Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay
Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay
Bakit pinili ng isang lalaki na ang buhay ay nakasentro sa motorsiklo, droga, at isport na maging buong-panahong ministro? Ano ang nag-udyok sa isang sugarol na ihinto ang kaniyang pagsusugal at magtrabaho nang marangal para suportahan ang kaniyang pamilya? Ano ang nakatulong sa isang dalaga na pinalaking Saksi ni Jehova na muling suriin ang kaniyang pamumuhay matapos talikdan ang mga pamantayan ng Bibliya? Pansinin kung ano ang sinabi nila.
MAIKLING TALAMBUHAY
PANGALAN: TERRENCE J. O’BRIEN
EDAD: 57
BANSANG PINAGMULAN: AUSTRALIA
DATING SUGAPA SA DROGA AT MAHILIG SA MOTORSIKLO
ANG AKING NAKARAAN: Noong bata pa ako, nakatira kami sa abalang lunsod ng Brisbane, ang kabisera ng Queensland. Katoliko ang pamilya namin. Pero noong walong taóng gulang na ako, hindi na kami nagsisimba ni nag-uusap man tungkol sa relihiyon. Nang ako ay sampung taóng gulang na, lumipat kami sa Gold Coast sa Australia. Nakatira kami malapit sa tabing-dagat, at nang ako ay tin-edyer na, mahilig akong lumangoy at mag-surfing.
Gayunman, hindi masaya ang aking kabataan. Iniwan kami ng tatay ko noong ako ay walong taóng gulang. Muling nag-asawa ang nanay ko at naging bahagi na ng aming pamilya ang mga pagtatalo at alak. Isang gabi, pagkatapos magtalo at magkasakitan ang aking mga magulang, nasabi ko sa aking sarili habang nakaupo sa aking kama na kung mag-aasawa ako, hinding-hindi ako makikipagtalo sa asawa ko. Sa kabila nito, ang aming pamilya—na binubuo ng anim na anak, ina, at amain—ay malapít sa isa’t isa.
Pagkalipas ng ilang taon, marami sa mga kasamahan ko ang nagrebelde. Gumamit sila ng marijuana, sigarilyo, ibang droga, at alak. Katulad ng aking mga kasamahan, wala akong iniintindi sa buhay. Mahilig din akong magmotorsiklo. Kahit na dalawang beses na akong naaksidente, gustung-gusto ko pa ring magmotorsiklo at libutin ang Australia.
Bagaman nagagawa ko ang lahat ng gusto
ko, madalas akong madismaya sa kalagayan ng daigdig at sa kawalang-malasakit ng mga tao. Gusto kong malaman ang katotohanan tungkol sa Diyos, relihiyon, at kalagayan ng daigdig. Pero nang tanungin ko ang dalawang paring Katoliko, hindi ako nasiyahan sa kanilang sagot. Ganito rin ang naramdaman ko nang ipinakipag-usap ko ito sa mga ministrong Protestante. Pagkatapos, ipinakilala ako ng isang kaibigan kay Eddie, isang Saksi ni Jehova. Apat na beses kaming nag-usap ni Eddie, at sa bawat pagkakataon ay ginagamit niya ang Bibliya upang sagutin ang mga tanong ko. Sa una pa lamang naming pag-uusap, alam kong nasumpungan ko na ang katotohanan. Pero nang panahong iyon, hindi ko pa naiisip na kailangan kong baguhin ang aking buhay.KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Sa aking paglilibot sa Australia, nakausap ko ang iba pang Saksi. Pero pagbalik ko sa Queensland, wala na akong nakausap na mga Saksi sa loob ng anim na buwan.
Isang araw pag-uwi ko mula sa trabaho, nakita ko sa daan ang dalawang bihis na bihis na lalaki na may dalang attaché case. Inisip ko na mga Saksi ni Jehova sila at tama nga ako. Hiniling ko sa kanila na turuan ako ng Bibliya. Dumalo ako agad sa mga pulong ng mga Saksi at sa malaking kombensiyon na idinaos sa Sydney noong 1973. Pero nang malaman ito ng aking pamilya—lalo na ng nanay ko—nagalit sila. Dahil dito at sa iba pang dahilan, hindi na ako nakisama sa mga Saksi. Naging abala ako sa loob ng isang taon sa paglalaro ng cricket.
Nang maglaon, natanto ko na nadama ko lang ang tunay na kaligayahan noong ako ay nakikipag-aral pa ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Hinanap ko silang muli at dumalo sa mga pulong. Inihinto ko rin ang pakikisama sa mga kaibigan kong nagdodroga.
Ang natutuhan ko tungkol sa tauhan sa Bibliya na si Job ang nag-udyok sa akin na magbago. Regular akong tinuturuan noon ng Bibliya ni Bill, isang mabait at may-edad nang Saksi. Nang mapag-aralan namin ang tungkol sa buhay ni Job, tinanong ako ni Bill kung sino pa ang inaakusahan ni Satanas na hindi buong-pusong naglilingkod sa Diyos. (Job 2:3-5) Binanggit ko ang lahat ng tauhan sa Bibliya na alam ko, at sinabi ni Bill, “Oo, sila rin.” Saka niya ako tiningnan at sinabi, “Sinasabi rin iyan ni Satanas sa iyo!” Halos mahulog ako sa aking kinauupuan. Bago nito, alam ko na totoo ang mga natututuhan ko. Subalit ngayon ay naunawaan ko na kailangan kong ikapit ang aking natututuhan. Pagkalipas ng apat na buwan, nabautismuhan ako bilang Saksi ni Jehova.
KUNG PAANO AKO NAKINABANG: Naisip ko kung ano na kaya ang naging buhay ko ngayon kung hindi ako namuhay ayon sa mga pamantayan ng Bibliya. Malamang na patay na ako. Marami sa mga kasamahan ko dati ay patay na dahil sa droga o alak. Hindi rin naging maligaya ang kanilang pag-aasawa. Malamang na ganoon din ang sinapit ko.
May asawa na ako, si Margaret. Kaming mag-asawa ay masayang naglilingkod sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Australia. Wala sa aking pamilya ang naging Saksi. Pero sa paglipas ng mga taon, kami ni
Margaret ay masayang nagturo ng Bibliya sa maraming indibiduwal at mag-asawa. Gaya ko, binago rin nila ang kanilang buhay. Nagkaroon din kami ng mabubuting kaibigan. Isa pa, palibhasa’y lumaking Saksi si Margaret, tinulungan niya akong tuparin ang panatang ginawa ko halos 40 taon na ang nakalipas. Mahigit 25 taon na kaming maligayang nagsasama. Hindi man kami nagkakasundo sa lahat ng bagay, wala naman kaming pinagtatalunan. Pinasasalamatan namin ang Bibliya dahil dito.MAIKLING TALAMBUHAY
PANGALAN: MASAHIRO OKABAYASHI
EDAD: 39
BANSANG PINAGMULAN: HAPON
DATING SUGAROL
ANG AKING NAKARAAN: Lumaki ako sa Iwakura, isang maliit na lugar mga kalahating oras na biyahe sa tren mula sa Nagoya. Naalaala ko na napakabait ng aking nanay at tatay. Pero nang maglaon, nalaman ko na miyembro ng yakuza si tatay. Ito ang ibinuhay niya sa aming pamilya na binubuo ng lima katao. Araw-araw siyang umiinom ng alak, at nang ako ay 20 anyos, namatay siya dahil sa sakit sa atay.
Koreano ang tatay ko, kaya hindi maganda ang pakikitungo ng komunidad sa aming pamilya. Dahil dito at sa iba pang problema, naging miserable ang buhay ko bilang kabataan. Nag-aral ako sa haiskul pero paminsan-minsan lamang ako pumapasok at pagkatapos ng isang taon, huminto na ako. Dahil may rekord na ako sa pulisya at Koreano ang tatay ko, nahirapan akong humanap ng trabaho. Nang maglaon, nakakita ako ng trabaho pero nagkadiperensiya ang aking tuhod at hindi na ako makapagtrabaho nang mabigat.
Kumikita ako ng pera sa pachinko, isang sugal na katulad ng pinball machine. Nang panahong iyon, may kinakasama ako. Kinukulit niya akong humanap ng ibang trabaho at pakasalan siya. Pero ang lakas ng kita ko sa sugal, at ayaw kong magbago.
KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Isang araw, isang Saksi ni Jehova ang dumalaw sa aming bahay at binigyan ako ng aklat na Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation? Hindi ko pa napag-isipan ang tanong na iyan. Pero pagkatapos basahin ang aklat, pumayag akong pag-aralan ang Bibliya. Lagi kong pinag-iisipan kung ano ang nangyayari pagkamatay ng isa. Naliwanagan ako sa sagot ng Bibliya tungkol dito at sa iba pang paksa.
Nakita ko na kailangan kong ikapit ang mga natutuhan ko sa Bibliya. Kaya nagpakasal kami, inihinto ko ang paninigarilyo, at pagsusugal. Binago ko rin ang aking hitsura, at ipinagupit ko ang mahaba at may kulay kong buhok.
Hindi madali ang mga pagbabagong ito. Filipos 4:6, 7: “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” Maraming beses na nagkatotoo ito sa akin.
Halimbawa, hindi ko talaga kayang ihinto ang paninigarilyo, pero dahil sa marubdob na panalangin at sa tulong ng Diyos na Jehova, naihinto ko ito. Napakahirap at nakaka-stress ang una kong trabaho nang ihinto ko ang pagsusugal. Kalahati lamang ng kinikita ko sa pagsusugal ang sahod ko rito. Gayunman, nakatulong sa akin ang sinasabi ng Bibliya saKUNG PAANO AKO NAKINABANG: Sa simula, hindi nagustuhan ng misis ko ang pakikipag-aral ko ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Pero nang makita niya ang malaking pagbabago sa aking pag-uugali, nakisama na siya sa aking pag-aaral at pagdalo sa mga pulong. Pareho na kaming Saksi ni Jehova ngayon. Isa ngang malaking pagpapala na maglingkod sa Diyos na magkasama!
Bago ako nag-aral ng Bibliya, akala ko maligaya na ako. Ngayon, alam ko na kung ano ang tunay na kaligayahan. Hindi madaling mamuhay ayon sa mga pamantayan ng Bibliya, pero nakatitiyak ako na ito ang pinakamainam na paraan ng buhay.
MAIKLING TALAMBUHAY
PANGALAN: ELIZABETH JANE SCHOFIELD
EDAD: 35
BANSANG PINAGMULAN: UNITED KINGDOM
DATING MAHILIG SA KASAYAHAN TUWING DULO NG SANLINGGO
ANG AKING NAKARAAN: Lumaki ako sa Hardgate, isang maliit na bayan sa labas lamang ng Glasgow, Scotland. Nang ako ay pitong taon, naging Saksi ni Jehova ang nanay ko at tinuruan niya ako ng Bibliya. Pero pagtuntong ko ng 17 anyos, mas gusto kong makisama sa mga kaibigan ko sa eskuwela. Nagdi-disco kami, nakikinig ng mga musikang heavy metal, at umiinom ng alak. Walang-wala sa isip ko ang espirituwal na mga bagay. Walang ibang laman ang isip ko kundi ang magsaya tuwing dulo ng sanlinggo. Pero nagbagong lahat iyan nang ako ay naging 21 anyos.
Dinalaw ko ang aking mga kamag-anak sa Hilagang Ireland. Habang naroon ako, napanood ko ang parada ng mga Protestante na Orange Walk. Kinilabutan ako sa pagkakapootan at pagkapanatikong nakita ko sa pagitan ng mga Protestante at Katoliko. Sa katunayan, natauhan ako at naalaala ko ang itinuro ng nanay ko mula sa Bibliya. Alam kong hinding-hindi sasang-ayunan ng Diyos ang mga nagwawalang-bahala sa kaniyang maibiging pamantayan. Natanto ko na wala akong iniintindi kundi ang sarili ko anupat hindi ko naisip kung ano ang kalooban ng Diyos para sa akin. Naipasiya ko na pag-uwi ko sa Scotland, seryoso kong susuriin kung ano ang itinuturo ng Bibliya.
KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Nang una akong dumalong muli sa pulong ng mga Saksi ni Jehova sa aming bayan, ninerbiyos ako at hindi mapakali. Pero mainit akong tinanggap ng lahat. Nang ikinakapit ko na ang mga natutuhan ko mula sa Bibliya, tinulungan ako ng isang napakabait na kapatid sa kongregasyon. Palagi akong niyayaya ng aking dating mga kaibigan na mag-disco, pero sinabi ko sa kanila na sinusunod ko na ang mga pamantayan ng Bibliya. Nang maglaon, hindi na sila nakipagkita sa akin.
Noon, itinuturing ko ang Bibliya na parang aklat lamang ng mga tuntunin. Pero nagbago na ang aking saloobin. Naisip ko na ang mga tauhan sa Bibliya ay may mga damdamin at kahinaan din na gaya ko. Nagkakamali rin sila, pero pinatatawad sila ng Diyos na Jehova kapag tunay silang nagsisisi. Nagtitiwala ako na bagaman tinalikuran ko ang Diyos noong kabataan pa ako, alam kong patatawarin niya ako at kalilimutan ang aking mga pagkakamali kung sisikapin kong palugdan siya.
Hangang-hanga ako sa nanay ko. Hinding-hindi niya iniwan ang Diyos na gaya ng ginawa ko. Dahil sa kaniyang katapatan, natanto ko na sulit ang maglingkod kay Jehova. Noong bata pa ako, sumasama ako sa nanay ko na mangaral sa bahay-bahay. Hindi ako masaya noon at ayaw kong aksayahin ang oras ko sa pangangaral sa mga tao. Pero ngayon, nagtitiwala ako sa pangako ni Jesus sa Mateo 6:31-33. Sinabi niya: “Huwag kayong mabalisa at magsabing, ‘Ano ang aming kakainin?’ o, ‘Ano ang aming iinumin?’ o, ‘Ano ang aming isusuot?’ . . . Nalalaman ng inyong makalangit na Ama na kailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito. Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.” Pagkatapos kong mabautismuhan bilang Saksi ni Jehova, umalis ako sa aking dating trabaho. Kumuha ako ng part-time na trabaho, at naging buong-panahong ministro.
KUNG PAANO AKO NAKINABANG: Nang ako ay nasa kabataan pa at walang ibang laman ang isip kundi ang magsaya tuwing dulo ng sanlinggo, hindi ako masaya at walang direksiyon ang buhay ko. Ngayong lubusan akong naglilingkod kay Jehova, naging kasiya-siya at makabuluhan ang buhay ko. May asawa na ako ngayon, at kaming dalawa ay dumadalaw at nagpapatibay sa iba’t ibang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova linggu-linggo. Itinuturing ko ito na isang malaking pribilehiyo. Nagpapasalamat ako kay Jehova na binigyan pa niya ako ng pangalawang pagkakataon!
[Blurb sa pahina 27]
“Sa una pa lamang naming pag-uusap, alam kong nasumpungan ko na ang katotohanan. Pero nang panahong iyon, hindi ko pa naiisip na kailangan kong baguhin ang aking buhay”
[Blurb sa pahina 29]
“Hindi ko talaga kayang ihinto ang paninigarilyo, pero dahil sa marubdob na panalangin at sa tulong ng Diyos na Jehova, naihinto ko ito”
[Blurb sa pahina 30]
“Noon, itinuturing ko ang Bibliya na parang aklat lamang ng mga tuntunin. Pero nagbago na ang aking saloobin. Naisip ko na ang mga tauhan sa Bibliya ay may mga damdamin at kahinaan din na gaya ko”