Alam Mo Ba?
Alam Mo Ba?
Sino ang mga eskriba na sumalansang kay Jesus?
Sa pangangaral ni Jesus, may nakausap siyang mga eskriba hindi lamang sa Jerusalem kundi sa maliliit na bayan at nayon din. Sa labas ng Jerusalem—at maging sa mga pamayanang Judio sa labas ng Palestina—ang gayong mga lalaki ay mabababang opisyal, bihasa sa Kautusan, na maaaring mga tagakopya o mga hukom sa lugar na iyon.—Marcos 2:6; 9:14; Lucas 5:17-21.
Sa Jerusalem, ang mga eskriba ay nagtatrabaho sa pamahalaan ng mga Judio. (Mateo 16:21) Ayon sa The Anchor Bible Dictionary, sila ay “waring mga kasama ng mga saserdote, kapuwa sa paghatol sa hukuman at sa pagpapatupad ng kaugalian at batas ng mga Judio, at sa gawain sa Sanedrin.” Bilang prominenteng mga guro ng Kautusan, ang ilan sa mga eskriba ay miyembro ng Sanedrin, o mataas na hukuman ng mga Judio. Naglilingkod sila roon kasama ng matataas na saserdote at mga Pariseo.
Madalas na binabanggit sa Bibliya ang mga eskriba bilang mga kaaway ni Jesus. Pero hindi lahat ay salansang sa kaniya. Halimbawa, isang eskriba ang nagsabi kay Jesus: “Guro, susundan kita saan ka man pumaroon.” Sinabi naman ni Jesus sa isa pa: “Hindi ka malayo sa kaharian ng Diyos.”—Mateo 8:19; Marcos 12:28-34.
Ano ang ibig sabihin ng pagiging pinahiran ng isang tao?
Sa Gitnang Silangan noong panahon ng Bibliya, ang pagpapahid ng langis sa ulo ng isa ay tanda ng pagsang-ayon sa kaniya o bilang pagpapakita ng pagkamapagpatuloy sa isang bisita. Karaniwan na, ang langis na ginagamit ay langis ng olibo na nilagyan ng pabango. Ang mga Hebreo ay nagbubuhos din ng langis sa ulo ng isa, o pinapahiran siya, kapag opisyal siyang hinirang sa isang pantanging posisyon ng awtoridad. Halimbawa, pinahiran si Aaron nang siya ay hirangin bilang mataas na saserdote. (Levitico 8:12) Sa kaso naman ni Haring David, “kinuha ni Samuel ang sungay ng langis at pinahiran siya . . . , at ang espiritu ni Jehova ay nagsimulang kumilos kay David magmula nang araw na iyon.”—1 Samuel 16:13.
Sa wikang Hebreo, ang terminong ginagamit sa gayong pagpapahid ay ma·shachʹ, na pinagmulan ng salitang ma·shiʹach, o Mesiyas. Ang salitang Griego naman nito ay khriʹo, na pinagmulan ng khri·stosʹ, o Kristo. Kaya sina Aaron at David ay maaaring tawaging mesiyas, o pinahiran. Si Moises ay tinawag ding kristo, o pinahiran, sa diwa na hinirang siya ng Diyos na maglingkod bilang Kaniyang kinatawan.—Hebreo 11:24-26.
Si Jesus ng Nazaret ay hinirang mismo ng Diyos sa isang napakataas na posisyon ng awtoridad. Sa halip na pahiran ng literal na langis, si Jesus ay pinahiran ng banal na espiritu ng Diyos. (Mateo 3:16) Bilang ang Pinahiran na pinili ni Jehova, angkop lamang tawagin si Jesus na Mesiyas, o Kristo.—Lucas 4:18.