Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nagpapasalamat sa Kabila ng mga Trahedya—Kung Paano Ako Natulungan ng Bibliya na Magbata

Nagpapasalamat sa Kabila ng mga Trahedya—Kung Paano Ako Natulungan ng Bibliya na Magbata

Nagpapasalamat sa Kabila ng mga Trahedya​—Kung Paano Ako Natulungan ng Bibliya na Magbata

Ayon sa salaysay ni Enrique Caravaca Acosta

Abril 15,1971 noon. Dadalawin ko ang aking pamilya sa bukid namin. Matagal akong hindi nakauwi, kaya sabik na sabik na akong makita ang lahat. Iniisip ko kung nasa bahay ba silang lahat at kung sino ang una kong makikita. Pagdating ko, gayon na lamang ang pagkasindak ko nang makita ko ang apat na tao​—kasama na si Inay​—na patay na!

NATULALA ako. Ano ang nangyari? Ano ang gagawin ko? Ako lamang ang naroon, litung-lito, at walang magawa. Bago ko ituloy ang kuwento, hayaan mong sabihin ko sa iyo ang ilang bagay tungkol sa akin. Sa gayon, mas mauunawaan mo ang nadarama ko tungkol dito at sa iba pang trahedya sa aking buhay.

Nalaman Namin ang Katotohanan

Ipinanganak ako sa Quirimán, malapit sa Nicoya, Costa Rica. Noong 1953, sa edad na 37, nakatira ako sa bukid namin na kasama ng aking mga magulang. Bagaman pinalaki kaming Katoliko, hindi namin gusto ang ilang doktrina nito at marami kaming tanong na hindi nasasagot.

Isang umaga, dumalaw si Anatolio Alfaro sa aming bahay at hinimok kaming mag-aral ng Bibliya. Ibinahagi niya sa amin ang maraming teksto at turo ng Bibliya. Nakinig kaming lahat​—ako, si Itay, Inay, isa sa mga kapatid kong lalaki, kapatid kong babae at ang kaniyang kaibigan na nakatira sa amin. Tumagal nang maghapon hanggang kalaliman ng gabi ang aming usapan. Marami kaming tanong.

Doon na natulog sa amin si Anatolio at nanatili hanggang kinabukasan. Tuwang-tuwa kami sa aming narinig at lalo kaming natuwa nang ang aming mga tanong ay sinagot mula sa Bibliya. Napakalaki ng epekto nito sa amin. Pinag-isipan namin ang aming natutuhan, at alam naming ito na ang katotohanan. Nag-iwan sa amin si Anatolio ng ilang magasin at aklat na salig sa Bibliya. Sa gabi, binabasa at pinag-aaralan ng buong pamilya ang mga publikasyong iyon. Mahirap ito para sa amin, kasi wala kaming kuryente. Bago kami mag-aral, ang bawat isa sa amin ay kukuha ng isang malaking sako ng patatas at itatakip sa aming mga paa at binti upang hindi kami kagatin ng mga lamok.

Makalipas ang anim na buwan, lima sa aming pamilya ang nabautismuhan, kasama na ako at ang aking mga magulang. Sabik na sabik kaming mangaral sa bahay-bahay upang ibahagi sa iba ang aming natutuhan. Dalawang oras kaming naglalakad at kung minsa’y sumasakay sa kabayo papunta sa bayan ng Carrillo upang makasama ang isang grupo ng mga Saksi ni Jehova roon. Patuloy na dumadalaw sa aming bahay si Anatolio para turuan kami ng Bibliya. Pagkatapos, nagsaayos ng pagpupulong sa aming bahay, at mga walo katao ang dumadalo. Lahat sila nang maglaon ay nabautismuhan. Ang grupong iyon ay naging isang maliit na kongregasyon ng mga 20 katao.

Buong Panahon sa Gawain ng Diyos

Nang maglaon, inanyayahan ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Costa Rica ang sinuman na may kakayahang makibahagi sa buong-panahong pangangaral. Noong 1957, tinanggap ko ang paanyaya at naging buong-panahong ministro. Masayang-masaya ako sa gawaing ito. Kadalasa’y naglalakad akong mag-isa nang ilang oras upang marating ang mga tao sa baryo. Kung minsan, hindi ako pinatutuloy ng mga tao. Natatandaan kong mga tatlong beses akong pinagbantaan ng mga lalaking may hawak na itak, pilit na inaalam kung sino ako at ano ang ginagawa ko roon.

Noong dekada ng 1950, wala pang mga kalsada, kaya mahirap puntahan ang mga tao. Upang marating ang ilang lugar, kailangan naming sumakay sa kabayo. Tumatawid kami sa mga ilog at kung minsan ay sa labas lamang kami natutulog. Napakaraming lamok. Kailangan din kaming mag-ingat sa mga ahas at buwaya. Sa kabila nito, nasisiyahan akong tulungan ang mga tao na matuto tungkol sa Diyos na Jehova. Pag-uwi ko, masaya ako dahil naibahagi ko sa iba ang katotohanan mula sa Bibliya. Habang nangangaral ako at nag-aaral ng Bibliya araw-araw, patuloy na lumago ang pag-ibig ko sa Diyos na Jehova, at lalo akong napalapít sa kaniya.

Nang maglaon, binigyan ako ng karagdagang atas. Sa loob ng mahigit sampung taon, naglingkod ako bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa, na dumadalaw at nagpapatibay sa mga kapatid sa kongregasyon. Iba’t ibang kongregasyon sa isang lugar ang dinadalaw ko linggu-linggo. Dahil sa sakit, kinailangan kong huminto sa atas na ito. Gayunman, patuloy akong naglingkod sa Diyos nang buong panahon at nasiyahan sa aking ministeryo.

Dumanas ng Trahedya

Nang ako’y nasa Nicoya noong 1971, umuwi ako para dalawin ang aking pamilya. Pagpasok ko sa aming bahay, nakita kong nakahandusay sa sahig ang aking 80-anyos na ina. Binaril siya at sinaksak. Nang hawakan ko siya, humihinga pa siya. Pero namatay rin siya sa aking mga bisig. Nilibot ko ang buong bahay, at naroon sa sahig sa kusina ang aming kusinera, na walong-buwang buntis. Patay rin siya. Nakita ko ring patay sa may pasilyo ang isang Saksing tagaroon at ang anak na lalaki ng kusinera sa may banyo. Silang lahat ay walang-awang sinaksak at binaril. Sino kaya ang gumawa ng kakila-kilabot na bagay na ito, at sa anong dahilan?

Paglabas ko, nakita ko si Itay. Binaril siya sa ulo pero buháy pa siya! Dali-dali akong pumunta sa bahay ng kapatid kong lalaki, na mga 15 minuto ang layo. Pagdating ko roon, nakita ko ang isa pang babae at ang kaniyang anak na lalaki na pinatay rin. Laking gulat ko nang malaman kong ang aking 17-anyos na pamangkin pala, na hindi Saksi ni Jehova at may sakit sa isip, ang gumawa ng lahat ng ito! Tumakas siya. Sinimulan ang pinakamalawak na paghahanap sa isang kriminal sa kasaysayan ng Costa Rica.

Napabalita ito sa buong bansa. Pagkalipas ng pitong araw, nakita ng mga pulis ang salarin, na may hawak na malaking kutsilyo at isang baril na kalibre .22 na ibinenta sa kaniya kahit na alam nitong siya ay may diperensiya sa isip. Habang hinuhuli ang pamangkin ko, siya ay nabaril at napatay.

Noong pinaghahanap pa ang salarin, maraming nagpayo sa akin na umalis na sa lugar na iyon dahil baka balikan ako ng aking pamangkin. Idinalangin ko ito dahil naisip kong samahan ang natitira kong kapamilya at mga kakongregasyon. Kaya nanatili ako roon.

Sunud-sunod na Trahedya

Nakalulungkot, isang taon lamang nabuhay si Itay. Nang sumunod na taon, ang aking kapatid na babae, na isang tapat na lingkod ng Diyos na Jehova, ay pinatay sa isang hiwalay na insidente. Muli na namang nabigla ang lahat ng kamag-anak ko dahil namatayan na naman kami. Hindi mailalarawan ang pangungulila at kalungkutan na naranasan namin at ng aming mga kaibigan. Sa lahat ng ito, lubusan akong nagtiwala kay Jehova at patuloy na humingi sa kaniya ng lakas.

Noong 1985, dumalo ako sa tatlong-araw na pagsasanay para sa Kristiyanong mga elder sa San José, ang kabiserang lunsod. Nang matapos ang klase, napatibay ako sa espirituwal. Maaga noong Lunes ng umaga, naglakad ako papunta sa terminal ng bus para umuwi sa amin. Pero sinalakay ako ng mga maton, sinakal nila ako at pinagnakawan. Ang bilis ng pangyayari kaya hindi ko nakita ang mga mukha nila. Dahil sa pagkakasakal sa akin, hindi na ako makasigaw gaya ng karaniwang pagbati ng mga taga-Costa Rica. Dito sa probinsiya ng Guanacaste, sumisigaw ang mga lalaki para batiin ang isa’t isa o basta ipaalam ang kanilang pagkanaroroon. Magaling akong sumigaw, pero ngayon, hindi ko na ito magawa.

Noong 1979, nagpakasal kami ni Celia, isang kapuwa Saksi mula sa kalapít na kongregasyon. Mahal ni Celia ang Bibliya. Araw-araw naming binabasa at pinag-aaralan nang magkasama ang Bibliya. Nakalulungkot, namatay siya noong Hulyo 2001, dahil sa kanser. Kung minsan nalulungkot ako, pero napalalakas ako ng pag-asa ng pagkabuhay-muli.​—Juan 5:28, 29.

Masaya sa Kabila ng mga Pagsubok

Bagaman mas marami akong dinanas na trahedya kaysa sa maraming tao, ang mga pagsubok na ito’y itinuturing kong mga pagkakataon para patunayan ang aking pananampalataya at katapatan kay Jehova. (Santiago 1:13) Para mapanatili ko ang timbang na pangmalas sa aking mga naranasan, ipinaaalaala ko sa aking sarili na ang “panahon at ang di-inaasahang pangyayari” ay sumasapit sa ating lahat. (Eclesiastes 9:11) Alam ko rin na ngayon ay “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan,” dahil ang mga tao ay mabangis, marahas, at walang pagpipigil sa sarili. (2 Timoteo 3:1-5) Natatandaan ko rin ang halimbawa ni Job. Sa kabila ng lahat ng kaniyang pagdurusa​—pagkamatay ng kaniyang mga anak, pagkakasakit, at pagkawala ng kabuhayan​—may-katatagang sinabi ni Job: “Patuloy na pagpalain ang pangalan ni Jehova.” At saganang pinagpala ni Jehova si Job dahil sa kaniyang katapatan. (Job 1:13-22; 42:12-15) Lahat ng kaisipang ito mula sa Bibliya ay tumulong sa akin na manatiling maligaya sa kabila ng maraming pagsubok.

Lagi akong tinutulungan ni Jehova na patuloy siyang unahin sa aking buhay. Ang pagbabasa ng Bibliya araw-araw ay malaking kaaliwan sa akin at nagpapalakas sa akin na magbata. Sa pamamagitan ng pananalangin kay Jehova, nagkakaroon ako ng “kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan.” (Filipos 4:6, 7) Dahil dito, mayroon akong kapayapaan ng isip. Napatitibay rin ang aking pananampalataya sa pagdalo at pakikibahagi sa mga pulong Kristiyano.​—Hebreo 10:24, 25.

Bagaman matanda na ako, nagpapasalamat ako kay Jehova dahil may lakas pa rin akong gumawang kasama ng aking mga kapuwa Kristiyano, magturo ng Bibliya sa iba, at makibahagi sa ministeryo. Sa paggawa nito, may lakas akong harapin ang kalungkutan. Taos-puso akong nagpapasalamat kay Jehova sa kabila ng maraming trahedya sa aking buhay. *

[Talababa]

^ par. 26 Dalawang taon matapos isalaysay ang kuwento ng kaniyang buhay, namatay si Enrique Caravaca Acosta sa edad na 90.

[Blurb sa pahina 20]

Ang pagbabasa ng Bibliya araw-araw ay malaking kaaliwan sa akin at nagpapalakas sa akin na magbata

[Larawan sa pahina 19]

Isa sa mga una kong pahayag sa Bibliya

[Larawan sa pahina 20]

Sa ministeryo sa larangan noong bata pa ako