na puno na namumunga sa kapanahunan nito. Paano tayo magkakaroon ng malapít na kaugnayan sa Diyos?
Ayon sa salmista, may ilang bagay muna tayong dapat iwasan. Binanggit niya ang “payo ng mga balakyot,” “daan ng mga makasalanan,” at “upuan ng mga manunuya.” Upang maging maligaya tayo, kailangan nating layuan ang mga taong tumutuya o nagwawalang-bahala pa nga sa mga kautusan ng Diyos.
Pagkatapos, dapat tayong magkaroon ng kaluguran sa kautusan ni Jehova. Kapag nalulugod tayo sa isang bagay o gawain, lagi tayong humahanap ng pagkakataon upang gawin ito, hindi ba? Kaya kung nalulugod tayo sa kautusan ng Diyos, lubha nating pinahahalagahan ang Salita ng Diyos—nais nating matuto pa nang higit tungkol dito at maunawaan itong mabuti.
Panghuli, kailangan nating basahin ito “nang pabulong araw at gabi.” Nangangahulugan iyan ng regular na pagbabasa ng Bibliya at pagbubulay-bulay sa mga nabasa natin. Dapat na madama natin ang nadama ng salmista tungkol sa Salita ng Diyos, na umawit: “Gayon na lamang ang pag-ibig ko sa iyong kautusan! Buong araw ko itong pinag-iisipan.”—Awit 119:97.
Oo, kung kukuha tayo ng tumpak na kaalaman at kaunawaan tungkol sa Diyos na Jehova at lubusang magtitiwala sa kaniya at sa kaniyang mga pangako, tiyak na titibay ang ating pananampalataya at magiging malapít tayo sa Diyos. Kung gayon, tayo ay magiging gaya ng maligayang tao na inilarawan ng salmista—“lahat ng kaniyang gawin ay magtatagumpay.”