Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mahal Nila ang Salita ng Diyos

Mahal Nila ang Salita ng Diyos

Mahal Nila ang Salita ng Diyos

ANG mahahalagang mensahe ay kadalasang isinasalin sa maraming wika para matiyak na mauunawaan ito ng maraming tao hangga’t maaari. Ang Bibliya, na Salita ng Diyos, ay may mahalagang mensahe. Bagaman matagal na itong isinulat, ang mga mababasa sa Bibliya ay “isinulat sa ating ikatututo” at nagbibigay sa atin ng kaaliwan at pag-asa sa hinaharap.​—Roma 15:4.

Makatuwiran nga na ang Bibliya, na may pinakamahalagang mensaheng naisulat kailanman, ay mababasa sa maraming wika. Sa buong kasaysayan, sinikap ng mga tao na isalin ang Bibliya sa kabila ng malubhang karamdaman, pagbabawal ng gobyerno, o bantang kamatayan pa nga. Bakit? Dahil mahal nila ang Salita ng Diyos. Ang sumusunod na ulat ay isang sulyap sa kahanga-hangang kasaysayan ng pagsasalin ng Bibliya.

“Mas Mauunawaan ng mga Ingles ang Kautusan ng Kristo sa Wikang Ingles”

Nang ipanganak si John Wycliffe noong mga 1330, Latin ang ginagamit sa mga misa sa Inglatera. Ang karaniwang mga tao naman ay nagsasalita ng Ingles. Nakikipag-usap sila sa mga kapitbahay nila sa wikang Ingles at nananalangin pa nga sa Diyos sa Ingles.

Si Wycliffe na isang paring Katoliko ay bihasa sa Latin. Pero naisip niya na hindi dapat Latin ang gamitin sa pagtuturo ng Kasulatan dahil iilan lamang ang marunong nito. Isinulat niya: “Ang kaalaman sa kautusan ng Diyos ay dapat ituro sa wika na pinakamadaling maunawaan dahil ang itinuturo ay ang salita ng Diyos.” Kaya si Wycliffe at ang kaniyang mga kasama ay bumuo ng isang grupo para isalin ang Bibliya sa wikang Ingles. Ang pagsasalin ay tumagal nang mga 20 taon.

Hindi nagustuhan ng Simbahang Katoliko ang pagkakaroon ng isang bagong salin ng Bibliya. Ayon sa The Mysteries of the Vatican, sinalansang ito ng simbahan kasi maihahambing ng mga tao ang simpleng turo ng sinaunang Kristiyanismo sa Katolisismo noong panahon nila. Kitang-kita na napakalayo nga ng turo ng Tagapagtatag ng Kristiyanismo sa itinuturo ng kanilang papa.

Naglabas ng limang proklamasyon si Pope Gregory XI na kumokondena kay Wycliffe. Pero hindi nito napigilan ang tagapagsalin. Sinabi niya: “Mas mauunawaan ng mga Ingles ang kautusan ng Kristo sa wikang Ingles. Narinig ni Moises ang kautusan ng Diyos sa kaniyang sariling wika, gayundin ang mga apostol ni Kristo.” Noong mga taóng 1382, ilang panahon bago mamatay si Wycliffe, inilabas ng grupo ni Wycliffe ang unang bersiyon ng buong Bibliya sa wikang Ingles. Pagkalipas ng mga sampung taon, inilabas ng isa sa kaniyang mga kasama ang isang rebisadong bersiyon na mas madaling basahin.

Yamang hindi pa naimbento ang mga palimbagan, ang bawat manuskrito ay kailangang maingat na kopyahin nang manu-mano, isang gawaing maaaring umabot ng sampung buwan! Pero labis na ikinabahala ng simbahan na mabasa ng marami ang Bibliya, kaya nagbanta ang arsobispo na ititiwalag ang sinumang babasa nito. Mahigit 40 taon pagkamatay ni Wycliffe, sa utos ng konsilyo ng papa, hinukay ang bangkay niya, sinunog ang kaniyang mga buto, at itinapon ang kaniyang abo sa ilog ng Swift. Gayunman, gustung-gustong basahin ng taimtim na naghahanap ng katotohanan ang Bibliya ni Wycliffe. Ganito ang sinabi ng propesor na si William M. Blackburn: “Maraming kopya ng Bibliya ni Wyclif ang ginawa, malawakang ipinamahagi, at ipinasa sa sumunod na henerasyon.”

Isang Bibliya Para sa Karaniwang mga Tao

Sa loob lamang ng 200 taon, hindi na sinasalita ang Ingles na ginamit ni Wycliffe. Nalungkot ang isang kabataang mángangarál malapit sa Bristol dahil kakaunti lamang ang nakauunawa sa Bibliya. Minsan, narinig ng mángangarál na iyon, si William Tyndale, na sinabi ng isang edukadong lalaki na mas mahalaga ang kautusan ng papa kaysa sa kautusan ng Diyos. Tumugon si Tyndale sa pagsasabing kung hahayaan siya ng Diyos, titiyakin niyang kahit ang karaniwang tao ay magkakaroon ng higit na kaalaman sa Bibliya kaysa sa edukadong lalaking iyon.

Mula sa Latin na Vulgate, isinalin ni Wycliffe ang Kasulatan at manu-manong kinopya ito. Noong 1524, nagpunta si Tyndale sa Alemanya mula sa Inglatera. Sinimulan niya ang pagsasalin ng Kasulatan mula sa orihinal na Hebreo at Griego at nagpaimprenta ng mga ito sa isang palimbagan sa Cologne. Di-nagtagal, nalaman ng mga kaaway ni Tyndale ang tungkol sa saling iyon at hinikayat ang Senado sa Cologne na ipag-utos na kumpiskahin ang lahat ng kopya nito.

Ipinagpatuloy ni Tyndale ang kaniyang pagsasalin sa lunsod ng Worms, sa Alemanya. Hindi nagtagal, ang mga kopya ng Griegong Kasulatan ni Tyndale sa wikang Ingles ay palihim na ipinadala sa Inglatera. Sa loob lamang ng anim na buwan, napakaraming kopya ang naibenta anupat biglaang nagpulong ang mga obispo at ipinag-utos na sunugin ang mga Bibliya.

Para patigilin ang mga tao sa pagbabasa ng Bibliya at ang sinasabing paghihimagsik ni Tyndale sa simbahan, inatasan ng obispo ng London si Sir Thomas More na sumulat ng laban kay Tyndale. Partikular nang ikinagalit ni More ang paggamit ni Tyndale ng salitang “kongregasyon” sa halip na “simbahan,” at “matanda” o “elder” sa halip na “pari.” Kinuwestiyon ng mga salitang ito ang awtoridad ng papa at ang kaibahan ng klero sa karaniwang tao. Kinondena rin ni Thomas More ang salin ni Tyndale sa salitang Griego na a·gaʹpe bilang “pag-ibig” sa halip na “pagkakawanggawa.” Sinabi ng aklat na If God Spare My Life: “Mapanganib din ang ideyang ito sa Simbahan dahil kung wawaling-bahala ang pagkakawanggawa, mababawasan ang malalaking donasyon, indulhensiya at mga pamana na hinihikayat nilang ibigay ng mga tapat para makapunta ang mga ito sa langit.”

Isinulong ni Thomas More ang pagsunog sa “mga erehe,” kung kaya si Tyndale ay binigti at sinunog sa tulos noong Oktubre 1536. Nang dakong huli, si Thomas More naman ay pinugutan ng ulo dahil nagalit sa kaniya ang hari. Gayunman, siya ay ginawang santo ng Simbahang Romano Katoliko noong 1935, at noong taóng 2000, pinarangalan ni Pope John Paul II si More bilang patron ng mga pulitiko.

Hindi pinarangalan nang ganiyan si Tyndale. Pero bago siya mamatay, pinagsama-sama ng kaniyang kaibigan na si Miles Coverdale ang salin ni Tyndale upang maging isang kumpletong Bibliya​—ang unang salin sa Ingles mula sa orihinal na mga wika! Mababasa na ngayon ng bawat karaniwang tao ang Salita ng Diyos. Kumusta naman ang Bibliya sa ibang wika?

“Waring Imposible”

Sa kabila ng mga pagtutol ng pamilya at mga kaibigan, naglayag ang misyonerong Britano na si Robert Morrison patungong Tsina noong 1807 sa kagustuhan niyang mailathala ang kumpletong Bibliya sa wikang Tsino. Hindi naging madali para sa kaniya ang pagsasalin. “Waring imposible ang gawaing ito,” ang sabi ni Charles Grant, direktor noon ng East India Company.

Pagdating ni Morrison, nalaman niya na ang sinumang Tsino na magturo ng kanilang wika sa mga banyaga ay papatawan ng parusang kamatayan. Upang protektahan ang kaniyang sarili at ang mga sumang-ayon na magturo sa kaniya ng wika, hindi muna lumabas ng bahay si Morrison. Sinasabi ng isang ulat na “pagkalipas ng dalawang-taóng-pag-aaral, nakapagsasalita na siya ng Mandarin at ng mga diyalekto, marunong na rin siyang bumasa’t sumulat” sa wikang iyon. Samantala, ipinag-utos ng emperador na parurusahan ng kamatayan ang mag-iimprenta ng mga aklat ng mga Kristiyano dahil itinuturing itong isang krimen. Sa kabila nito, natapos ni Morrison ang kaniyang salin ng buong Bibliya sa wikang Tsino noong Nobyembre 25, 1819.

Noong 1836, nakapag-imprenta na ng mga 2,000 kumpletong Bibliya, 10,000 kopya ng Griegong Kasulatan, at 31,000 kopya ng mga bahagi ng Kasulatan sa wikang Tsino. Dahil sa pagmamahal sa Salita ng Diyos, naging posible ang “waring imposible.”

Isang Bibliya sa Unan

Dalawang linggo matapos ikasal noong Pebrero 1812 ang misyonerong Amerikano na si Adoniram Judson at ang kaniyang asawang si Ann, naglakbay sila nang malayo hanggang makarating sila at manirahan sa Burma noong 1813. * Agad silang nag-aral ng wikang Burmese, isa sa pinakamahirap na wika sa daigdig. Pagkatapos ng ilang taóng pag-aaral, isinulat ni Judson: “Pinag-aralan namin ang wika na sinasalita ng mga tao sa kabilang panig ng daigdig, na ang paraan ng paghahanay ng mga ideya ay ibang-iba sa amin . . . Wala kaming diksyunaryo, at walang tagapagsalin na magpapaliwanag ng bawat salita.”

Bagaman mahirap pag-aralan ang wikang Burmese, hindi sumuko si Judson. Natapos niya ang kaniyang salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Burmese noong Hunyo 1823. Nang maglaon, nagkaroon ng digmaan sa Burma. Dahil napagkamalan siyang espiya, ibinilanggo si Judson. Nilagyan siya ng tatlong pares ng bakal na posas na nakakabit sa mahabang poste para hindi siya makagalaw. “Ang isa sa mga unang itinanong ni Mr. Judson, nang payagan na siya at si Mrs. Judson na magkita at mag-usap sa wikang Ingles, ay ang manuskrito ng salin ng Bagong Tipan,” ang isinulat ni Francis Wayland sa isang aklat tungkol sa buhay ni Judson na inilathala noong 1853. Sa takot na baka amagin at masira ang manuskrito habang nakabaon sa ilalim ng bahay, ipinasok ito ni Ann sa unan, tinahi, at saka dinala sa kaniyang asawang nakabilanggo. Sa kabila ng napakahirap na mga kalagayan, naingatan ang manuskrito.

Napalaya si Judson pagkatapos ng maraming buwang pagkabilanggo. Ngunit hindi nagtagal ang kaniyang kaligayahan. Nang taon ding iyon, inapoy ng lagnat si Ann, at mga ilang linggo lamang, namatay siya. Pagkalipas lamang ng anim na buwan, ang kaniyang anak na si Maria, na wala pang dalawang taon, ay namatay rin dahil sa isang sakit na walang lunas. Bagaman lungkot na lungkot si Judson, ipinagpatuloy niya ang kaniyang gawain. Sa wakas, natapos ang buong Bibliya noong 1835.

Mahal Mo ba ang Salita ng Diyos?

Hindi na bago ang pagmamahal na ipinakita ng mga tagapagsaling ito sa Salita ng Diyos. Sa sinaunang Israel, umawit ang salmista sa Diyos na Jehova: “Gayon na lamang ang pag-ibig ko sa iyong kautusan! Buong araw ko itong pinag-iisipan.” (Awit 119:97) Ang Bibliya ay hindi lamang isang magandang akda ng panitikan. Mayroon itong mahalagang mensahe. Ipinakikita mo bang mahal mo ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagbabasa nito nang regular? Makatitiyak ka na kung gagawin mo ang iyong natututuhan, ‘magiging maligaya ka sa paggawa nito.’​—Santiago 1:25.

[Talababa]

^ par. 22 Myanmar ang tawag ngayon sa bansang Burma at sa wika nito.

[Blurb sa pahina 8]

“Mas mauunawaan ng mga Ingles ang kautusan ng Kristo sa wikang Ingles.”​—JOHN WYCLIFFE

[Larawan sa pahina 9]

Si William Tyndale at ang isang pahina mula sa Bibliya ni Tyndale

[Credit Line]

Tyndale: From the book The Evolution of the English Bible

[Mga larawan sa pahina 10]

Si Robert Morrison at ang kaniyang salin ng Bibliya sa wikang Tsino

[Credit Lines]

In the custody of the Asian Division of the Library of Congress

Robert Morrison, engraved by W. Holl, from The National Portrait Gallery Volume IV, published c.1820 (litho), Chinnery, George (1774-1852) (after)/Private Collection/Ken Welsh/The Bridgeman Art Library International

[Mga larawan sa pahina 11]

Si Adoniram Judson at ang kaniyang salin ng Bibliya sa wikang Burmese

[Credit Line]

Judson: Engraving by John C. Buttre/Dictionary of American Portraits/Dover

[Picture Credit Lines sa pahina 8]

Wycliffe: From the book The History of Protestantism (Vol. I); Bibliya: Courtesy of the American Bible Society Library, New York