Turuan ang Iyong mga Anak
Nakinig si Rahab sa Balita
IPAGPALAGAY nang nabubuhay tayo mga 3,500 taon na ang nakalipas. Nasa lunsod tayo ng Jerico, sa lupain ng Canaan. Dito nakatira ang babaing nagngangalang Rahab. Ipinanganak siya pagkatapos akayin ni Moises ang mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Ehipto patawid sa Dagat na Pula sa tuyong lupa! Walang radyo, telebisyon, o Internet noon, pero alam ni Rahab ang tungkol sa himalang ito—kahit na nangyari ito sa isang lugar na napakalayo sa tinitirhan niya. Alam mo ba kung paano niya nalaman ang tungkol dito?— *
Walang-alinlangang ikinuwento ng mga manlalakbay ang mga himalang ito. Habang lumalaki si Rahab, naaalaala niya ang ginawa ni Jehova para sa Israel. At may iba pa siyang narinig na kamangha-manghang mga bagay tungkol sa kanila. Pagkatapos ng 40 taon sa ilang, pumasok sila sa Canaan, at tinutulungan sila ng Diyos na talunin ang sinumang sumasalansang sa kanila. Nalaman ngayon ni Rahab na ang mga Israelita ay nagkakampo sa ibayo ng Ilog Jordan sa harap lamang ng Jerico!
Isang gabi, dalawang estranghero ang pumunta kay Rahab dahil alam nilang nagtatrabaho siya kung saan maaaring tumuloy ang mga bisita. Kaya pinatuloy niya sila. Nang gabing iyon, nalaman ng hari ng Jerico na may dumating na mga espiyang Israelita at nagpunta sila sa bahay na pinagtatrabahuhan ni Rahab. Kaya nagpadala ang hari ng mga mensahero kay Rahab, at sinabi sa kaniya na ilabas niya ang mga lalaking pumaroon sa kaniya. Alam mo ba kung ano ang nalaman ni Rahab at ano ang ginawa niya hinggil dito?—
Buweno, bago pa dumating ang mga mensahero ng hari, nalaman na ni Rahab na mga espiyang Israelita ang bisita niya. Kaya itinago niya sila sa bubungan, at sinabi niya sa mga mensahero ng hari: “Oo, ang mga lalaki ay pumarito sa akin . . . At nangyari nga na sa pagsasara ng pintuang-daan nang magdilim ay lumabas ang mga lalaki.” Sinabi sa kanila ni Rahab: “Habulin ninyo silang madali.”
Bakit kaya pinrotektahan ni Rahab ang mga espiya?— Ipinaliwanag niya kung bakit: “Alam ko na tiyak na ibibigay sa inyo ni Jehova ang lupain . . . Sapagkat narinig namin kung paanong tinuyo ni Jehova ang tubig ng Dagat na Pula mula sa
harap ninyo nang lumabas kayo mula sa Ehipto.” Nabalitaan din niya ang iba pang mga tagumpay na ibinigay ng Diyos sa mga Israelita laban sa kanilang mga kaaway.Tiyak na natuwa si Jehova kay Rahab dahil pinrotektahan niya ang mga espiya, gaya ng sinasabi sa atin ng Hebreo 11:31. Natuwa rin Siya nang hilingin ni Rahab sa mga espiya: ‘Naging mabait ako sa inyo, kaya pakisuyo, ipangako ninyo sa akin na kapag nasakop ninyo ang Jerico, ililigtas ninyo ang aking ama at ina at mga kapatid.’ Nangako ang mga espiya na gagawin nila ito kung susundin ni Rahab ang kanilang mga tagubilin. Alam mo ba kung anu-ano ito?—
‘Kunin mo ang panaling pula na ito at itali mo ito sa iyong bintana,’ ang sabi ng mga espiya, ‘at tipunin mo ang lahat ng iyong kamag-anak sa iyong bahay. Kung gagawin mo ito, maliligtas ang lahat ng naroon.’ Gayung-gayon ang ginawa ni Rahab. Alam mo ba kung ano ang sumunod na nangyari?—
Dumating ang mga Israelita sa labas ng pader ng Jerico. Minsan sa isang araw, sa loob ng anim na araw, nagmartsa sila nang tahimik sa palibot ng lunsod. Noong ikapitong araw, pitong beses silang nagmartsa sa palibot ng lunsod at saka sila sumigaw nang malakas. Bumagsak ang pader—maliban sa lugar kung saan nakasabit sa bintana ang panaling pula! Naligtas si Rahab at ang kaniyang pamilya.—Josue 2:1-24; 6:1-5, 14, 15, 20-25.
Ano ang matututuhan natin sa ginawa ni Rahab?— Buweno, hindi lamang siya nakinig sa mga balita tungkol sa ginawa ng Diyos upang protektahan ang kaniyang bayan kundi tinulungan din niya sila nang magkaroon siya ng pagkakataon. Oo, pinili ni Rahab na maglingkod kay Jehova kasama ng kaniyang bayan! Gagawin mo rin ba iyon?— Sana’y gayundin ang gawin mo.
^ par. 3 Kung binabasa mo ito sa mga bata, ang mga gatlang ay nagsisilbing paalaala sa iyo na huminto at hintayin ang kanilang sagot.