Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

4 Alisin ang Iyong mga Pag-aalinlangan

4 Alisin ang Iyong mga Pag-aalinlangan

4 Alisin ang Iyong mga Pag-aalinlangan

“Ikaw na may kakaunting pananampalataya, bakit ka nagbigay-daan sa pag-aalinlangan?”​—Mateo 14:31.

ANO ANG HAMON? May panahong nag-alinlangan din ang mga alagad ni Jesus. (Mateo 14:30; Lucas 24:36-39; Juan 20:24, 25) Sa katunayan, inilalarawan ng Bibliya ang kakulangan ng pananampalataya bilang “ang kasalanan na madaling nakasasalabid sa atin.” (Hebreo 12:1) Sumulat si apostol Pablo: “Ang pananampalataya ay hindi taglay ng lahat ng tao.” (2 Tesalonica 3:2) Ibig bang sabihin nito na hindi kayang ipakita ng ilan ang katangiang ito? Hindi naman. Sa halip, hindi kasi nagsisikap ang marami na matamo ito. Pero pagpapalain ng Diyos ang mga nagsisikap.

PAANO MO MAPAGTATAGUMPAYAN ANG HAMON? Alamin ang mga isyu na pinag-aalinlanganan mo. Halimbawa, pinag-alinlanganan ng alagad na si Tomas na binuhay-muli si Jesus, kahit sinabi na sa kaniya ng ibang mga alagad na nakita nila si Jesus. Nais ni Tomas ng patotoo. Ang resulta? Nagbigay si Jesus ng ebidensiya na kailangan niya upang tumibay ang kaniyang pananampalataya.​—Juan 20:24-29.

Sa pamamagitan ng Bibliya, binibigyan tayo ng Diyos na Jehova ng mga sagot upang maalis ang ating mga pag-aalinlangan. Halimbawa, marami ang nawawalan ng pananampalataya sa Diyos dahil isinisisi nila sa kaniya ang mga digmaan, karahasan, at kahapisan na nararanasan ng mga tao. Ano ang sinasabi ng Bibliya hinggil dito?

Hindi namamahala ang Diyos sa pamamagitan ng mga gobyerno ng tao. Tinukoy ni Jesus ang di-nakikitang espiritu na si Satanas bilang “ang tagapamahala ng sanlibutan.” (Juan 14:30) Inalok ni Satanas kay Jesus ang awtoridad sa lahat ng kaharian sa lupa para sa isang gawang pagsamba, na sinasabi: “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng awtoridad na ito at ang kaluwalhatian nila, sapagkat ibinigay na sa akin, at sa kaninumang nais ko ay ibinibigay ko ito.” Hindi tinutulan ni Jesus na taglay nga ni Satanas ang gayong awtoridad. Sa halip, sinabi ni Jesus: “Nasusulat, ‘Si Jehova na iyong Diyos ang sasambahin mo, at sa kaniya ka lamang mag-uukol ng sagradong paglilingkod.’” (Lucas 4:5-8) Si Satanas at ang mga gobyerno ng tao ang dapat sisihin sa mga pagdurusa sa daigdig, hindi ang Diyos.​—Apocalipsis 12:9, 12.

Malapit nang alisin ng Diyos na Jehova ang lahat ng sanhi ng pagdurusa. Isinaayos na niya ang isang Kaharian, o gobyerno, sa ilalim ng kaniyang Anak, si Kristo Jesus, upang mamahala sa mga tao. (Mateo 6:9, 10; 1 Corinto 15:20-28) Bilang katuparan ng hula sa Bibliya, ang mabuting balita tungkol sa Kahariang ito ay ipinangangaral na ngayon sa buong lupa. (Mateo 24:14) Hindi na magtatagal, aalisin ng Kahariang ito ang lahat ng sumasalansang dito pati na ang mga sanhi ng pagdurusa ng tao.​—Daniel 2:44; Mateo 25:31-33, 46; Apocalipsis 21:3, 4.

ANO ANG GANTIMPALA? Ang mga nag-aalinlangan ay gaya ng mga alon na sinisiklut-siklot ng “bawat hangin ng turo sa pamamagitan ng pandaraya ng mga tao.” (Efeso 4:14; 2 Pedro 2:1) Sa kabaligtaran, ang mga nakasusumpong ng kasiya-siyang mga sagot sa kanilang mga katanungan ay ‘makatatayong matatag sa pananampalataya.’​—1 Corinto 16:13.

Nais ng mga Saksi ni Jehova, ang mga tagapaglathala ng babasahing ito, na tulungan kang masumpungan ang mga sagot sa mga katanungang maaaring humahamon sa iyong pananampalataya. Inaanyayahan ka nilang makisama sa kanila at suriin mo mismo ang kanilang mga turo. Kung gagawin mo ito, talagang titibay ang iyong pananampalataya sa Diyos.

Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 8, “Ano ba ang Kaharian ng Diyos?,” at kabanata 11, “Bakit Kaya Pinahihintulutan ng Diyos ang Pagdurusa?,” sa aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? *

[Talababa]

^ par. 10 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Larawan sa pahina 9]

Ang mga nakasusumpong ng kasiya-siyang mga sagot sa kanilang mga katanungan ay may matibay na saligan para sa kanilang pananampalataya