Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Ilustrasyon sa Bibliya—Nauunawaan Mo ba ang mga Ito?

Mga Ilustrasyon sa Bibliya—Nauunawaan Mo ba ang mga Ito?

Mga Ilustrasyon sa Bibliya​—Nauunawaan Mo ba ang mga Ito?

MABABASA sa Bibliya ang maraming ilustrasyon, o mga pananalitang bumubuo ng larawan sa isipan ng mambabasa. * Halimbawa, sinasabing si Jesus ay gumamit ng mahigit 50 ilustrasyon sa kaniyang Sermon sa Bundok.

Bakit dapat kang maging interesado sa mga ilustrasyong ito? Kasi kung nauunawaan mo ang mga ito, mas magiging kawili-wili ang iyong pagbabasa ng Bibliya at lalo mong mapahahalagahan ang Salita ng Diyos. Isa pa, higit mong mauunawaan ang mensahe ng Bibliya. Sa katunayan, kung hindi mo nauunawaan ang isang ilustrasyon sa Bibliya, maaari kang malito at magkaroon ng maling konklusyon.

Unawain ang mga Ilustrasyon

Inihahambing ng isang ilustrasyon ang isang ideya sa ibang ideya. Ang ideyang inihahambing ay ang paksa, at ang ideyang pinaghahambingan ay ang larawan. Ang paghahambing sa dalawang ideya ay tinatawag na pagkakatulad. Kaya ang susi upang maunawaan ang tunay na kahulugan ng isang ilustrasyon ay ang alamin at unawain ang tatlong elementong ito.

Kung minsan, maaaring madaling tukuyin ang paksa at ang larawan. Pero kung tungkol sa pagkakatulad, maaaring mayroon itong ilang pagkakapit. Ano ang tutulong sa iyo na maunawaan nang tumpak ang pagkakatulad? Karaniwang makikita ang sagot sa konteksto, o kalapit na mga talata. *

Halimbawa, sinabi ni Jesus sa kongregasyon sa Sardis: “Tiyak nga na malibang gumising ka, darating ako na gaya ng magnanakaw.” Inihahalintulad dito ni Jesus ang kaniyang pagdating (paksa) sa pagdating ng isang magnanakaw (larawan). Pero ano ang pagkakatulad? Tinutulungan tayo ng konteksto na malaman ito. Sinabi pa ni Jesus: “Hindi mo na malalaman pa kung anong oras ako darating sa iyo.” (Apocalipsis 3:3) Kaya hindi ito tumutukoy sa layunin ng kaniyang pagdating. Hindi niya ibig sabihin na darating siya upang magnakaw. Sa halip, ito ay nangangahulugan na ang kaniyang pagdating ay hindi inaasahan at hindi ipinaaalam.

Pero kung minsan, ang isang ilustrasyon na nasa isang bahagi ng Bibliya ay maaaring tumulong sa iyo na maunawaan ang katulad na ilustrasyon na nasa ibang bahagi naman ng Bibliya. Halimbawa, ginamit din ni apostol Pablo ang ilustrasyon ni Jesus: “Kayo mismo ang lubusang nakaaalam na ang araw ni Jehova ay dumarating na kagayang-kagaya ng isang magnanakaw sa gabi.” (1 Tesalonica 5:2) Hindi malinaw na binabanggit sa konteksto ng mga salita ni Pablo ang pagkakatulad. Gayunman, kung ihahambing ang ilustrasyong ito sa ginamit ni Jesus sa Apocalipsis 3:3, mauunawaan mo ang pagkakatulad. Napakabisang paalaala nga ang ilustrasyong ito na ang lahat ng tunay na Kristiyano ay kailangang manatiling gising sa espirituwal!

Mga Ilustrasyong Nagtuturo sa Atin Tungkol sa Diyos

Imposibleng maunawaan ng tao ang lahat ng aspekto ng personalidad at kapangyarihan ng Diyos na Jehova. Noong sinaunang panahon, isinulat ni Haring David na ang ‘kadakilaan ni Jehova ay di-masaliksik.’ (Awit 145:3) Matapos isaalang-alang ang ilan sa mga nilalang ng Diyos, naibulalas ni Job: “Narito! Ito ang mga gilid ng kaniyang mga daan, at bulong lamang ng isang bagay ang narinig tungkol sa kaniya! Ngunit tungkol sa kaniyang malakas na kulog ay sino ang makapagpapakita ng unawa?”​—Job 26:14.

Kahit hindi natin lubusang mauunawaan ang kadakilaan ng Diyos, ang Bibliya ay gumagamit ng mga ilustrasyon para tulungan ka na maunawaan, sa paano man, ang kahanga-hangang mga katangian ng ating Diyos sa langit. Inilalarawan si Jehova bilang isang Hari, Mambabatas, Hukom, at Mandirigma​—oo, isa na dapat mong igalang. Inilalarawan din siya bilang isang Pastol, Tagapayo, Guro, Ama, Tagapagpagaling, at Tagapagligtas​—isa na mamahalin mo. (Awit 16:7; 23:1; 32:8; 71:17; 89:26; 103:3; 106:21; Isaias 33:22; 42:13; Juan 6:45) Ang bawat isa sa simpleng mga paglalarawang ito ay lumilikha ng maraming kaakit-akit na larawan na may ilang pagkakatulad. Ang gayong mga ilustrasyon ay mas malinaw na nakapaglalarawan kaysa sa maraming salita.

Inihahalintulad din ng Bibliya si Jehova sa mga bagay na walang buhay. Inilalarawan siya bilang “ang Bato ng Israel,” “malaking bato,” at “moog.” (2 Samuel 23:3; Awit 18:2; Deuteronomio 32:4) Ano ang pagkakatulad? Kung paanong tiyak na hindi makikilos ang isang malaking bato, ang Diyos na Jehova ay isang tiyak na Pinagmumulan ng katiwasayan.

Ang aklat ng Mga Awit ay punung-punô ng mga ilustrasyong naglalarawan sa iba’t ibang katangian ni Jehova. Halimbawa, tinutukoy ng Awit 84:11 si Jehova bilang ang “araw at kalasag” sapagkat siya ang Pinagmumulan ng liwanag, buhay, enerhiya, at proteksiyon. Sa kabilang dako, sinasabi ng Awit 121:5 na “si Jehova ang iyong lilim sa iyong kanan.” Kung paanong ang isang lilim ay maaaring magbigay sa iyo ng proteksiyon mula sa matinding sikat ng araw, ang mga naglilingkod kay Jehova ay maaaring proteksiyunan niya mula sa matinding kalamidad, anupat pinoproteksiyunan sila sa ilalim ng kaniyang “kamay” o “mga pakpak.”​—Isaias 51:16; Awit 17:8; 36:7.

Mga Ilustrasyong Naglalarawan kay Jesus

Paulit-ulit na binabanggit ng Bibliya si Jesus bilang ang “Anak ng Diyos.” (Juan 1:34; 3:16-18) Hindi ito maintindihan ng ilang di-Kristiyano, yamang wala namang asawa ang Diyos at hindi siya isang tao. Maliwanag, ang Diyos ay hindi nagkakaanak sa paraang gaya ng sa tao. Kaya ang pananalitang ito ay isang ilustrasyon. Dinisenyo ito upang tulungan ang mambabasa na maunawaan na ang kaugnayan ni Jesus sa Diyos ay gaya ng isang anak sa kaniyang ama. Idiniriin din nito na ang buhay ni Jesus ay mula kay Jehova, dahil nilalang Niya siya. Sa katulad na paraan, ang unang lalaki na si Adan ay tinawag ding “anak ng Diyos.”​—Lucas 3:38.

Gumamit si Jesus ng mga ilustrasyon para ilarawan ang iba’t ibang papel na ginagampanan niya sa pagsasakatuparan ng layunin ng Diyos. Halimbawa, sinabi niya: “Ako ang tunay na punong ubas, at ang aking Ama ang tagapagsaka.” Inihambing ni Jesus ang kaniyang mga alagad sa mga sanga ng punong ubas. (Juan 15:1, 4) Ano ang itinuturo ng ilustrasyong ito? Upang manatiling buháy at mabunga, ang mga sanga ng literal na punong ubas ay dapat manatili sa pinakakatawan nito. Gayundin, ang mga alagad ni Kristo ay dapat manatiling kaisa niya. “Kung hiwalay sa akin ay wala kayong magagawang anuman,” ang sabi ni Jesus. (Juan 15:5) At kung paanong inaasahan ng tagapagsaka na mamumunga ang punong ubas, inaasahan ni Jehova na mamumunga sa makasagisag na paraan ang mga kaisa ni Kristo.​—Juan 15:8.

Tiyakin ang mga Pagkakatulad

Maaari tayong magkamali kung basta babasahin lamang natin ang ilustrasyon nang hindi nauunawaan ang pagkakatulad nito. Kuning halimbawa ang binabanggit sa Roma 12:20: “Kung ang iyong kaaway ay nagugutom, pakainin mo siya; kung siya ay nauuhaw, bigyan mo siya ng maiinom; sapagkat sa paggawa nito ay magbubunton ka ng maaapoy na baga sa kaniyang ulo.” Ang pagbubunton ba ng maaapoy na baga sa ulo ng isa ay nagpapahiwatig ng pagganti? Hindi, kung nauunawaan natin ang pagkakatulad. Ang ilustrasyong ito ay halaw sa sinaunang proseso ng pagtunaw ng bakal. Ang inambato (ore) ay iniinit sa bunton ng baga, at nilalagyan din ng baga ang ibabaw nito. Dahil sa prosesong ito, natutunaw ang inambato at nahihiwalay ang dalisay na metal mula sa anumang dumi. Sa katulad na paraan, ang pagpapakita ng kabaitan ay nakapagpapalambot sa kalooban ng isang tao anupat uudyukan siya nito na magpakita ng mabubuting katangian.

Ang wastong pagkaunawa sa ilustrasyon ay hindi lamang nagbibigay-linaw sa ating isipan kundi nakaaantig din sa ating puso. Nadarama natin ang bigat ng kasalanan kapag ito ay inihahambing sa isang utang. (Lucas 11:4) Pero kapag pinatawad tayo ni Jehova at inalis ang ating utang, kaylaking ginhawa! Nang sabihin sa atin na kaniyang ‘tinatakpan’ at ‘pinapawi’ ang ating mga kasalanan​—binubura, wika nga​—tinitiyak nito sa atin na hindi niya sisingilin sa atin ang gayong kasalanan sa hinaharap. (Awit 32:1, 2; Gawa 3:19) Nakaaaliw ngang malaman na kayang paputiin ni Jehova na gaya ng niyebe ang mga kasalanang kasimpula ng iskarlata o krimson!​—Isaias 1:18.

Ilan lamang ito sa daan-daang ilustrasyong mababasa sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Kaya kapag binabasa mo ang iyong Bibliya, bigyang-pansin ang mga ito. Pag-isipan ang mga pagkakatulad at bulay-bulayin ang mga ito. Kung gagawin mo ito, lalo mong mauunawaan at mapahahalagahan ang Kasulatan.

[Mga talababa]

^ par. 2 Gaya ng pagkakagamit sa artikulong ito, ang pananalitang “ilustrasyon” ay tumutukoy sa lahat ng mga tayutay (figures of speech)​—metapora, simili, o iba pang makasagisag na pananalita.

^ par. 6 Ang dalawang tomo ng ensayklopidiya sa Bibliya na Insight on the Scriptures, inilathala ng mga Saksi ni Jehova, ay nagbibigay ng maraming impormasyon na kadalasang tumutulong upang ipaliwanag ang pagkakatulad.

[Kahon sa pahina 13]

Kung Paano Nakatutulong ang mga Ilustrasyon

Ang mga ilustrasyon ay tumutulong sa atin sa iba’t ibang paraan. Ang isang mahirap na punto ay maaaring ihambing sa isang bagay na madaling maunawaan. Maaaring maging malinaw ang ilang aspekto ng isang paksa sa pamamagitan ng dalawa o higit pang ilustrasyon. Maaari ding idiin o gawing mas kaakit-akit ang mahahalagang ideya sa pamamagitan ng mga ilustrasyon.

[Kahon sa pahina 14]

Alamin ang Iba’t Ibang Elemento

ILUSTRASYON: “Kayo ang asin ng lupa.” (Mateo 5:13)

PAKSA: Kayo (Mga alagad ni Jesus)

LARAWAN: Asin

PAGKAKATULAD SA KONTEKSTONG ITO: Preserbatibo

ARAL: Ang mga alagad ay may mensahe na maaaring magpreserba o magligtas ng buhay ng maraming tao

[Blurb sa pahina 15]

“Si Jehova ang aking Pastol. Hindi ako kukulangin ng anuman.”​—AWIT 23:1