Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

2 Magkaroon ng Tumpak na Kaalaman Tungkol sa Diyos

2 Magkaroon ng Tumpak na Kaalaman Tungkol sa Diyos

2 Magkaroon ng Tumpak na Kaalaman Tungkol sa Diyos

“Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos.”​—Juan 17:3.

ANO ANG HAMON? Sinasabi ng ilan na hindi umiiral ang Diyos. Naniniwala naman ang iba na ang Diyos ay hindi persona kundi isa lamang pagkalakas-lakas na puwersa. Ang mga naniniwalang siya ay isang tunay na persona ay nagtuturo ng nagkakasalungatang doktrina tungkol sa kaniya at sa mga katangian niya.

PAANO MO MAPAGTATAGUMPAYAN ANG HAMON? Ang isang paraan upang magkaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos ay ang pagmasdan ang mga bagay na ginawa niya. Sinabi ni apostol Pablo: “Ang . . . di-nakikitang mga katangian [ng Diyos] ay malinaw na nakikita mula pa sa pagkalalang ng sanlibutan, sapagkat napag-uunawa ang mga ito sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa, maging ang kaniyang walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos.” (Roma 1:20) Kung maingat mong pagmamasdan ang mga lalang ng Diyos, marami kang matututuhan tungkol sa karunungan at kapangyarihan ng ating Maylalang.​—Awit 104:24; Isaias 40:26.

Gayunman, upang magkaroon ng tumpak na kaalaman tungkol sa personalidad ng Diyos, kailangang basahin ng bawat indibiduwal ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, at suriin niya mismo ito. Huwag hayaang hubugin ng iba ang iyong pag-iisip. Sa halip, sundin ang payo ng Bibliya: “Huwag na kayong magpahubog ayon sa sistemang ito ng mga bagay, kundi magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo sa inyong sarili ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos.” (Roma 12:2) Halimbawa, isaalang-alang ang sumusunod na mga katotohanang isinisiwalat ng Bibliya tungkol sa Diyos.

Ang Diyos ay may personal na pangalan. Ang personal na pangalan ng Diyos ay orihinal na lumilitaw nang libu-libong beses sa buong Bibliya. Makikita ito sa maraming salin sa Awit 83:18, na nagsasabi: “Upang kanilang maalaman na ikaw lamang, na ang pangalan ay JEHOVA, ay Kataastaasan sa boong lupa.”​—Ang Biblia.

Ang Diyos na Jehova ay may damdamin at naaapektuhan siya ng ginagawa ng mga tao. Matapos palayain ni Jehova ang mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Ehipto, may panahong winalang-bahala nila ang kaniyang matalinong payo. ‘Nagdamdam’ siya dahil sa kanilang paghihimagsik. Dahil sa kanilang paggawi, “pinasakitan nila maging ang Banal ng Israel.”​—Awit 78:40, 41.

Si Jehova ay nagmamalasakit sa bawat isa sa atin. Ganito ang sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Hindi ba ang dalawang maya ay ipinagbibili sa isang barya na maliit ang halaga? Gayunma’y walang isa man sa kanila ang mahuhulog sa lupa nang hindi nalalaman ng inyong Ama. Ngunit ang mismong mga buhok ng inyong ulo ay biláng na lahat. Kaya nga huwag kayong matakot: nagkakahalaga kayo nang higit kaysa sa maraming maya.”​—Mateo 10:29-31.

Hindi nagtatangi ang Diyos. Sinabi ni apostol Pablo sa mga Griego sa Atenas na “ginawa [ng Diyos] mula sa isang tao ang bawat bansa ng mga tao, upang tumahan sa ibabaw ng buong lupa.” Sinabi rin niya na ang Diyos ay ‘hindi malayo sa bawat isa sa atin.’ (Gawa 17:26, 27) Sinabi ni apostol Pedro: “Ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.”​—Gawa 10:34, 35.

ANO ANG GANTIMPALA? May “sigasig [ang ilan] sa Diyos; ngunit hindi ayon sa tumpak na kaalaman.” (Roma 10:2) Kung alam mo ang talagang itinuturo ng Bibliya tungkol sa Diyos, hindi ka maililigaw at maaari kang “lumapit . . . sa Diyos.”​—Santiago 4:8.

Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 1, “Ano ba ang Katotohanan Tungkol sa Diyos?,” sa aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? *

[Talababa]

^ par. 11 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Larawan sa pahina 6]

Ang isang paraan upang magkaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos ay ang pagmasdan ang mga bagay na ginawa niya