Pagiging Born Again—Ang Daan Tungo sa Kaligtasan?
Pagiging Born Again—Ang Daan Tungo sa Kaligtasan?
PAANO mo sasagutin ang tanong na “Born again ka ba?” Milyun-milyon sa buong daigdig ang tiyak na sasagot ng “Oo!” Naniniwala sila na ang pagiging born again ay palatandaan ng lahat ng tunay na Kristiyano at ang tanging daan tungo sa kaligtasan. Sumasang-ayon sila sa pananaw ng mga lider ng relihiyon gaya ng teologong si Robert C. Sproul, na sumulat: “Kung ang isang tao ay hindi born again, . . . hindi siya Kristiyano.”
Isa ka ba sa mga naniniwala na kung born again ka, maliligtas ka? Kung gayon, tiyak na gusto mong tulungan ang iyong mga kamag-anak at kaibigan na maligtas din. Pero para mangyari iyan, kailangang maunawaan nila kung ano ang ibig sabihin ng pagiging born again. Paano mo iyon ipaliliwanag sa kanila?
Marami ang naniniwala na ang pananalitang “born again” ay tumutukoy sa isa na taimtim na nangangakong maglilingkod sa Diyos at kay Kristo, isa na nagbago at nagkaroon ng mabuting kaugnayan sa Diyos. Sa katunayan, ayon sa isang makabagong diksyunaryo, ang isang born again ay tumutukoy sa isang karaniwang Kristiyano na matapos ang isang emosyonal na karanasan sa pagsamba ay nagbago o nangakong susunod sa Diyos.
Magtataka ka kaya kung malaman mo na ibang-iba naman ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kahulugan ng pagiging born again? Gusto mo bang malaman kung ano talaga ang sinasabi ng Salita ng Diyos hinggil dito? Tiyak na makikinabang ka kung susuriin mong mabuti ang bagay na ito. Bakit? Dahil ang tumpak na kaunawaan sa kahulugan ng pagiging born again ay makaaapekto sa iyong buhay at sa pag-asa mo sa hinaharap.
Ano ang Itinuturo ng Bibliya?
Ang pananalitang born again o “maipanganak muli” ay mababasa lamang sa Bibliya sa Juan 3:1-12. Inilalarawan dito ang kawili-wiling pag-uusap ni Jesus at ng isang lider ng relihiyon sa Jerusalem. Mababasa mo nang buo ang ulat na ito ng Bibliya sa kalakip na kahon. Inaanyayahan ka naming basahin itong mabuti.
Sa ulat ng Bibliya, itinatampok ni Jesus ang ilan sa mga aspekto ng pagiging born again. * Sa katunayan, tinutulungan tayo ng ulat na iyon na sagutin ang limang napakahalagang tanong:
◼ Gaano kahalaga ang pagiging born again?
◼ Tayo ba ang magpapasiya kung gusto nating maging born again?
◼ Ano ang layunin nito?
◼ Paano nagiging born again ang isa?
◼ Anong nagbagong kaugnayan ang idinudulot nito?
Isa-isa nating talakayin ang mga tanong na ito.
[Talababa]
^ par. 8 Sa 1 Pedro 1:3, 23, mababasa ang terminong “bagong pagsilang.” Isa rin itong termino sa Bibliya na lumalarawan sa pagiging “born again.” Ang dalawang terminong ito ay mula sa pandiwang Griego na gen·naʹo.
[Kahon/Larawan sa pahina 4]
“Kayo ay Dapat na Maipanganak Muli”
“At may isang tao mula sa mga Pariseo, Nicodemo ang kaniyang pangalan, isang tagapamahala ng mga Judio. Ang isang ito ay pumaroon sa kaniya nang gabi at sinabi sa kaniya: ‘Rabbi, alam naming ikaw bilang isang guro ay dumating mula sa Diyos; sapagkat walang sinuman ang makapagsasagawa ng mga tandang ito na iyong isinasagawa malibang sumasakaniya ang Diyos.’ Bilang sagot ay sinabi ni Jesus sa kaniya: ‘Katotohanang-katotohanang sinasabi ko sa iyo, Malibang maipanganak muli ang isa, hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos.’ Sinabi ni Nicodemo sa kaniya: ‘Paanong maipanganganak ang isang tao kung matanda na siya? Hindi siya makapapasok sa bahay-bata ng kaniyang ina sa ikalawang pagkakataon at maipanganganak, hindi ba?’ Sumagot si Jesus: ‘Katotohanang-katotohanang sinasabi ko sa iyo, Malibang maipanganak ang isa mula sa tubig at espiritu, hindi siya makapapasok sa kaharian ng Diyos. Ang ipinanganak mula sa laman ay laman, at ang ipinanganak mula sa espiritu ay espiritu. Huwag kang mamangha sapagkat sinabi ko sa iyo, Kayo ay dapat na maipanganak muli. Ang hangin ay humihihip kung saan nito nais, at naririnig mo ang hugong nito, ngunit hindi mo alam kung saan ito nagmumula at kung saan ito pumaparoon. Gayundin ang bawat isa na ipinanganak mula sa espiritu.’ Bilang sagot ay sinabi ni Nicodemo sa kaniya: ‘Paano mangyayari ang mga bagay na ito?’ Bilang sagot ay sinabi ni Jesus sa kaniya: ‘Ikaw ba ay isang guro ng Israel at gayunma’y hindi mo alam ang mga bagay na ito? Katotohanang-katotohanang sinasabi ko sa iyo, Ang aming nalalaman ay sinasalita namin at ang aming nakita ay pinatototohanan namin, ngunit hindi ninyo tinatanggap ang patotoong ibinibigay namin. Kung nagsabi ako sa inyo ng makalupang mga bagay at gayunma’y hindi kayo naniniwala, paano kayo maniniwala kung magsasabi ako sa inyo ng makalangit na mga bagay?’”—Juan 3:1-12.