Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maaari Bang Maintindihan ang Bibliya?

Maaari Bang Maintindihan ang Bibliya?

Maaari Bang Maintindihan ang Bibliya?

“Binabasa ng aming pamilya ang Bibliya tuwing Linggo. Pero hindi ako masyadong interesado rito. Naniniwala akong Salita ng Diyos ang Bibliya, pero napakahirap nitong intindihin.”​—Steven, Britanya.

“Noong 17 anyos ako, sinubukan kong basahin ang Bibliya. Hindi ko ito maintindihan, kaya inihinto ko na ang pagbabasa.”​—Valvanera, Espanya.

“Nagbasa ako noon ng Bibliya. Iniisip ko kasi na bilang isang Katoliko, dapat ko itong basahin. Natapos ko itong basahin sa loob ng tatlong taon! Pero halos wala akong naintindihan.”​—Jo-Anne, Australia.

ANG Bibliya pa rin ang pinakapopular na aklat sa buong daigdig. Ito pa rin ang pinakamabiling aklat dahil makukuha ito ng mas maraming tao, sa mas maraming wika, at sa mas maraming format gaya ng audio tape, CD, at DVD. Gayunman, marami ang nahihirapan na maintindihan ang kanilang Bibliya. Ganiyan ka rin ba?

Gusto ba ng Diyos na Maintindihan Natin ang Kaniyang Salita?

“Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos,” ang sabi ng Bibliya. (2 Timoteo 3:16) Oo, ang Diyos na Jehova ang Awtor ng Bibliya. Gusto ba niyang maintindihan natin ang kaniyang Salita? O sinadya ba niyang maintindihan lamang ito ng ilan, gaya ng mga klerigo at mga iskolar ng Bibliya?

Isaalang-alang ang sumusunod na mga teksto sa Bibliya:

“Ang utos na ito na iniuutos ko sa iyo ngayon ay hindi napakahirap para sa iyo, ni malayo man ito.”​—Deuteronomio 30:11.

“Ang mismong pagbubunyag ng iyong mga salita ay nagbibigay ng liwanag, na nagpapaunawa sa mga walang-karanasan.”​—Awit 119:130.

“Nang mismong oras na iyon ay nag-umapaw [si Jesus] sa kagalakan sa banal na espiritu at sinabi: ‘Hayagan kitang pinupuri, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat maingat mong ikinubli ang mga bagay na ito mula sa marurunong at matatalino, at isiniwalat ang mga ito sa mga sanggol.’”​—Lucas 10:21.

Kaya gusto ng Awtor ng Bibliya na maintindihan mo ang kaniyang Salita! Gayunman, marami pa ring taimtim na mga tao ang nahihirapang maintindihan ang aklat na ito. Ano ang makatutulong? Ang susunod na mga artikulo ay may tatlong mungkahi na makatutulong sa iyo na maintindihan ang Bibliya.