Isang Liham Mula sa Ireland
Matiyagang Paghahanap
UMAAMBON na naman. Dahil sa mga patak ng tubig sa windshield ng sasakyan ko, hindi ko gaanong makita ang paligid. Matapos magmaneho nang 16 na kilometro, narating ko ang tuktok ng burol kung saan matatanaw sa ibaba ang Westport, isang maliit na nayon sa baybayin sa kanluran ng Ireland. Sa wakas, sumikat ang araw kaya makikita na ang maraming maliliit na isla sa palibot ng lawa, tulad ng magagandang esmeralda sa asul na pelus. Iilan lamang sa mga isla ang may nakatira, pero dinadala ng mga magsasaka ang kanilang mga alagang hayop sa ibang mga isla upang doon manginain.
May makikita pang mga burol sa gawi pa roon ng baybayin sa kanluran. Nababalot ng mga pananim ang mga ito na parang nababarnisang tanso sa sikat ng araw tuwing hapon. Kitang-kita mula sa malayo ang Croagh Patrick, isang hugis-konong bundok na tinatawag ng mga tagaroon na Reek. Binagtas ko ang matao at makipot na mga lansangan ng Westport at nilampasan ko ang Reek patungo sa isang lugar na bihirang mapuntahan ng mga Saksi ni Jehova.
Hindi alam ng lalaking hinahanap ko na pupuntahan ko siya ngayon. Nakatanggap ako ng liham na nagsasabing kalilipat lamang niya rito at gusto niyang ipagpatuloy ang pakikipag-usap sa mga Saksi tungkol sa Bibliya. Naisip ko: ‘Ilang taon na kaya siya? Binata kaya siya o may asawa? Saan kaya siya interesado?’ Sinilip ko ang aking bag at tiniyak na may dala akong Bibliya at iba’t ibang publikasyon sa Bibliya. Inisip ko kung ano ang sasabihin ko sa kaniya para lalo siyang maging interesado sa mensahe ng Kaharian.
Lampas na ako sa Reek. Mga batong pader, na karamihan ay itinayo nang panahon ng Malaking Taggutom noong ika-19 na siglo, ang pumapaligid sa kaparangan hanggang sa dagat. Pagtingala ko, nakita ko ang isang seagull na walang kahirap-hirap na sumasalimbay. Matatanaw sa malayo ang magkakatabing mga punong hawthorn at blackthorn, na animo’y matatandang lalaki na nakayuko at nakatalikod sa hampas ng hangin.
Walang numero ang mga bahay ni may pangalan man ang mga kalye sa bayang ito. Ang adres ng lalaki ay binubuo lamang ng pangalan ng bahay at bayan. Pero hinanap ko muna ang taong tiyak na nakakakilala sa lahat ng nakatira doon—ang kartero. Pagkaraan ng 30 minuto, nakita ko ang post office na nasa isang silid sa isang apartment. Pero sarado naman ito.
Kaya nagtanong ako sa isang tindahan doon at itinuro sa akin ang isang lugar sa mismong bayan.Pagkatapos maglakbay nang walong kilometro, nakita ko ang palatandaang hinahanap ko—biglang liko sa kanan na may makitid na daan sa kaliwa. Kumatok ako sa pinto ng kalapit na bahay. Isang may-edad nang babae ang nagbukas ng pinto at may-pagmamalaking sinabi sa akin na doon na siya tumanda pero ikinalulungkot niyang hindi niya alam kung saan ko makikita ang lalaking hinahanap ko. Sinabi niyang may tatawagan siya sa telepono at pinapasok ako.
Habang nakikipag-usap siya, panay ang sulyap niya sa akin. Tiyak na iniisip niya kung sino ako at ano ang kailangan ko. Napansin kong may maliit na imahen ni Birheng Maria sa may pintuan at may isang malaking larawan ni Kristo sa dingding. May rosaryo rin sa mesa sa kusina. Para mapanatag siya, sinabi ko, “May mahalaga po akong sasabihin sa kaniya mula sa ilang kaibigan.”
Lumapit sa amin ang asawa niya at nagkuwento ng kasaysayan ng kanilang lugar. Samantala, walang nakuhang impormasyon ang babae sa una niyang tinawagan sa telepono kaya sinabihan niya akong maghintay pa habang tinatawagan niya ang iba. Parang walang nakakakilala sa lalaki o nakaaalam sa tinitirhan niya. Tiningnan ko ang aking relo. Hapon na. Naisip kong bumalik na lamang sa ibang pagkakataon. Nagpasalamat ako sa kanilang dalawa, at muling naglakbay pauwi.
Bumalik ako nang sumunod na linggo. Nakausap ko na ngayon ang kartero at itinuro niya sa akin ang direksiyon. Makalipas ang 15 minuto, nakita ko na ang sangandaan na sinabi niya. Kumaliwa ako at nagparoo’t parito sa makitid na daan, na hinahanap ang susunod na palatandaan, isang lumang tulay na bato. Hindi ko ito nakita. Sa wakas, nakita ko ang huling palatandaan, at naroon, sa tuktok ng burol, ang bahay na napakatagal ko nang hinahanap.
Nag-isip ako sandali kung paano ko sasabihin ang mabuting balita. Isang matandang lalaki ang nagbukas ng pinto. “Pasensiya na,” ang sabi niya, “hayun ang bahay na hinahanap mo.” Itinuro niya ang bahay na natatakpan ng mga puno. Dali-dali akong pumaroon at kumatok sa pinto. Habang naghihintay, pinagmasdan ko ang Karagatang Atlantiko na mga ilang daang metro lamang ang layo. Lumakas ang hangin, at puting-puti ang mga alon habang sumasalpok ang mga ito sa mahaba at magandang baybayin. Walang tao roon at wala ring tao sa bahay.
Dalawang beses pa akong nagbalik doon bago ko nakilala ang isang kabataang lalaki. “Ito nga ang bahay,” ang sabi niya, “pero ang lalaking hinahanap mo na dating nakatira dito ay lumipat na at hindi ko alam kung saan.” Ipinaliwanag ko kung bakit ako naparoon at nalaman kong wala pang nakakausap na Saksi ni Jehova ang kabataang ito. Nanakawan siya noon at iniisip niya kung bakit hinayaan ng Diyos na mangyari iyon at ang iba pang kawalang-katarungan. Malugod niyang tinanggap ang bagong isyu ng mga magasing Bantayan at Gumising! na tumatalakay sa mismong paksang iyon.
Ayon sa Kasulatan, dapat tayong maging matiyaga sa paghahanap sa tapat-pusong mga tao. Hindi ko man nakita ang lalaking hinahanap ko, hindi naman nasayang ang mga pagsisikap ko. Sa Ireland, marami ang nasasabik sa mensahe ng Kaharian. Umaasa ako na sa pagpapala ni Jehova, ang maliliit na binhi ng katotohanang naihasik sa kabataang ito ay magbubunga balang araw.