1 Magtiwala sa Bibliya
1 Magtiwala sa Bibliya
“Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay.”—2 Timoteo 3:16.
ANO ANG HAMON? Sinasabi ng marami na ang Bibliya ay gawa lamang ng tao. Naniniwala ang ilan na hindi ito tumpak ayon sa kasaysayan. Ayon naman sa iba, makaluma o hindi na praktikal ang payo ng Bibliya.
PAANO MO MAPAGTATAGUMPAYAN ANG HAMON? Kadalasan, ang mga kumukuwestiyon kung mapananaligan ba o praktikal ang Bibliya ay ang mga taong hindi pa nasuri ito. Sinasabi lamang nila ang narinig nila sa iba. Gayunman, nagbababala ang Bibliya: “Ang sinumang walang-karanasan ay nananampalataya sa bawat salita, ngunit pinag-iisipan ng matalino ang kaniyang mga hakbang.”—Kawikaan 14:15.
Sa halip na basta paniwalaan lamang ang sinasabi ng iba, bakit hindi tularan ang halimbawa ng unang-siglong mga Kristiyano sa Berea, na nasa hilagang Gresya ngayon? Hindi nila basta pinaniwalaan ang sinabi sa kanila ng iba. Sa halip, “maingat [nilang] sinusuri ang Kasulatan sa araw-araw kung totoo nga ang mga bagay na ito.” (Gawa 17:11) Isaalang-alang natin sandali ang dalawang dahilan kung bakit ka makapagtitiwala na ang Bibliya ay kinasihang Salita ng Diyos.
Ang Bibliya ay tumpak ayon sa kasaysayan. Noon pa man, may mga nag-aalinlangan na kung tumpak ang mga pangalan at lugar na binabanggit ng Bibliya. Pero paulit-ulit na pinatutunayan ng ebidensiya na walang saligan ang kanilang mga pag-aalinlangan at ang ulat ng Bibliya ay mapananaligan.
Halimbawa, pinag-alinlanganan noon ng mga iskolar na umiral ang hari ng Asirya na si Sargon, na binabanggit sa Isaias 20:1. Pero noong dekada ng 1840, nahukay ng mga arkeologo ang palasyo ng haring ito. Ngayon, si Sargon ang isa sa pinakakilalang hari ng Asirya.
Kinuwestiyon ng mga kritiko na nabuhay si Poncio Pilato, ang gobernador ng Roma na nagpapatay kay Jesus. (Mateo 27:1, 22-24) Ngunit noong 1961, natuklasan malapit sa lunsod ng Cesarea sa Israel ang isang bato na may nakaukit na pangalan at katungkulan ni Pilato.
May kaugnayan sa pagiging tumpak ng Bibliya ayon sa kasaysayan, ganito ang sinabi ng U.S. News & World Report, isyu ng Oktubre 25, 1999: “Sa pambihirang paraan, pinatutunayan ng makabagong arkeolohiya ang pagiging tumpak ayon sa kasaysayan ng ilang mahahalagang bahagi ng Matanda at Bagong Tipan—ang kuwento tungkol sa mga patriyarka ng Israel, ang Pag-alis ng mga Israelita sa Ehipto, ang monarkiya ng angkan ni David, at ang buhay ni Jesus at ang pamumuhay ng mga tao noon.” Bagaman ang pananampalataya sa Bibliya ay hindi nakasalig sa mga natuklasan ng arkeolohiya, angkop lamang asahan na tumpak ayon sa kasaysayan ang isang aklat na kinasihan ng Diyos.
Ang praktikal na karunungan sa Bibliya ay kapaki-pakinabang sa lahat ng uri ng tao. Bago pa man natuklasan ang mga mikroorganismo at ang kanilang papel sa pagkakalat ng sakit, iminungkahi na ng Bibliya ang mga kaugalian sa kalinisan na mahalaga pa rin sa ngayon. (Levitico 11:32-40; Deuteronomio 23:12, 13) Mas maligaya ang mga miyembro ng pamilya na sumusunod sa payo ng Bibliya kung paano pakikitunguhan ang bawat isa. (Efeso 5:28–6:4) Ang taong namumuhay ayon sa mga simulain ng Bibliya ay nagiging mas masipag at tapat na empleado o mas makatuwirang amo. (Efeso 4:28; 6:5-9) Kapaki-pakinabang din sa kalusugan ang pagsunod sa mga simulain ng Bibliya. (Kawikaan 14:30; Efeso 4:31, 32; Colosas 3:8-10) Ang praktikal na mga payong iyan ang maaasahan natin mula sa ating Maylalang.
ANO ANG GANTIMPALA? Ang karunungan mula sa Bibliya ay nagpaparunong maging sa isa na walang karanasan. (Awit 19:7) Bukod diyan, kapag nagtiwala tayo sa Bibliya, matutulungan tayo nito na gawin ang susunod na hakbang upang magkaroon ng mas matibay na pananampalataya, na hindi magagawa ng ibang aklat.
Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 2, “Ang Bibliya—Isang Aklat Mula sa Diyos,” sa aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? *
[Talababa]
^ par. 12 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.