Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mabuti ba ang Lahat ng Relihiyon

Mabuti ba ang Lahat ng Relihiyon

NABUBUHAY tayo sa isang daigdig na napakaraming relihiyon. Ayon sa isang surbey kamakailan, may 19 na malalaking relihiyon at mga 10,000 maliliit na relihiyon sa buong daigdig. Higit kailanman, napakaraming mapagpipiliang relihiyon ang mga tao sa ngayon. Kaya mahalaga ba kung ano ang pipiliin mo?

Sinasabi ng ilan na ang iba’t ibang relihiyon ay gaya ng iba’t ibang daan patungo sa isang bundok. Para sa kanila, hindi mahalaga kung aling daan ang pipiliin nila dahil lahat naman ay patungo sa iisang lugar. Ikinakatuwiran nila na may isa lamang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, kaya lahat ng relihiyon ay tiyak na patungo sa kaniya.

Patungo ba sa Diyos ang Lahat ng Relihiyon?

Ano ang sinabi ni Jesu-Kristo, isa sa pinakaiginagalang na guro ng relihiyon sa kasaysayan, hinggil dito? “Pumasok kayo sa makipot na pintuan,” ang sabi niya sa kaniyang mga alagad. Bakit? “Sapagkat maluwang ang pintuan at malapad ang daang patungo sa kapahamakan, at ito ang dinaraanan ng marami. Ngunit makipot ang pintuan at makitid ang daang patungo sa buhay, at kakaunti lang ang nakasusumpong niyon.”​—Mateo 7:13, 14, Magandang Balita Biblia.

Talaga bang sinabi ni Jesus na may ilang relihiyon na patungo “sa kapahamakan”? O itinuro ba niya na yaon lamang hindi naniniwala sa Diyos ang nasa malapad na daan, samantalang ang mga naniniwala sa Diyos​—anuman ang kanilang relihiyon​—ay nasa makitid na daang patungo sa buhay?

Pagkatapos banggitin ni Jesus na mayroon lamang dalawang daan, sinabi niya: “Mag-ingat kayo sa mga bulaang propeta. Lumalapit sila sa inyo na animo’y tupa, ngunit ang totoo’y mga lobong maninila.” (Mateo 7:15, Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino) Nang maglaon, sinabi niya: “Hindi lahat ng tumatawag sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi yaon lamang sumusunod sa kalooban ng aking Amang nasa langit.” (Mateo 7:21, Magandang Balita Biblia) Kung ang isa ay tinatawag na propeta o inaangkin niyang si Jesus ay kaniyang “Panginoon,” makatuwirang sabihin na siya ay isang taong relihiyoso, sa halip na sabihing hindi siya naniniwala sa Diyos. Kung gayon, maliwanag na nagbababala si Jesus na hindi mabuti ang lahat ng relihiyon at na hindi dapat pagkatiwalaan ang lahat ng guro ng relihiyon.

Posible Bang Masumpungan ang Makitid na Daan?

Yamang hindi lahat ng daan ay patungo sa Diyos, paano natin makikita sa libu-libong mapagpipilian ang makitid na daang patungo sa buhay? Narito ang isang ilustrasyon: Halimbawang naligaw ka sa isang malaking lunsod. Humingi ka ng tulong. Siguradung-sigurado ang isang tao nang sabihin niya sa iyo na pumunta ka sa silangan. Ang isa naman ay nagsabi sa iyo na pumunta ka sa kanluran. Pero may isa pang nagsabi sa iyo na piliin mo ang sa palagay mo’y pinakamabuti para sa iyo. Pagkatapos, isang manlalakbay ang naglabas ng isang mapananaligang mapa at ipinakita sa iyo ang tamang daan. Ibinigay niya sa iyo ang mapa para magamit mo. Hindi ba mas nakatitiyak ka na mararating mo ang iyong pupuntahan?

Ganiyan din sa pagpili ng tamang daan o relihiyon. Kailangan natin ng isang mapananaligang mapa, wika nga, bilang patnubay. Mayroon ba nito? Oo, mayroon. Ang mapang iyon ay ang Bibliya, na nagsasabi: “Lahat ng kasulata’y kinasihan ng Diyos at magagamit sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagpapabulaan sa maling aral, sa pagtutuwid sa likong gawain, at sa pag-akay sa matuwid na pamumuhay.”​—2 Timoteo 3:16, Magandang Balita Biblia.

Malamang na may makukuha kang Bibliya sa iyong wika na magagamit mo bilang patnubay. Ang mga tagapaglathala ng magasing ito, ang mga Saksi ni Jehova, ay naglilimbag ng mapananaligang salin ng Bibliya​—ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan. Pero kung hindi ka isang Saksi ni Jehova, baka mas gusto mong gamitin ang ibang mga salin ng Bibliya kapag pinag-iisipan mo ang tungkol sa pagkilala sa mabuti at masamang relihiyon. Kaya ang mga artikulo sa seryeng ito ay sumisipi mula sa maraming salin ng Bibliya na ginagamit ng ibang mga relihiyon.

Habang binabasa mo ang kasunod na mga artikulo, ihambing ang nalalaman mo sa kung ano ang sinasabi ng Bibliya. Tandaan ang mga salita ni Jesus kung paano natin makikilala ang mabuti at masamang relihiyon. Sinabi niya: “Namumunga ng mabuti ang mabuting puno, at namumunga naman ng masama ang masamang puno. Hindi makapamumunga ng masama ang mabuting puno, at ang masamang puno naman ay hindi makapamumunga ng mabuti.” (Mateo 7:17, 18, Biblia ng Sambayanang Pilipino) Isaalang-alang natin ang tatlo lamang sa mabubuting bunga na ayon sa Bibliya ay pagkakakilanlan ng “mabuting puno.”