Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tanong ng mga Mambabasa

Totoo Bang May Diyablo?

Totoo Bang May Diyablo?

Oo, itinuturo ng Bibliya na si Satanas na Diyablo ay totoong persona. Ngunit tinutuya ng mga kritiko ng Bibliya ang ideyang iyan. Sinasabi nilang si Satanas ay kumakatawan lamang sa kasamaan na nasa mga tao.

Dapat ba nating pagtakhan ang kalituhan tungkol sa tunay na pagkakakilanlan ni Satanas? Hindi nga. Halimbawa: Maaaring alisin ng isang kriminal ang mga marka ng kaniyang daliri sa pinangyarihan ng krimen upang walang maiwang bakas ng kaniyang pagkakakilanlan. Sa gayon, makapagpapatuloy siya sa kaniyang ilegal na mga gawain. Sa katulad na paraan, si Satanas ang utak ng sindikato na palihim na kumikilos upang palaganapin ang kasamaan. Malinaw na tinukoy ni Jesus si Satanas na siyang may kagagawan ng kasamaan sa lipunan ng tao. Tinawag ni Jesus si Satanas na “tagapamahala ng sanlibutang ito.”​—Juan 12:31.

Saan nagmula ang Diyablo? Nang lalangin siya, isa siyang sakdal na espiritung nilalang sa langit. Ginawa niyang Diyablo ang kaniyang sarili nang maghimagsik siya dahil gustung-gusto niyang siya ang sambahin ng mga tao sa halip na ang Diyos. Nakaulat sa Bibliya ang pag-uusap ni Satanas at ni Jesus sa lupa kung saan isiniwalat ng Diyablo ang kaniyang sakim na ambisyon. Gusto ni Satanas na si Jesus ay ‘sumubsob at gumawa ng isang gawang pagsamba’ sa kaniya.​—Mateo 4:8, 9.

Isiniwalat din ni Satanas ang kaniyang motibo nang makipag-usap siya sa Diyos na nakaulat sa aklat ng Job. Gagawin ni Satanas ang lahat upang italikod ang mga tao sa Diyos.​—Job 1:13-19; 2:7, 8.

Pag-isipan ito: Kung nakipag-usap si Satanas sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo, paano masasabing kumakatawan lamang si Satanas sa kasamaan na nasa iba? Tiyak na walang anumang kasamaan sa Diyos o sa kaniyang Anak! Maliwanag, si Satanas ay isang tunay na persona​—isang masamang espiritung nilalang na walang paggalang kay Jehova o kay Jesus.

Ang masamang lipunan ng tao ay patotoo na talagang umiiral ang Diyablo. Hinahayaan ng mga bansa sa daigdig na ito na mabulok ang sobrang pagkain samantalang nagugutom ang maraming tao. Nag-iimbak ang mga bansa ng mga sandata para sa lansakang pagpapatayan. Dinudumhan nila ang kapaligiran ng lupa. Pero walang kamalay-malay ang mga tao kung sino ang pinagmumulan ng gayong kasamaan at paggawing pumipinsala sa sarili. Bakit?

Isinisiwalat ng Bibliya na ‘binulag ni Satanas ang pag-iisip ng mga di-sumasampalataya.’ (2 Corinto 4:4) Upang manipulahin ang mga tao, gumagamit si Satanas ng isang di-nakikitang organisasyon. Siya ang “tagapamahala ng mga demonyo.” (Mateo 12:24) Kung paanong nakokontrol ng isang lider ng sindikato ang kaniyang mga tauhan kahit hindi siya nakikilala ng mga ito, nakokontrol din ni Satanas ang mga tao nang wala silang kamalay-malay sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon ng masasamang anghel.

Mabuti na lamang at isiniwalat ng Bibliya ang tungkol sa Diyablo at sa kaniyang organisasyon! Sa gayon, malalabanan natin ang impluwensiya ng Diyablo. Ang Bibliya ay nagpapayo: “Magpasakop kayo sa Diyos; ngunit salansangin ninyo ang Diyablo, at tatakas siya mula sa inyo.”​—Santiago 4:7.