Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ika-126 na Gradwasyon ng Gilead

Kung Paano Magiging Isang Matagumpay na Misyonero

Kung Paano Magiging Isang Matagumpay na Misyonero

TUWANG-TUWA ang mga nasa Watchtower Educational Center sa Patterson, New York, noong Sabado, Marso 14, 2009. Ito ang araw ng gradwasyon ng ika-126 na klase ng Watchtower Bible School of Gilead. Ang mga nagtapos ay ipadadala sa 22 bansa upang ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.​—Mateo 24:14.

Ang klaseng ito ay limang-buwang puspusang pag-aaral ng Bibliya para tulungan ang mga estudyante na maging matagumpay na mga misyonero. Ito ang kanilang huling pagkakataon bilang isang klase na marinig ang matatalinong payo kung paano maaabot ang tunguhing iyon.

Ang Paaralang Gilead ay nagsimulang magsanay ng mga misyonero noong 1943, ang naalaala ni Anthony Morris, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, at siya ring tsirman ng programa. Mula noon, malaki ang nagawa ng mga nagtapos sa paaralang ito sa pangangaral sa buong daigdig.

Bagaman itinuring ng mga eskriba at Pariseo ang mga apostol ni Jesus bilang mga “walang pinag-aralan at mga mangmang,” ang sabi ng tagapagsalita, natanto nila na kaya tahasang magsalita ang mga apostol ay dahil nakasama nila si Jesus. (Gawa 4:13, Ang Biblia) Ang pagsasanay ay nakatulong sa mga estudyante na maging tahasan sa pagsasalita.

Tinalakay ni Robert Ciranko, isa na tumutulong sa Writing Committee ng Lupong Tagapamahala, ang paksang “Huwag Maging Tagakuha ng Mukha.” Sinabi niya na malapit nang makasalamuha ng mga estudyante sa kanilang pangangaral ang mga taong may iba’t ibang kultura at kaugalian. Pero hindi ito magiging problema kung tutularan nila ang saloobin ni Jehova. Ayon sa literal na salin ng Gawa 10:34, “ang Diyos ay hindi kumukuha ng mukha,” ibig sabihin, “ang Diyos ay hindi nagtatangi.” (Gawa 10:35) “Tiyak na magtatagumpay kayo kung tutularan ninyo ang saloobin ng Diyos at ituturing ang lahat ng tao sa inyong atas na posibleng maging kaayaaya sa Diyos,” ang sabi ni Brother Ciranko.

“Maaari Kayong Magtagumpay”

“Para sa ilan, pangit ang kamelyo,” ang pambungad ni Samuel Herd, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala, “pero bagay na bagay ito sa disyerto.” Sa katulad na paraan, maaari ding magtagumpay ang bagong mga misyonero sa kanilang atas na teritoryo. Limang bagay ang tutulong sa kanila.

1. Pag-ibig kay Jehova. (Mateo 22:37, 38) Naipakita na ng mga estudyante ang kanilang determinasyong paglingkuran si Jehova.

2. Nakaimbak na kaalaman sa Salita ng Diyos. Ang kamelyo ay nag-iimbak ng pagkain na nagiging taba sa umbok nito. Pero patuloy itong kumakain at hindi umaasa sa nakaimbak na pagkain. Sa katulad na paraan, ang mga misyonero ay hindi dapat umasa lamang sa impormasyong natutuhan nila sa Paaralang Gilead kundi dapat na patuloy nilang palakasin ang kanilang espirituwalidad.

3. Pag-ibig sa mga tao. (Mateo 22:39) Ang mga estudyante ay may habag sa mga tao.

4. Pagkukusa. (Awit 110:3) Kapag nauubos ang lakas ng isang misyonero, palalakasin siya ni Jehova.​—Isaias 40:29.

5. Lakas ng kabataan. Kung paanong dinadala ng kamelyo ang manlalakbay sa disyerto, baka kailangan ding dalhin, wika nga, ng isang misyonero ang isang kapuwa Kristiyano na nahihirapan sa kaniyang paglilingkod sa Diyos. Nangangailangan iyan ng higit na lakas, pero taglay naman nila ang lakas ng kabataan.

Iba Pang Bahagi ng Programa

Ang almendras (almond) ay kasama sa iniregalo ni Jacob sa isang tagapamahalang Ehipsiyo, ang sabi ni Michael Burnett, isang instruktor sa Gilead. (Genesis 43:11) Kahit maliit, masustansiya ito. Ang mga estudyante ay kumain ng maraming makasagisag na almendras sa panahon ng kanilang pag-aaral. Kabilang sa kanilang natutuhan ay ang kahalagahan ng pagiging kontento sa mga paglalaan ni Jehova at ang ibigin ang kanilang bagong kapaligiran.

Ipinaliwanag ni Mark Noumair, isa ring instruktor sa Gilead, na ang Salita ng Diyos ay gaya ng “isang supot ng karunungan.” (Job 28:18) Kailangan nating buksan ang supot na ito at gamitin ang mga laman nito. Kung hindi mangyari ang inaasahan ng mga estudyante sa paglilingkod nila bilang misyonero, maaari nilang isipin si apostol Pablo. Isinugo siya ng mga alagad ni Jesus sa kaniyang sariling bayan sa loob ng siyam na taon. Sa halip na mangatuwirang dapat siyang maglingkod sa ibang lugar dahil siya’y “isang piniling sisidlan,” puspusang gumawa si Pablo saanman siya naroroon. (Gawa 9:15, 28-30) Maaaring hindi madaling tanggapin ang pasiya ni Jehova. Ang isa pang halimbawa ay si Jonatan. Kinilala ni Jonatan si David bilang piniling hari ni Jehova at sinuportahan niya ito.

Sa paksang “Nagsasalita Nang May Katapangan ang mga Lingkod ng Diyos,” isinadula ng mga estudyante ang kanilang kasiya-siyang karanasan sa pangangaral sa panahon ng kanilang pag-aaral. Marami sa kanila ang nakapagpasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya. Ang sumunod na bahagi ay may temang “Inihanda ng Organisasyon ni Jehova.” Kinapanayam ang tatlong matagal nang misyonero. Sinabi nila kung paano sila sinanay na makipagtulungan sa organisasyon ng Diyos.

“Maging Maligayang Misyonero”

Pagkatapos, ipinahayag ni Gerrit Lösch, isa pang miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang paksang, “Maging Maligayang Misyonero.” Sinabi niyang maraming gawain ang itinuturing na “katuwaan” na hindi naman nagdudulot ng tunay na kaligayahan. (Kawikaan 14:13; Eclesiastes 2:10, 11) Ang namamalaging kaligayahan ay nagmumula sa paggawa ng kalooban ng Diyos, kahit na hindi ito laging madali. Ang pag-aaral sa Gilead ay hindi madali pero nagdudulot ito ng malaking kasiyahan.

May ilang bagay na nakapagpapasaya sa tunay na mga Kristiyano. Sumasamba sila sa maligayang Diyos. (Awit 33:12; 1 Timoteo 1:11) Namumuhay sila sa espirituwal na paraiso, at sa malapit na hinaharap ang lupa ay magiging paraiso. Nagkaroon ng layunin ang kanilang buhay​—ang maglingkod at purihin si Jehova. Mahal din sila ni Jehova at ni Jesus.

Sinabi pa ng tagapagsalita, “Magiging maligayang misyonero ka kung matututo kang maging kontento.” Nakapagpapaligaya rin ang magmahal at mahalin ng iba. Kaya pagtakpan ang mga pagkakamali ng iba sa halip na pagtuunan ito ng pansin. Gumawa ng mabuti sa iba, tulungan ang mahihina, magkuwento ng magagandang karanasan. (Awit 41:1, 2; Gawa 20:35) Magiging maligaya ka rin kung gagamitin mo ang iyong panahon at lakas sa pangangaral.​—Lucas 11:28.

“Humayo kayo bilang maliligayang misyonero,” ang pagtatapos ni Brother Lösch, “puwede ka namang maglibang, pero gawing pangunahin ang pagpuri sa ating maligayang Diyos, si Jehova, at tulungan ang iba na maging maligaya rin.”

Matapos basahin ang mga pagbati mula sa maraming lupain, ibinigay ni Anthony Morris ang diploma sa mga estudyante. Pagkatapos, binasa ng isang kinatawan ng ika-126 na klase ang isang liham ng pasasalamat para sa Lupong Tagapamahala dahil nakapag-aral sila sa Paaralang Gilead.

Sa kaniyang pagtatapos, binanggit ng tsirman na ang “mga kasukasuan at mga litid” na nag-uugnay sa buong katawan ay katulad ng mga paraan at kaayusan na ginagamit ng “tapat at maingat na alipin” para pakanin at patnubayan ang bayan ni Jehova. (Colosas 2:18, 19; Mateo 24:45) Kung lubusang makikipagtulungan ang mga nagtapos sa Gilead sa inatasang mga kinatawan ng Diyos, matagumpay nilang magaganap nang lubusan ang kanilang ministeryo.​—2 Timoteo 4:5.

[Kahon sa pahina 30]

ESTADISTIKA NG KLASE

Bilang ng mga bansang may kinatawan: 6

Bilang ng mga bansang magiging atas: 22

Bilang ng mga estudyante: 56

Bilang ng mga mag-asawa: 28

Katamtamang edad: 32.8

Katamtamang taon sa katotohanan: 17.9

Katamtamang taon sa buong-panahong ministeryo: 13.5

MGA ATAS

Ang mga nagtapos ay inatasan sa Benin, Bolivia, Bulgaria, Burkina Faso, Cameroon, Costa Rica, Ghana, Guatemala, Honduras, Kenya, Liberia, Madagascar, Mozambique, Nicaragua, Panama, Paraguay, Peru, Romania, Sierra Leone, Timog Aprika, Togo, at Uganda.

[Larawan sa pahina 31]

Ang Ika-126 na Klase na Nagtapos sa Watchtower Bible School of Gilead

Ang mga hanay ay nilagyan ng bilang mula sa unahan patungo sa likuran, at itinala ang mga pangalan mula sa kaliwa pakanan sa bawat hanay.

(1) Kirchhoff, K.; Nichols, C.; Guzmán, Y.; Coil, H.; Becker, O.; De Simone, A. (2) Manzanares, A.; Bouvier, E.; Peddle, J.; Mason, H.; Braz, J. (3) Lee, J.; Forte, A.; Boucher, T.; Marsh, A.; Leighton, S.; Glover, M. (4) Kambach, H.; Jones, T.; Ferreira, A.; Morales, J.; Chicas, S.; Davis, B.; Dormanen, E. (5) Dormanen, B.; Nichols, J.; Pacho, T.; Titmas, L.; Bouvier, E.; Kirchhoff, A. (6) Leighton, G.; Pacho, A.; Van Campen, B.; Manzanares, A.; Rivard, A.; Lee, Y.; Titmas, L. (7) Boucher, M.; Coil, K.; Marsh, C.; Guzmán, J.; Jones, W.; Kambach, J. (8) Glover, A.; Ferreira, G.; Mason, E.; Forte, D.; Davis, N.; Chicas, O.; Rivard, Y. (9) Braz, D.; Van Campen, D.; Morales, A.; De Simone, M.; Becker, M.; Peddle, D.