Maging Malapít sa Diyos
“Nalalaman Kong Lubos ang Kirot na Kanilang Tinitiis”
“BANAL, banal, banal si Jehova.” (Isaias 6:3) Ipinahihiwatig ng mga salitang ito mula sa Bibliya na di-mapapantayan ang kalinisan at kabanalan ng Diyos na Jehova. ‘Mahirap ba siyang lapitan dahil banal siya?’ baka itanong mo. ‘Talaga bang magmamalasakit sa akin ang isang banal na Diyos—sa akin na isang makasalanan?’ Suriin natin ang nakaaaliw na mga salitang sinabi ng Diyos kay Moises na nakaulat sa Exodo 3:1-10.
Minsan, habang nag-aalaga si Moises ng mga tupa, may nakita siyang isang bagay na di-pangkaraniwan—isang nagniningas na tinikang-palumpong pero “hindi natutupok.” (Talata 2) Gusto niyang malaman kung bakit nangyayari ito, kaya lumapit siya rito. Sa pamamagitan ng isang anghel, nagsalita si Jehova kay Moises sa gitna ng apoy: “Huwag kang lumapit dito. Hubarin mo ang iyong mga sandalyas mula sa iyong mga paa, sapagkat ang dakong kinatatayuan mo ay banal na lupa.” (Talata 5) Isipin ito: Dahil ang nagniningas na tinikang-palumpong ay kumakatawan sa presensiya ng Diyos, ang mismong lupang kinatatayuan ni Moises ay naging banal!
Ang banal na Diyos ay may dahilan upang makipag-usap kay Moises. Sinabi ng Diyos: “Walang pagsalang nakita ko ang kapighatian ng aking bayan na nasa Ehipto, at narinig ko ang kanilang daing dahilan doon sa mga sapilitang nagpapatrabaho sa kanila; sapagkat nalalaman kong lubos ang kirot na kanilang tinitiis.” (Talata 7) Nakikita ng Diyos ang paghihirap ng kaniyang bayan, at naririnig niya ang kanilang mga pagsusumamo. Damang-dama niya ang kanilang pagdurusa. Pansinin ang sinabi ng Diyos: “Nalalaman kong lubos ang kirot na kanilang tinitiis.” Hinggil sa pananalitang “nalalaman kong lubos,” isang reperensiyang akda ang nagsasabi: “Ipinahihiwatig ng pananalitang ito ang personal na damdamin, pagkamagiliw, at pagkahabag.” Ipinakikita ng mga salita ni Jehova kay Moises na Siya ay isang Diyos na mapagmahal at lubhang nagmamalasakit.
Ano ang ginawa ng Diyos? Hindi lamang siya basta tumingin o nakinig nang may pagkahabag, kundi kumilos siya. Nilayon niyang iligtas ang kaniyang bayan mula sa Ehipto at dalhin sila “sa isang lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan.” (Talata 8) Dahil diyan, inatasan ni Jehova si Moises, na sinasabi: “Ilabas mo mula sa Ehipto ang aking bayan.” (Talata 10) Tapat si Moises sa atas na iyon kaya inakay niya ang mga Israelita palabas ng Ehipto noong 1513 B.C.E.
Hindi pa rin nagbabago si Jehova. Ang mga mananamba niya sa ngayon ay makatitiyak na nakikita niya ang kanilang mga paghihirap at naririnig ang paghingi nila ng tulong. Nalalaman niyang lubos ang kirot na kanilang tinitiis. Pero hindi lamang basta nahahabag si Jehova sa kaniyang tapat na mga lingkod. Kumikilos ang magiliw na Diyos para tulungan sila “sapagkat siya ay nagmamalasakit” sa kanila.—1 Pedro 5:7.
Dahil sa pagkamahabagin ng Diyos, nagkaroon tayo ng pag-asa. Sa tulong niya, tayong mga di-sakdal na tao ay maaaring mamuhay ayon sa matuwid at malinis na mga pamantayan ng Diyos at maging kalugud-lugod sa kaniya. (1 Pedro 1:15, 16) Isang babaing Kristiyano na pinahihirapan ng depresyon at panghihina ng loob ang naaliw nang mabasa niya ang naging karanasan ni Moises sa may tinikang-palumpong. Sinabi niya: “Kung kaya ngang gawing banal ni Jehova ang lupa, siguro naman kahit paano ay may pag-asa ako. Naaaliw ako kapag naiisip ko ito.”
Gusto mo bang matuto pa nang higit tungkol sa banal na Diyos, si Jehova? Maaari kang maging malapít sa kaniya dahil ‘nalalamang lubos ni Jehova ang kaanyuan natin, na inaalaalang tayo ay alabok.’—Awit 103:14.