Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Ano ang Matututuhan Natin Mula kay Jesus

Tungkol sa “Wakas”

Tungkol sa “Wakas”

Ano ang magwawakas?

Tinanong si Jesus ng kaniyang mga alagad: “Ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” (Mateo 24:3) Nang sagutin ito ni Jesus, hindi niya sinabi na ang planetang lupa ang magwawakas. Bago nito, binanggit niya ang tungkol sa “sistema ng mga bagay” at ginamit ito upang tukuyin ang buong pulitikal, komersiyal, at relihiyosong sistema na pinamamahalaan ni Satanas. (Mateo 13:22, 40, 49) Kaya ang sistemang iyan ang nasa isip ni Jesus nang sabihin niya: “Darating ang wakas.”​—Mateo 24:14.

Paano inilarawan ni Jesus ang wakas?

Ang wakas ng di-makatarungang sistemang ito ay ‘mabuting balita.’ Sinabi ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” Ganito inilarawan ni Jesus ang wakas ng kasalukuyang sistema ng mga bagay: “Magkakaroon ng malaking kapighatian gaya ng hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng sanlibutan hanggang sa ngayon, hindi, ni mangyayari pang muli. Sa katunayan, malibang paikliin ang mga araw na iyon, walang laman ang maliligtas.”​—Mateo 24:14, 21, 22.

Sino ang mapupuksa?

Tanging ang mga hindi umiibig at naglilingkod kay Jehova at kay Jesus ang mapupuksa. Ang mga taong iyon ay hindi sumusunod sa Diyos. Sinabi ni Jesus: “Kung paano ang mga araw ni Noe, magiging gayon ang pagkanaririto ng Anak ng tao. Sapagkat gaya nila noong mga araw na iyon bago ang baha, . . . hindi sila nagbigay-pansin hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat.” (Mateo 24:36-39) Sinabi ni Jesus na marami ang nasa daang patungo sa pagkapuksa. Pero tiniyak niya na may “masikip [na] daan na umaakay patungo sa buhay.”​—Mateo 7:13, 14.

Kailan magwawakas ang sistemang ito ng mga bagay?

Nang tanungin tungkol sa tanda ng kaniyang pagkanaririto “at ng katapusan ng sistema ng mga bagay,” sinabi ni Jesus: “Ang bansa ay titindig laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian, at magkakaroon ng mga kakapusan sa pagkain at mga lindol . . . at dahil sa paglago ng katampalasanan ang pag-ibig ng nakararami ay lalamig.” (Mateo 24:3-12) Kaya lahat ng malulungkot na balita sa ngayon ay may nakapagpapatibay na kahulugan​—malapit nang magdala ng kapayapaan sa masunuring sangkatauhan ang Kaharian ng Diyos. Sinabi ni Jesus: “Kapag nakita ninyong nagaganap ang mga bagay na ito, alamin ninyo na ang kaharian ng Diyos ay malapit na.”​—Lucas 21:31.

Ano ang dapat mong gawin?

Sinabi ni Jesus na “ibinigay [ng Diyos] ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Upang manampalataya sa Diyos at sa kaniyang Anak, kailangang makilala mo sila nang husto. Kaya sinabi ni Jesus: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.”​—Juan 17:3.

Huwag hayaang hadlangan ka ng mga kabalisahan at problema para maipakita mo ang iyong pag-ibig sa Diyos. Sinabi ni Jesus: “Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili na ang inyong mga puso ay hindi mapabigatan ng . . . mga kabalisahan sa buhay, at bigla na lang na ang araw na iyon ay kagyat na mapasainyo na gaya ng silo. Sapagkat darating ito.” Kung pakikinggan mo ang babala ni Jesus, ‘magtatagumpay ka sa pagtakas mula sa lahat ng mga bagay na ito na nakatalagang maganap.’​—Lucas 21:34-36.

Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 9, “Nabubuhay Na ba Tayo sa ‘mga Huling Araw’?,” sa aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? *

[Talababa]

^ par. 14 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.