Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tularan ang Kanilang Pananampalataya

Natuto Siyang Maging Maawain

Natuto Siyang Maging Maawain

MARAMI pang panahon si Jonas para mag-isip. Mahigit 800 kilometro ang kaniyang lalakbayin, na aabot ng mga isang buwan o higit pa. Una, kailangan niyang pumili kung aling ruta ang tatahakin niya, ang mas maikli o ang mas ligtas. Saka siya maglalakbay sa maraming libis at bundok. Kailangan niyang tawirin ang malawak na Disyerto ng Sirya, mga ilog na gaya ng malaking Ilog Eufrates, at manirahang kasama ng mga banyaga sa mga bayan at nayon ng Sirya, Mesopotamia, at Asirya. Habang papalapit siya sa lunsod, naiisip niya ang lugar na ito na labis niyang kinatatakutan​—ang Nineve.

Isang bagay ang natitiyak ni Jonas: Hindi na niya matatakasan ang kaniyang atas. Sinubukan na niya ito noon. Nang unang atasan ni Jehova si Jonas na magdala ng mensahe ng kahatulan sa makapangyarihang lunsod ng Asirya, agad siyang sumakay ng barko patungo sa kabilang direksiyon. Nagpadala noon si Jehova ng malakas na bagyo, at agad na naunawaan ni Jonas na maaaring mamatay ang lahat ng sakay ng barko dahil sa kaniyang pagsuway. Upang iligtas ang matatapang na marinero, sinabi niya sa kanila na ihagis siya sa dagat. Bagaman atubili, ginawa nila ito. Akala ni Jonas, ito na ang kaniyang wakas. Pero nagpadala si Jehova ng isang malaking isda para lunukin si Jonas at ihatid nang ligtas sa pampang pagkalipas ng mga tatlong araw. Manghang-mangha si Jonas sa nangyaring ito anupat handa na siyang sumunod ngayon. *​—Jonas, kabanata 1, 2.

Nang utusang muli ni Jehova si Jonas sa Nineve, sumunod ang propeta at sinimulan ang mahabang paglalakbay pasilangan. (Jonas 3:1-3) Pero lubusan ba siyang nagbago dahil sa disiplina ni Jehova? Halimbawa, naawa si Jehova sa kaniya, hindi siya hinayaang malunod ni pinarusahan man sa kaniyang pagsuway, at binigyan siya ng isa pang pagkakataon upang isagawa ang atas na ito. Matapos ang lahat ng ito, natuto ba si Jonas na maging maawain? Kadalasang hindi madali para sa di-sakdal na mga tao na maging maawain. Tingnan natin ang matututuhan natin mula sa karanasan ni Jonas.

Nakagugulat na Pagtugon sa Isang Mensahe ng Paghatol

Di-gaya ni Jehova, iba ang pangmalas ni Jonas sa Nineve. Mababasa natin: “At ang Nineve ay isang lunsod na dakila sa Diyos.” (Jonas 3:3) Tatlong beses na iniulat ni Jonas na tinukoy ni Jehova ang “Nineve na dakilang lunsod.” (Jonas 1:2; 3:2; 4:11) Bakit dakila, o mahalaga, kay Jehova ang lunsod na ito?

Ang Nineve ay isang sinaunang lunsod. Isa ito sa unang mga lunsod na itinatag ni Nimrod pagkatapos ng Baha. Napakalaki at abalang lugar ito na sumasakop sa iba pang mga lunsod, na aabutin nang tatlong araw kung lalakarin mula sa isang dulo hanggang sa kabilang dulo. (Genesis 10:11; Jonas 3:3) Maraming malalaking templo, matitibay na pader at iba pang mga gusali ang Nineve. Ngunit hindi ito ang dahilan kung bakit mahalaga sa Diyos na Jehova ang lunsod. Mahalaga sa kaniya ang mga tao. Napakaraming tao sa Nineve noong panahong iyon. Kahit masasama sila, mahal sila ni Jehova. Mahalaga sa kaniya ang buhay ng tao at nakikita niya na maaari silang magsisi at magbago.

Nang sa wakas ay marating ni Jonas ang Nineve, malamang na lalo siyang natakot dahil sa napakalaking populasyon nito na mahigit 120,000. * Maghapon siyang naglakad, marahil ay naghahanap ng lugar na mas marami ang tao para ihayag ang kaniyang mensahe. Paano niya sila makakausap? Marunong ba siyang magsalita ng wika ng mga Asiryano? O naghimala ba si Jehova para makapagsalita siya ng wikang ito? Hindi natin alam. Maaaring nagsalita si Jonas sa kaniyang sariling wikang Hebreo at gumamit ng isang tagapagsalin para sa mga Ninevita. Anuman ito, simple lamang ang kaniyang mensahe at hindi ito magugustuhan ng sinuman: “Apatnapung araw na lamang, at ang Nineve ay gigibain.” (Jonas 3:4) Paulit-ulit at buong-tapang siyang nagbabala. Sa paggawa nito, nagpakita siya ng kahanga-hangang lakas ng loob at pananampalataya, mga katangiang kailangan ng mga Kristiyano ngayon higit kailanman.

Nakuha ni Jonas ang atensiyon ng mga Ninevita. Tiyak na inihanda niya ang kaniyang sarili dahil iniisip niyang magagalit ang mga tao sa kaniyang mensahe. Pero iba ang nangyari. Nakinig ang mga tao! Mabilis na kumalat ang sinabi ni Jonas tungkol sa pagkawasak, anupat naging usap-usapan ito sa buong lunsod. Sinasabi sa atin ng ulat ni Jonas: “Ang mga tao ng Nineve ay nagsimulang manampalataya sa Diyos, at sila ay naghayag ng pag-aayuno at nagsuot ng telang-sako, mula sa pinakadakila sa kanila at maging hanggang sa pinakamababa sa kanila.” (Jonas 3:5) Mayama’t mahirap, mahina’t malakas, bata’t matanda ay nagsisi. Nakarating sa hari ang balitang ito.

Natakot din sa Diyos ang hari. Tumindig siya mula sa kaniyang trono, naghubad ng kaniyang opisyal na kasuutan, nagdamit ng magaspang na tela na gaya ng suot ng kaniyang bayan, at ‘umupo pa nga sa abo.’ Kasama ng kaniyang “mga dakila,” o mga maharlika, ipinag-utos niya na mag-ayuno ang lahat at magsuot sila ng telang-sako, pati na ang mga alagang hayop. * Mapagpakumbaba niyang inamin na ang kaniyang bayan ay naging masama at marahas. Umaasa rin siyang maaawa ang tunay na Diyos kapag nakita silang nagsisisi, na nagsasabi: ‘Talikuran sana ng Diyos ang kaniyang nag-aapoy na galit, upang hindi tayo malipol.’​—Jonas 3:6-9.

Ayon sa ilang kritiko, imposibleng napakabilis magsisi ng mga Ninevita. Pero sinasabi ng mga iskolar ng Bibliya na hindi kataka-taka ang gayong reaksiyon noong sinaunang panahon sa mga taong mapamahiin at madaling magbago. Sabihin pa, binanggit mismo ni Jesu-Kristo nang maglaon ang pagsisisi ng mga Ninevita. (Mateo 12:41) Alam niya iyon dahil nasa langit siya nang mangyari iyon. (Juan 8:57, 58) Ano naman ang naging reaksiyon ni Jehova sa pagsisisi ng mga Ninevita?

Kaibahan ng Awa ng Diyos sa Kalupitan ng Tao

Nang maglaon, isinulat ni Jonas: “Nakita ng tunay na Diyos ang kanilang mga gawa, na tinalikuran nila ang kanilang masamang lakad; sa gayon ay ikinalungkot ng tunay na Diyos ang kapahamakan na sinalita niyang pangyayarihin sa kanila; at hindi niya iyon pinangyari.”​—Jonas 3:10.

Inisip ba ni Jehova na mali ang naging hatol niya sa Nineve? Hindi. Ganito ang sinasabi ng Bibliya tungkol kay Jehova: “Sakdal ang kaniyang gawa, sapagkat ang lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan. Isang Diyos ng katapatan, na sa kaniya ay walang masusumpungang kawalang-katarungan.” (Deuteronomio 32:4) Humupa ang matuwid na galit ni Jehova laban sa Nineve. Nakita niyang nagbago ang mga tao kaya hindi na sila kailangan pang parusahan. Panahon ito upang ipakita ng Diyos ang awa.

Hindi malupit si Jehova gaya ng madalas na paglalarawan sa kaniya ng mga lider ng relihiyon. Sa halip, siya ay makatuwiran at maawain. Kapag nagpapasiya siyang parusahan ang mga taong napakasama, nagpapadala muna siya ng kaniyang mga propeta para magbabala, kasi gusto niyang makitang magsisi at magbago ang mga taong masasama, gaya ng ginawa ng mga Ninevita. (Ezekiel 33:11) Sinabi ni Jehova sa kaniyang propetang si Jeremias: “Sa sandaling magsalita ako laban sa isang bansa at laban sa isang kaharian upang bunutin iyon at ibagsak iyon at wasakin iyon, at ang bansang iyon ay tumalikod nga mula sa kasamaan nito na laban doon ay nagsalita ako, ikalulungkot ko rin ang kapahamakan na inisip kong ilapat doon.”​—Jeremias 18:7, 8.

Kung gayon, mali ba ang hula ni Jonas? Hindi, dahil nagsilbi pa rin itong babala. Binabalaan ang mga Ninevita dahil sa kanilang kasamaan, pero nagbago sila. Kung babalik ang mga Ninevita sa kanilang masamang gawain, sasakanila ang hatol ng Diyos. Iyan nga ang nangyari nang maglaon.​—Zefanias 2:13-15.

Ano ang naging reaksiyon ni Jonas nang hindi napuksa ang mga Ninevita? Mababasa natin: “Gayunman ay lubhang di-kalugud-lugod iyon kay Jonas, at siya ay nag-init sa galit.” (Jonas 4:1) Sa panalangin ni Jonas ay parang itinutuwid pa nga niya ang Makapangyarihan-sa-lahat! Sinabi ni Jonas na mas mabuti pang nanatili na lamang siya sa bahay. Sinabi niya na alam niyang hindi talaga pupuksain ni Jehova ang Nineve, ginamit pa nga niya itong dahilan kung bakit siya tumakas patungong Tarsis. Saka niya hiniling at sinabing mas mabuti pang mamatay na lamang siya.​—Jonas 4:2, 3.

Ano ang problema ni Jonas? Hindi natin alam kung ano ang nasa isip niya, pero alam natin na inihayag ni Jonas ang hatol sa Nineve sa lahat ng tao roon. Naniwala sila sa kaniya. At ngayon, wala nang darating na kapuksaan. Natatakot ba siyang tuyain o tawaging bulaang propeta? Ano man iyon, hindi siya natuwa sa pagsisisi ng mga tao o sa awa ni Jehova. Sa halip, labis siyang nahabag sa sarili niya at iniisip na nasira ang kaniyang reputasyon. Pero maliwanag na nakita pa rin ng maawaing Diyos ang mabuting katangian ng nababagabag na si Jonas. Sa halip na parusahan si Jonas sa kaniyang kawalang-galang, malumanay siyang tinanong ni Jehova: “Tama bang mag-init ka sa galit?” (Jonas 4:4) Sumagot ba si Jonas? Walang sinasabi ang Bibliya.

Kung Paano Tinuruan ni Jehova si Jonas

Ang nalulungkot na propeta ay umalis sa Nineve pero hindi siya umuwi. Nagpunta siya sa kabundukan sa gawing silangan kung saan tanaw mula roon ang Nineve. Gumawa siya roon ng isang kubol at naghintay kung ano ang mangyayari sa Nineve. Marahil umaasa pa rin siyang makita ang pagkapuksa nito. Paano tuturuan ni Jehova na maging maawain ang taong ito na hindi mapagpatawad?

Noong magdamag na iyon, nagpatubo si Jehova ng isang halamang upo. Nang magising si Jonas, nakita niya ang malagong halamang ito, na may malalapad na dahon na nagbibigay sa kaniya ng higit na lilim. “Si Jonas ay lubhang nagsaya” dahil sa halaman, marahil iniisip niyang tanda ito ng pagpapala at pagsang-ayon ng Diyos. Gayunman, ginawa ito ni Jehova hindi lamang para bigyan siya ng lilim at pawiin ang kaniyang di-makatuwirang galit. Gusto niyang abutin ang puso ni Jonas. Dahil diyan, ginamit ng Diyos ang isang uod para mamatay ang halaman. Pagkatapos ay nagpadala siya ng “nakatitigang na hanging silangan” hanggang sa ‘himatayin’ si Jonas dahil sa init. Labis na namang nalungkot si Jonas, at hiniling niya sa Diyos na sana’y mamatay na siya.​—Jonas 4:6-8.

Tinanong muli ni Jehova si Jonas kung tama ba siyang magalit dahil namatay ang halamang upo. Sa halip na magsisi, nangatuwiran si Jonas: “Tama nga na mag-init ako sa galit, hanggang sa kamatayan.” Panahon na para sabihin ni Jehova kay Jonas ang mahalagang aral.​—Jonas 4:9.

Sinabi ng Diyos kay Jonas na nanghinayang ang propeta na namatay ang halamang tumubo sa magdamag, samantalang hindi naman ito itinanim o pinatubo ni Jonas. Saka sinabi ng Diyos: “Sa ganang akin, hindi ba ako dapat manghinayang sa Nineve na dakilang lunsod, kung saan may mahigit sa isang daan at dalawampung libong tao na hindi man lamang nakakakilala ng pagkakaiba ng kanilang kanang kamay sa kanilang kaliwa, bukod pa sa maraming alagang hayop?”​—Jonas 4:10, 11. *

Nakikita mo ba ang mahalagang aral na itinuro ni Jehova? Walang ginawa si Jonas para alagaan ang halamang iyon, samantalang si Jehova ang Bukal ng buhay ng mga Ninevita at ang naglalaan para sa kanila gaya ng ginagawa niya sa lahat ng nilalang sa lupa. Mas pinahalagahan pa ni Jonas ang isang halaman kaysa sa buhay ng 120,000 tao, bukod pa sa kanilang mga hayupan. Hindi kaya dahil sa iniisip lamang ni Jonas ang kaniyang sarili? Kung sa bagay, nanghinayang lamang siya sa halaman kasi nakikinabang siya rito. Hindi ba’t ang galit niya may kaugnayan sa Nineve ay dahil sa iniisip lamang niya ang sasabihin sa kaniya ng iba​—gusto niyang patunayang tama siya, at ayaw niyang mapahiya?

Isa ngang napakahalagang aral! Pero natuto ba si Jonas mula sa kaniyang karanasan? Ang aklat ng Jonas ay nagtatapos sa isang tanong mula kay Jehova. Maaaring sinasabi ng ilang kritiko na hindi kailanman sumagot si Jonas. Pero ang totoo, malinaw ang sagot​—ang aklat mismo. Ipinakikita ng katibayan na si Jonas ang sumulat ng aklat na iyon. Isip-isipin ang propetang iyon na nakauwi na sa kaniyang bayan at isinusulat ang kaniyang karanasan. Mailalarawan natin ang isang lalaking mas matanda, mas matalino, mas mapagpakumbaba na iiling-iling habang isinusulat ang kaniya mismong mga pagkakamali, pagsuway, at pagtangging magpakita ng awa. Maliwanag, natuto si Jonas sa matalinong instruksiyon mula kay Jehova. Natuto siyang maging maawain. Tayo rin kaya?

[Mga talababa]

^ par. 4 Tingnan ang artikulong “Tularan ang Kanilang Pananampalataya​—Natuto Siya sa Kaniyang mga Pagkakamali,” sa Ang Bantayan, isyu ng Enero 1, 2009.

^ par. 9 Tinatayang ang Samaria, ang kabisera ng Israel, ay may mga 20,000 hanggang 30,000 mamamayan noong panahon ni Jonas​—wala pang sangkapat ng populasyon ng Nineve. Noong kasikatan ng Nineve, ito marahil ang pinakamalaking lunsod sa daigdig.

^ par. 11 Waring imposible ang ulat na ito, ngunit nangyari na rin ang ganito noon. Sinabi ng Griegong istoryador na si Herodotus na namighati ang sinaunang mga Persiano sa pagkamatay ng isang kilala at minamahal na heneral anupat isinama pati ang kanilang mga alagang hayop sa pagdadalamhati.

^ par. 24 Nang sabihin ng Diyos na hindi nalalaman ng mga taong iyon ang kanilang kanan sa kanilang kaliwa, ito’y nangangahulugan na hindi nila alam ang mga pamantayan ng Diyos.

[Blurb sa pahina 16]

Gusto ng Diyos na makitang magsisi at magbago ang mga taong masasama, gaya ng ginawa ng mga Ninevita

[Blurb sa pahina 17]

Ginamit ng Diyos ang halamang upo upang turuan si Jonas na maging maawain