Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Kayamanan ng Pinakamalaking Lawa sa Sentral Amerika

Ang Kayamanan ng Pinakamalaking Lawa sa Sentral Amerika

Ang Kayamanan ng Pinakamalaking Lawa sa Sentral Amerika

BAGAMAN maliit na bansa ang Nicaragua, makikita rito ang pinakamalaking lawa sa Sentral Amerika​—ang Lawa ng Nicaragua. Kapansin-pansin, ang Lawa ng Nicaragua marahil ang tanging tubig-tabang na may mga isdang-dagat na gaya ng mga pating, espada, at buan-buan. Naniniwala ang mga siyentipiko na ang lawang ito ay dating isang look patungo sa karagatan ng Pasipiko ngunit nasarhan ito nang pumutok ang bulkan. Habang nababawasan ang alat ng tubig, nasanay na ang mga isda sa kanilang bagong kapaligiran.

Ang lawa, na mga 160 kilometro ang haba at 70 kilometro ang lapad, ay mga 30 metro ang taas sa kapantayan ng dagat. May mahigit 400 isla sa Lawa ng Nicaragua, mga 300 dito ang nakapalibot sa Asese Peninsula, malapit sa bayan ng Granada sa dulong hilaga ng lawa. Tinatawag itong Maliliit na Isla ng Granada.

Ang pinakamalaking isla sa gitna ng lawa ay ang Isla ng Ometepe. Mga 25 kilometro ang haba at 13 kilometro ang lapad, ang Ometepe ay binubuo ng dalawang bulkan na pinagdurugtong ng isang ismo. Ang mas mataas na bulkan, ang Concepción, ay 1,610 metro ang taas mula sa lawa. Aktibo ito at ito ang pinakaprominenteng bahagi sa gawing hilaga ng isla. Ang isa pang bulkan, ang Madera na 1,394 na metro ang taas, ay hindi aktibo. Ang Madera ay punô ng mayabong na mga pananim at makikita sa bunganga nito ang isang maliit na lawa na natatakpan ng manipis na ulap.

Isa sa mga paboritong puntahan ng mga turista ang Lawa ng Nicaragua. Dinarayo nila ang likas na tropikal na kagandahan nito at ang maraming labí ng sinaunang sibilisasyon. Ngunit may isa pang kayamanan ang Lawa ng Nicaragua na dapat nating malaman.

Isang Komunidad sa Tubig

Ang Maliliit na Isla ng Granada ay sagana sa tropikal na mga halaman at hayop. Maraming magagandang bulaklak sa mayabong na kagubatan sa mga islang ito. Sa kahabaan ng pampang, makikita ang magagandang ibon sa tubig, gaya ng munting asul na kandangaok, malalaking tagák, lawing-dagat, anhingas, at kormoran. Sa gilid ng kagubatan, may mga pugad ng malalaki at kulay-kastanyas na mga ibong tinatawag na Montezuma oropendola na nakabitin sa malalaking puno at iniuugoy ng hanging mula sa lawa.

May nakatira sa ilang maliliit na isla. May mga bahay ng mga mangingisda roon at mga bahay-bakasyunan ng mayayaman. Mayroon ding mga paaralan, at sementeryo, pati na mga restawran at bar. Ang arkipelago ay parang isang komunidad sa tubig.

Tuwing umaga, isang asul at puting bangka ang tumatawid sa mga isla para sumundo ng mga batang papasok sa paaralan. Makikita rin ang isang bangkang nagtitinda ng mga prutas at gulay sa mga isla. Makikita araw-araw ang mga lalaking nag-aayos ng kanilang mga lambat at mga babaing naglalaba ng damit sa lawa.

Abala rin ang mga Saksi ni Jehova sa mga islang ito. Dumadalaw sila sa mga tagaroon sakay ng bangka upang ipakipag-usap sa kanila ang tungkol sa mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 24:14) Isang hamon ang kakaibang heograpiya ng lugar na ito: Saan maaaring idaos ang mga pagpupulong para pag-aralan ang Salita ng Diyos, ang Bibliya? Yamang sinasabi ng Bibliya na ‘huwag pabayaan ang pagtitipon,’ ang mga Saksi ay nakaisip ng paraan​—ang kauna-unahang lumulutang na Kingdom Hall sa Nicaragua!​—Hebreo 10:25.

Isang Lumulutang na Kingdom Hall

Noong Nobyembre 2005, isang mag-asawang buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova ang lumipat sa Maliliit na Isla ng Granada. Pagkalipas ng ilang buwan, inanyayahan nilang dumalo sa taunang Memoryal ng kamatayan ni Kristo ang mga tagaroon, at nagulat sila nang 76 ang dumalo. Dahil dito, naisip ng mag-asawa na kailangan silang magdaos ng regular na mga pulong Kristiyano sa lugar na iyon. Yamang mahirap humanap ng angkop na lugar, may naisip ang mag-asawa. Bakit hindi gumawa ng isang lumulutang na Kingdom Hall na puwedeng dalhin sa iba’t ibang lugar na kumbinyente sa mga tao?

Pinasimulan ng mapamaraang mag-asawang ito ang paggawa ng isang lumulutang na Kingdom Hall bagaman hindi pa nila kailanman nasubukang gumawa ng gaya nito. Sila kasama ang anim pang katao ang gumawa sa loob ng isang buwan. Ang bagong Kingdom Hall ay isa lamang simpleng balsa. Gawa ito sa pinagdugtung-dugtong na mga tubong bakal kung saan nakakabit ang isang dosenang 40-galong dram na punô ng compressed air para ito lumutang. Plywood ang sahig at lona ang bubong. Ang mga manggagawa sa proyekto ay nananalangin gabi-gabi dahil hindi nila tiyak kung lulutang ang Kingdom Hall. Lumutang nga ito!

Ang bagong Kingdom Hall ay ginamit sa kauna-unahang Pulong Pangmadla noong Hunyo 10, 2006. Kinabukasan, dinala ito sa kabilang panig ng arkipelago upang magdaos ng pulong ding iyon para sa mga tagaroon. Apatnapu’t walo ang dumalo sa dalawang pulong na iyon, kahit na ang ilan ay kailangang lumakad nang mahigit kalahating oras sa kagubatan. Tuwang-tuwa ang lahat na magkaroon ng kanilang sariling dako ng pagsamba!

Ang sarap dumalo sa Kingdom Hall na ito. Habang nagpapahayag ang tagapagsalita, naririnig ang lagaslas ng tubig sa batuhan o ang paminsan-minsang palahaw ng unggoy sa kalayuan. Di-nagtagal, naging pamilyar na tanawin na ang Kingdom Hall sa mga tagaisla. Kumakaway sila kapag nakikita nila itong inililipat sa ibang lugar. Linggu-linggo, mahigit 20 tao ang pumupunta sa lumulutang na Kingdom Hall para makasama ang kapuwa nila Kristiyano at mag-aral ng Bibliya. Isa ngang kayamanan ang lumulutang na Kingdom Hall na ito!

Sa Isla ng Ometepe

Ang Isla ng Ometepe ay mga 50 kilometro sa timog ng Granada. Maraming gustong tumira sa lugar na ito dahil sa likas na kagandahan ng isla at sa matabang lupa nito. Sa katunayan, dito unang nakita ang katibayan ng pagsasaka sa Nicaragua. Sa ngayon, mga 42,000 katao ang nakatira sa Ometepe na abala sa pangingisda at pagtatanim ng mais, saging, kape, at iba pang pananim. Marami rin ditong hayop. Nariyan ang mga langkay ng maiingay na loro, malalaking magpie-jay na nagtatanghal ng kanilang asul at puting balahibo habang nagpapalipat-lipat sa mga puno, at ang mga unggoy na capuchin na puti ang mukha at paborito ng marami.

Malimit ding dinadalaw ng mga tagapaghayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ang mga nakatira sa Ometepe. Noong 1966, 8 lamang ang bautisadong Saksi sa Ometepe, pero mayroon na ngayong 183 mamamahayag sa apat na kongregasyon. Bawat kongregasyon ay may kani-kaniyang Kingdom Hall na matatagpuan sa kumbinyenteng lugar. Ngayon, may 1 Saksi sa bawat 230 tao sa isla.

Nakaranas ng mga problema ang mga Saksi ni Jehova sa Ometepe sa nakalipas na mga taon. Halimbawa, sinunog ng mga mananalansang ang Kingdom Hall sa Mérida noong 1980. Nagtayo ng isa pang Kingdom Hall noong 1984. Ginamit ito hanggang noong 2003 nang maitayo ang isang magandang Kingdom Hall, na labis na ikinatuwa ng 60 miyembro ng kongregasyon doon.

Sa Moyogalpa, isang Kingdom Hall ang dinisenyo para magamit sa mas malalaking pagtitipon kung kinakailangan. Gumawa ng entablado sa likuran ng Kingdom Hall at nilagyan ito ng bubong. Sa harap ng entablado, may mga upuan hanggang sa likuran ng bakuran na may bubong na lona. Dito pana-panahong nagtitipon ang mga Saksi roon at mga kaibigan nila mula sa palibot ng lawa para sa mas malalaking asamblea. Sa mga pagtitipong ito, isang kumbinyenteng lugar ang Lawa ng Nicaragua para sa pagbabautismo sa mga bagong alagad ni Jesu-Kristo.​—Mateo 28:19.

Mga Kayamanan​—Maiingatan ba ang mga Ito?

Dahil sa laki ng Lawa ng Nicaragua, hindi mo iisiping mapipinsala ito. Pero kailangan ito ngayong protektahan. Ang tubig nito ay kontaminado ng mga basurang nagmumula sa mga sakahan at pabrika at ng banlik mula sa mga kinalbong kagubatan.

Hindi pa alam kung may magagawa ba ang pagsisikap ng mga naninirahan doon at ng gobyerno upang maihinto ang pinsala sa lawa. Magkagayon man, titiyakin ng Maylalang na maiingatan ang lahat ng yaman ng lupa, pati na ang kumikinang na mga lawa, magagandang isla, at kahanga-hangang mga hayop, bilang pamana sa masunuring sangkatauhan. Sinasabi sa atin ng Bibliya: “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.”​—Awit 37:29.

[Larawan sa pahina 26]

Isang lumulutang na Kingdom Hall para sa mga pagpupulong tungkol sa Bibliya