Natuklasan ang Isang Kayamanan ng Bibliya
Natuklasan ang Isang Kayamanan ng Bibliya
SA NAKALIPAS na daan-daang taon, wala pang gaanong mapagsusulatan. Kinakayod o hinuhugasan ang tinta sa mga pilyego ng pergamino at ibang materyal na hindi na kailangan para magamit muli. Ito ang tinatawag na palimpsest, isang salitang Griego na nangangahulugang “kinayod muli.” Kahit ang mga pahinang vellum na naglalaman ng mga teksto sa Bibliya ay kinayod upang muling magamit at masulatan ng ibang impormasyon.
Ang isang mahalagang palimpsest ng Bibliya ay ang Codex Ephraemi Syri rescriptus. Ang rescriptus ay nangangahulugang “sinulatan sa ibabaw.” Napakahalaga ng codex na ito dahil isa ito sa pinakamatandang kopya ng mga bahagi ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Dahil dito, isa ito sa pinakamainam na katibayan na tumpak ang bahaging ito ng Salita ng Diyos.
Ang mga teksto ng Bibliya na orihinal na lumitaw sa codex na ito noong ikalimang siglo ay binura noong ika-12 siglo C.E. Isinulat sa ibabaw nito ang salin sa Griego ng 38 sermon ng Siryanong iskolar na si Ephraem. Sa pagtatapos ng ika-17 siglo, unang napansin ng mga eksperto ang mga teksto sa Bibliya na nakasulat sa ilalim. Sa nakalipas na ilang taon, pinagsikapang mabasa ang orihinal na mga sulat sa manuskrito. Pero napakahirap nitong basahin dahil malabo na ang bakas ng binurang tinta, gula-gulanit na ang maraming pahina, at patung-patong ang dalawang tekstong nakasulat. Nilagyan ng mga kemikal ang manuskrito para mabasa ang teksto sa Bibliya, pero wala ring nangyari. Kaya sinabi ng maraming iskolar
na ang naburang teksto ay hindi na mababasa pa.Noong unang mga taon ng dekada ng 1840, ang codex ay pinagsikapang basahin ni Konstantin von Tischendorf, isang Aleman na dalubhasa sa wika. Gumugol ng dalawang taon si Tischendorf para mabasa ang manuskrito. Bakit siya nagtagumpay samantalang nabigo ang iba?
Alam na alam ni Tischendorf ang Griegong sulat-unsyal—binubuo ng magkakahiwalay na malalaking letra. * Dahil malinaw ang kaniyang paningin, itinatapat lamang niya ang pergamino sa liwanag at nababasa na niya ang orihinal na teksto. Sa ngayon, gumagamit naman ang mga iskolar ng pantulong na gaya ng liwanag na infrared, ultraviolet, at polarize.
Noong 1843 at 1845, inilathala ni Tischendorf ang nabasa niya sa Codex Ephraemi. Dahil dito, nakilala siya bilang lider ng paleograpiyang Griego.
Ang Codex Ephraemi ay mga 31 sentimetro por 23 sentimetro, at isa ito sa pinakaunang manuskrito na may isa lamang tudling sa bawat pahina. Sa natuklasang 209 na pahina, 145 ay bahagi ng lahat ng aklat sa Kristiyanong Griegong Kasulatan maliban sa 2 Tesalonica at 2 Juan. Ang natitirang pahina ay naglalaman ng Griegong salin ng mga bahagi ng Hebreong Kasulatan.
Sa ngayon, ang codex na ito ay nasa National Library sa Paris, Pransiya. Bagaman hindi alam kung saan nagmula ang manuskrito, inakala ni Tischendorf na mula ito sa Ehipto. Itinuring ng mga iskolar ang Codex Ephraemi bilang isa sa apat na mahahalagang manuskritong unsyal ng Bibliyang Griego—manuskritong Sinaitic, Alexandrine, at Vatican 1209. Lahat ng ito ay isinulat mula noong ikaapat at ikalimang siglo C.E.
Kamangha-manghang naingatan para sa atin ang mensahe ng Banal na Kasulatan sa iba’t ibang anyo, gaya ng mga palimpsest. Bagaman isang taong walang pagpapahalaga ang nagsikap na burahin ang teksto sa Bibliya, nanatili pa rin ang mensahe. Lalong naging totoo sa atin ang sinabi ni apostol Pedro: “Ang pananalita ni Jehova ay namamalagi magpakailanman.”—1 Pedro 1:25.
[Talababa]
^ par. 6 Kilala si Tischendorf dahil natuklasan niya sa Monasteryo ng St. Catherine sa may paanan ng Bundok Sinai ang Griegong salin ng Hebreong Kasulatan—isa sa pinakamatandang salin na natuklasan. Tinatawag itong Codex Sinaiticus.
[Dayagram/Larawan sa pahina 16]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ang Codex Ephraemi Syri rescriptus, isang mahalagang palimpsest na binasa ni Tischendorf (1815-1874)
ORIHINAL NA TEKSTO SA BIBLIYA
ANG GRIEGONG SERMON NA ISINULAT SA IBABAW NG MANUSKRITO
[Credit Line]
© Bibliothèque nationale de France
[Larawan sa pahina 17]
Ang Codex Sinaiticus, na natuklasan sa Monasteryo ng St. Catherine
[Larawan sa pahina 17]
Tischendorf