Tanong ng mga Mambabasa
Nakatadhana ba ang Ating Buhay?
Sinasabi ng ilan na nakatadhana na kung kailan tayo mamamatay. Iginigiit naman ng iba na ang Diyos mismo ang nagpapasiya nito. Sinasabi rin nila na ang mahahalagang pangyayari sa buhay ay hindi maiiwasan. Ganiyan din ba ang paniniwala mo?
Maaaring itanong mo: ‘Kung totoo ngang wala tayong magagawa upang baguhin ang ating kapalaran, at kung itinakda na ng Diyos o ng kapalaran ang mangyayari, bakit kailangan pang manalangin? At kung nakatakda na ang ating kapalaran, bakit pa tayo mag-iingat? Bakit pa tayo magsusuot ng seat belt kapag nagbibiyahe? Bakit hindi rin tayo umiinom kapag nagmamaneho?’
Hindi sinasang-ayunan ng Bibliya ang ganiyang walang-ingat na paggawi. Hindi nito itinuturo na nakatadhana ang mga bagay-bagay, sa halip, inutusan nito ang mga Israelita na maging palaisip sa kaligtasan. Halimbawa, inutusan silang maglagay ng halang sa palibot ng patag na mga bubong ng kanilang bahay para walang mahulog mula rito. Pero bakit ito ipag-uutos ng Diyos kung nakatadhana namang mahulog ang isa mula sa bubong at mamatay?—Deuteronomio 22:8.
Kumusta naman ang mga namatay dahil sa likas na mga kasakunaan o iba pang kalunus-lunos na mga pangyayari na hindi nila kontrolado? Nakatadhana ba silang mamatay? Hindi, tinitiyak sa atin ng manunulat ng Bibliya na si Haring Solomon na “ang panahon at di-inaasahang pangyayari ay sumasapit sa [ating] lahat.” (Eclesiastes 9:11) Kaya hindi itinadhana ang kalunus-lunos na mga pangyayari kahit pa di-pangkaraniwan ang mga ito.
Subalit iniisip ng ilan na salungat ito sa naunang sinabi ni Solomon: “Sa lahat ng bagay ay may takdang panahon, isang panahon nga para sa bawat pangyayari sa silong ng langit: panahon ng kapanganakan at panahon ng kamatayan.” (Eclesiastes 3:1, 2) Pero talaga nga bang naniniwala si Solomon sa tadhana? Suriin nating mabuti ang sinabi niya.
Hindi sinasabi ni Solomon na nakatadhana ang kapanganakan at kamatayan ng tao. Sa halip, tinutukoy niya na, gaya ng maraming bagay, bahagi na ng buhay ng tao ang ipanganak at mamatay. Tiyak na makararanas ang isa ng masasaya at malulungkot na pangyayari sa buhay. “May . . . panahon ng pagtangis at panahon ng pagtawa,” ang sabi ni Solomon. Ipinakikita niya na ang gayong mga bagay at di-inaasahang mga kasakunaan ay bahagi na ng buhay ng tao, ng “bawat pangyayari sa silong ng langit.” (Eclesiastes 3:1-8; 9:11, 12) Kaya bilang konklusyon, sinabi niya na huwag tayong maging labis na abala sa ating pang-araw-araw na mga gawain anupat nakakalimutan na natin ang ating Maylalang.—Eclesiastes 12:1, 13.
Bagaman lubusang nauunawaan ng ating Maylalang ang buhay at kamatayan, hindi niya ito itinatadhana. Itinuturo ng Bibliya na lahat tayo ay binibigyan ng Diyos ng pag-asang mabuhay nang walang hanggan. Ngunit hindi tayo pinipilit ng Diyos na tanggapin ang pag-asang ito. Sa halip, sinasabi ng kaniyang Salita: “Ang sinumang nagnanais ay kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad.”—Apocalipsis 22:17.
Oo, dapat na gusto nating “kumuha ng tubig ng buhay.” Kaya ang ating kinabukasan ay hindi nakatadhana. Nakadepende ito sa ating mga pagpapasiya, saloobin, at paggawi.