Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Talaga Bang May Nagmamalasakit sa Akin?

Talaga Bang May Nagmamalasakit sa Akin?

Talaga Bang May Nagmamalasakit sa Akin?

Nadama mo na bang nag-iisa ka at hindi mo alam ang gagawin mo, anupat parang walang nakaiintindi sa mga problemang dinaranas mo? At kahit alam ito ng iba, pakiramdam mo’y wala silang malasakit sa iyo.

KAPAG may problema, ang buhay natin ay parang laging binabagyo. Baka masabi pa nga natin kung minsan na napakatindi at hindi makatarungan ang dinaranas natin anupat hindi na natin ito kaya. Ganiyan ang kadalasang nangyayari kapag masyadong nasaktan ang ating damdamin, nakaranas tayo ng depresyon, nakapanghihinang aksidente, malubhang sakit, o mga tulad nito. Parang hindi natin alam ang ating gagawin at nawawalan tayo ng pag-asa anupat iniisip natin kung saan tayo makasusumpong ng kaaliwan. Talaga bang may nagmamalasakit sa atin?

Nagmamalasakit “ang Diyos ng Buong Kaaliwan”

Sa Bibliya, inilalarawan ang Diyos bilang “ang Ama ng magiliw na kaawaan at ang Diyos ng buong kaaliwan.” (2 Corinto 1:3) Alam ng Diyos na Jehova na kailangan natin ng kaaliwan. Ginagamit ng Bibliya ang iba’t ibang anyo ng salitang “kaaliwan” nang mahigit daan-daang ulit, anupat tinitiyak sa atin na hindi lamang nauunawaan ng Diyos ang nararanasan natin kundi gusto rin niya tayong aliwin. Ang kaalamang ito ang kumukumbinsi sa atin na kahit na parang walang malasakit ang iba, nauunawaan, o nagmamalasakit sa atin ang Diyos na Jehova.

Malinaw na makikita mula sa Kasulatan na nagmamalasakit si Jehova sa bawat tao. Sinasabi ng Bibliya: “Ang mga mata ni Jehova ay nasa lahat ng dako, nagbabantay sa masasama at sa mabubuti.” (Kawikaan 15:3) Mababasa rin natin sa Job 34:21: “Ang kaniyang mga mata ay nasa mga lakad ng tao, at ang lahat ng hakbang nito ay nakikita niya.” Nakikita ni Jehova ang ginagawa natin​—mabuti man o masama​—at alam niya ang ating kalagayan, para magawa niya kung ano ang nararapat. Pinatutunayan ito ng sinabi ni Hanani na tagakita, o propeta, kay Haring Asa ng Juda: “Kung tungkol kay Jehova, ang kaniyang mga mata ay lumilibot sa buong lupa upang ipakita ang kaniyang lakas alang-alang sa mga may pusong sakdal sa kaniya.”​—2 Cronica 16:7, 9.

Binabantayan tayo ni Jehova sa isa pang dahilan. Sinabi ni Jesus: “Walang taong makalalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama, na nagsugo sa akin.” (Juan 6:44) Gayon na lamang ang pagmamalasakit ni Jehova kaya sinusuri niya ang puso ng isa upang makita kung interesado siyang makilala si Jehova nang higit. Kung interesado siya, tutulungan Niya siya sa kahanga-hangang paraan. Halimbawa, isang babae sa Dominican Republic ang nasa ospital at ooperahan dahil sa kanser. Nagsumamo siya sa Diyos na tulungan siyang makita ang tunay na relihiyon. Nang sandali ring iyon, dinalhan siya ng kaniyang asawa ng brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? * na ibinigay ng isang Saksi ni Jehova na nakausap nito sa kanilang bahay nang umagang iyon. Binasa ng babae ang brosyur at naisip niyang ito ang sagot ng Diyos sa kaniyang panalangin. Pumayag siyang makipag-aral ng Bibliya sa Saksi, at wala pang anim na buwan, inialay niya ang kaniyang buhay sa Diyos at nagpabautismo.

Sa aklat ng Bibliya na Mga Awit, mababasa natin ang maraming nakaaantig-damdaming pananalita ng sinaunang mga salmistang Hebreo, tulad ni Haring David, na naglalarawan sa maibiging pangangalaga ni Jehova sa kaniyang mga lingkod. Sa Awit 56:8, mababasa natin ang pagsusumamo ni Haring David sa Diyos: “Ilagay mo ang aking mga luha sa iyong sisidlang balat. Hindi ba nasa iyong aklat ang mga iyon?” Ipinakikita nito na batid ni David na nalalaman ni Jehova hindi lamang ang kaniyang paghihirap kundi pati na rin ang kaniyang nadarama. Alam na alam ni Jehova ang kirot na nadarama ni David na naging dahilan ng kaniyang pagluha. Oo, binabantayan ng ating Maylalang ang lahat ng taong nagsisikap gawin ang kaniyang kalooban, “mga [taong] may pusong sakdal sa kaniya.”

Ang isa pang teksto sa Bibliya na naglalarawan sa maibiging pangangalaga ng Diyos ay ang nasa ika-23 Awit na pamilyar sa atin. Sa panimulang pananalita, itinulad ang Diyos sa isang maibiging pastol: “Si Jehova ang aking Pastol. Hindi ako kukulangin ng anuman.” Inaalagaan ng isang pastol sa Gitnang Silangan ang bawat isa sa kaniyang mga tupa, binibigyan pa nga ng pangalan ang bawat isa. Araw-araw, ang bawat tupa ay tinatawag niya, maibiging hinahaplos, at tinitingnan kung ito ba ay may sugat o pilay. Kung mayroon, nilalagyan niya ito ng langis para mabilis itong gumaling. Kung ang tupa ay may sakit, sisikapin ng pastol na painumin ito ng gamot, anupat hahawakan ito para hindi ito humiga at mamatay. Isa nga itong mainam na ilustrasyon kung paano pinangangalagaan ni Jehova ang mga lumalapit sa kaniya.

Ang Panalangin at Pagkabuhay-Muli​—Katibayan na Nagmamalasakit ang Diyos

Ang mga ito at ang iba pang magagandang awit ay hindi napaulat sa Bibliya para lamang masiyahan tayo sa pagbabasa. Ipinakikita nito sa atin kung paano ipinahayag ng tapat na mga lingkod ng Diyos ang kanilang niloloob kay Jehova para humingi ng tulong at magpasalamat sa Kaniyang patnubay at mga pagpapala. Maliwanag na ipinakikita ng mga pananalitang iyon na taimtim na naniniwala ang sinaunang mga lingkod na iyon ng Diyos na nagmamalasakit ang Diyos sa kanila. Ang pagbabasa at pagbubulay-bulay ng kanilang taos-pusong mga pananalita ay makatutulong sa atin na gayundin ang madama tungkol sa Diyos. Ang panalangin ay isang matibay na ebidensiya na nagmamalasakit ang Diyos.

Pero kung minsan, punung-punô tayo ng problema anupat hindi na tayo makapanalangin tungkol dito. Dahil ba diyan ay hindi na malalaman ni Jehova ang ating problema? Ganito ang sagot ng Roma 8:26: “Ang espiritu ay sumasama rin na may tulong para sa ating kahinaan; sapagkat ang suliranin ng kung ano ang dapat nating ipanalangin ayon sa ating pangangailangan ay hindi natin alam, ngunit ang espiritu mismo ang nakikiusap para sa atin na may mga daing na di-mabigkas.” Sinasabi sa atin ng tekstong ito na ang mga panalangin ng mga lingkod ng Diyos noon ay maaaring magsiwalat ng atin mismong nadarama. Ang gayong mga panalangin ay pinakikinggan ni Jehova, ang “Dumirinig ng panalangin.”​—Awit 65:2.

Ang pag-asang pagkabuhay-muli ay isa pang nakakukumbinsing katibayan ng pagmamalasakit ng Diyos sa bawat isa. Sinabi ni Jesu-Kristo: “Ang oras ay dumarating na ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng . . . tinig [ni Jesus] at lalabas.” (Juan 5:28, 29) Ang terminong Griego na ginamit dito ay wastong isinalin na “mga alaalang libingan” sa halip na basta “libingan.” Ipinahihiwatig nito na naaalaala ng Diyos ang naging buhay ng taong namatay.

Isipin ito: Upang buhaying muli ang isa, kailangang alam ng Diyos ang lahat ng bagay tungkol sa taong iyon​—ang kaniyang hitsura, ugali, at ang lahat ng nasa alaala niya! (Marcos 10:27) Nasa alaala ng Diyos ang taong iyon kahit lumipas pa ang libu-libong taon. (Job 14:13-15; Lucas 20:38) Kaya ang lahat ng impormasyon hinggil sa bilyun-bilyong namatay ay nasa alaala ng Diyos na Jehova​—nakakukumbinsing katibayan na nagmamalasakit ang Diyos sa bawat isa sa atin!

Si Jehova ay Tagapagbigay-Gantimpala

Ano ang dapat nating gawin upang madama ang maibiging pangangalaga at pagmamalasakit ng Diyos? Una sa lahat, dapat tayong magtiwala at sumunod sa kaniya, anupat ipinakikitang may pananampalataya tayo sa kaniya. Binanggit ni apostol Pablo ang kaugnayan ng pananampalataya at pagmamalasakit ng Diyos. Sumulat siya: “Kung walang pananampalataya ay imposibleng palugdan siya nang lubos, sapagkat siya na lumalapit sa Diyos ay dapat na maniwala na siya nga ay umiiral at na siya ang nagiging tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya.”​—Hebreo 11:6.

Pansinin na ang uri ng pananampalataya na nakalulugod sa Diyos ay may dalawang aspekto. Una, dapat tayong “maniwala na siya nga ay umiiral,” ibig sabihin, dapat tayong maniwala na may Diyos at na siya ang ating Kataas-taasang Tagapamahala, na nararapat nating sundin at sambahin. Ikalawa, dapat tayong maniwala na siya ang “tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya.” Kasali sa tunay na pananampalataya ang paniniwala na ang Diyos ay interesado sa kapakanan ng lahat ng may-pananabik na gumagawa ng kalooban niya at na ginagantimpalaan niya sila. Sa pag-aaral ng Salita ng Diyos at pakikisama sa mga sumusunod sa kaniya, maaari ka ring magkaroon ng uri ng pananampalataya na magdudulot sa iyo ng gantimpala at maibiging pangangalaga ng Diyos.

Marami ang naniniwala ngayon na walang malasakit ang Diyos sa mga tao. Pero gaya ng nakita natin, maliwanag na ipinakikita ng Bibliya na lubhang nagmamalasakit ang Diyos sa mga taong may tunay na pananampalataya sa kaniya. Kahit na ang buhay ngayon ay kadalasang punô ng problema, pangamba, kabiguan, at kirot, hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa. Talagang nagmamalasakit ang Diyos na Jehova. Sa katunayan, maibigin niya tayong inaanyayahan na humingi sa kaniya ng tulong. “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova, at siya ang aalalay sa iyo,” ang sabi ng salmista. “Hindi niya kailanman ipahihintulot na ang matuwid ay makilos.”​—Awit 55:22.

[Talababa]

^ par. 7 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Kahon/Larawan sa pahina 29]

Mga Tekstong Magpapatibay sa Iyong Pananampalataya na Maibigin Kang Pinangangalagaan ng Diyos

“Kung tungkol kay Jehova, ang kaniyang mga mata ay lumilibot sa buong lupa upang ipakita ang kaniyang lakas alang-alang sa mga may pusong sakdal sa kaniya.”​—2 CRONICA 16:9

“Ilagay mo ang aking mga luha sa iyong sisidlang balat. Hindi ba nasa iyong aklat ang mga iyon?”​—AWIT 56:8

“Si Jehova ang aking Pastol. Hindi ako kukulangin ng anuman.”​—AWIT 23:1

“O Dumirinig ng panalangin, sa iyo nga ay paroroon ang mga tao mula sa lahat ng laman.”​—AWIT 65:2

“Ikaw ay tatawag, at ako ay sasagot sa iyo. Ang gawa ng iyong mga kamay ay mimithiin mo.”​—JOB 14:15

“Siya na lumalapit sa Diyos ay dapat na maniwala na siya nga ay umiiral at na siya ang nagiging tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya.”​—HEBREO 11:6

“Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova, at siya ang aalalay sa iyo. Hindi niya kailanman ipahihintulot na ang matuwid ay makilos.”​—AWIT 55:22