Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Ano talaga ang nangyari sa kaban ng tipan?

Para sa mga Israelita, ang kaban ng tipan ay nauugnay sa mismong presensiya ng Diyos. (Exodo 25:22) Isa itong sagradong kaban na yari sa kahoy at binalutan ng ginto kung saan inilagay ni Moises ang dalawang tapyas na bato ng Kautusan. Habang naninirahan sa ilang ang mga Israelita, ang Kaban ay nasa Kabanal-banalang silid ng tolda ng kapisanan. (Exodo 26:33) Nang maglaon ang Kaban ay inilipat sa Kabanal-banalang silid ng templo ni Solomon.​—1 Hari 6:19.

Ang Kaban ay huling nabanggit sa 2 Cronica 35:3 nang ibalik ito ni Haring Josias sa templo noong 642 B.C.E. Ito ay malamang na inalis ng apostatang ninuno ni Josias na si Manases, na naglagay ng imahen sa templo. O marahil inilipat ito para maingatan nang kumpunihin ang templo noong panahon ni Josias. (2 Cronica 33:1, 2, 7; 34:1, 8-11) Kung ano ang nangyari sa Kaban pagkatapos nito ay hindi natin alam, dahil hindi ito kasama sa listahan ng mga gamit na kinuha sa templo nang sakupin ng mga Babilonyo ang Jerusalem noong 607 B.C.E.​—2 Hari 25:13-17.

Hindi sinasabi ng Kasulatan na naibalik ang Kaban sa Kabanal-banalang silid ng templo na muling itinayo ni Zerubabel; ni pinalitan man ito.​—Ezra 1:7-11.

Sinu-sino ang mga lalaki sa Bibliya na tinawag na Santiago?

Apat silang lahat, at ito ay nakalilito. Ang isa ay tatay ng apostol na si Judas (hindi Iscariote), at wala nang binanggit pa tungkol sa kaniya.​—Lucas 6:16; Gawa 1:13.

Ang isa pang Santiago ay anak ni Zebedeo. Si Santiago ay kapatid din ni Juan at pareho silang apostol ni Jesus. (Mateo 10:2) Ang kaniyang ina ay waring si Salome, ang kapatid ng ina ni Jesus. (Ihambing ang Mateo 27:55, 56 sa Marcos 15:40, 41 at Juan 19:25.) Kung gayon, si Santiago ay pinsang buo ni Jesus. Mangingisda siya, at silang magkapatid ay nangingisdang kasama nina Pedro at Andres.​—Marcos 1:16-19; Lucas 5:7-10.

Pagkatapos, nariyan din si Santiago na anak ni Alfeo, at isa ring apostol ni Jesus. (Marcos 3:16-18) Inilarawan siya bilang si “Santiago na Nakabababa” sa Marcos 15:40. Marahil ay tinawag siyang “Nakabababa” dahil mas maliit siya o mas bata kaysa kay Santiago na anak ni Zebedeo.

Ang huli ay ang anak nina Jose at Maria, ang kapatid ni Judas at kapatid ni Jesus sa ina. (Marcos 6:3; Galacia 1:19) Noong panahon ng ministeryo ni Jesus, hindi pa niya alagad si Santiago. (Mateo 12:46-50; Juan 7:5) Pero bago ang Pentecostes 33 C.E., nanalangin si Santiago kasama ng kaniyang ina, mga kapatid, at mga apostol sa isang silid sa itaas sa Jerusalem. (Gawa 1:13, 14) Nang maglaon, si Santiago ay naging prominenteng miyembro ng kongregasyon sa Jerusalem at sumulat ng aklat ng Bibliya na nagtataglay ng kaniyang pangalan.​—Gawa 12:17; Santiago 1:1.