Kailangan Mo Pa Bang Matuto ng Hebreo at Griego?
Kailangan Mo Pa Bang Matuto ng Hebreo at Griego?
KARAMIHAN ng mga aklat sa Bibliya ay orihinal na naisulat sa dalawang wika, Hebreo at Griego. * Naisulat ang mga ito sa patnubay ng banal na espiritu ng Diyos. (2 Samuel 23:2) Kaya ang mensaheng isinulat dito ay masasabing “kinasihan ng Diyos.”—2 Timoteo 3:16, 17.
Pero ang karamihan ng mga taong nagbabasa ng Bibliya ngayon ay hindi nakaiintindi ng Hebreo o Griego. Kaya kailangan nila ang isang salin ng Bibliya sa kanila mismong wika. Marahil ganiyan ka rin. Pero yamang hindi masasabing kinasihan ang mga saling ito, baka maitanong mo, ‘Lubusan ko kayang mauunawaan ang mensahe ng Bibliya gamit lamang ang isang salin, o kailangan ko pang matuto ng wikang Hebreo at Griego?’
Mga Bagay na Dapat Isaalang-alang
Bago sagutin iyan, kailangan mong isaalang-alang ang ilang bagay. Una, hindi komo may alam ang isa sa wika ng sinaunang Hebreo o Griego, madali na niyang mauunawaan ang mensahe ng Bibliya. Sinabi ni Jesus sa mga Judio noong panahon niya: “Sinasaliksik ninyo ang Kasulatan, sapagkat iniisip ninyo na sa pamamagitan ng mga iyon ay magkakaroon kayo ng buhay na walang hanggan; at ang mga ito mismo ang nagpapatotoo tungkol sa akin. At gayunma’y hindi ninyo nais na pumarito sa akin upang magkaroon kayo ng buhay.” (Juan 5:39, 40) Ano ang problema nila? Kulang ba ang kaalaman nila sa Hebreo? Hindi, bihasa sila sa wikang ito. Pero sinabi ni Jesus: “Alam na alam ko na hindi ninyo taglay sa inyo ang pag-ibig sa Diyos.”—Juan 5:42.
Sa katulad na paraan, sinabi ni apostol Pablo sa mga Kristiyanong nagsasalita ng Griego sa sinaunang lunsod ng Corinto: “Kapuwa ang mga Judio ay humihingi ng mga tanda at ang mga Griego ay naghahanap ng karunungan; ngunit ipinangangaral namin si Kristo na ibinayubay, sa mga Judio ay sanhi ng ikatitisod ngunit sa mga bansa ay kamangmangan.” (1 Corinto 1:22, 23) Maliwanag kung gayon na ang basta pagsasalita ng Hebreo o Griego ay hindi sapat na dahilan upang tanggapin ng isa ang mensahe ng Salita ng Diyos.
Gawa 7:20 at “maganda” sa Hebreo 11:23 ay nangangahulugan na ngayong “nakakatawa” sa wikang iyon. Isa pa, may malaking pagbabago rin sa balarila at pagkakaayos ng mga salita.
Ikalawa, bagaman ang ilan ay nakapagsasalita ng Hebreo o Griego ngayon, ibang-iba ito sa Hebreo at Griego na ginamit sa pagsulat ng Bibliya. Nahihirapan nga ang karamihan ng mga taong nagsasalita ng Griego ngayon na maunawaan nang wasto ang Griego noon. Kasi may matatandang salita na pinalitan na ng bagong salita, at maraming salita ang may iba nang kahulugan. Halimbawa, ang salitang Griego na isinaling “kagandahan” saKahit na mag-aral ka pa ng modernong Hebreo o Griego, hindi ito nangangahulugan na mauunawaan mo na nang mas tumpak ang Bibliya sa orihinal na mga wika nito. Gagamit ka pa rin ng mga diksyunaryo at mga aklat sa balarila para malaman mo kung paano ginamit ang mga wikang ito nang unang isulat ang mga aklat ng Bibliya.
Ikatlo, maaaring napakahirap mag-aral ng bagong wika. Bagaman sa simula ay madaling matutuhan ang ilang salita, baka bibilang pa ng mga taon bago ka maging bihasa sa wikang iyon. Sabihin pa, mapanganib ang kaunting kaalaman. Bakit?
Ano ang Kahulugan ng Salita?
Naitanong na ba sa iyo ng isa na nag-aaral ng iyong wika ang tungkol sa kahulugan ng isang partikular na salita? Kung oo, alam mong hindi laging madaling sumagot. Bakit? Kasi ang isang salita ay maaaring may iba’t ibang kahulugan. Maaari mong itanong sa kaniya kung paano ba ginamit sa pangungusap ang salitang iyon. Kung hindi mo ito alam, mahirap sabihin kung ano ang kahulugan ng salitang iyon. Halimbawa, baka itanong niya sa iyo ang kahulugan ng salitang “tubo.” Ang salitang ito ay maraming kahulugan depende sa pagkagamit. Maaari itong tumukoy sa bakal, metal, goma, o plastik na dinaraanan ng tubig. Maaari din itong mangahulugang halamang damo na ang mahalagang produkto ay asukal. Puwede rin itong tumukoy sa pakinabang sa anumang uri ng puhunan. Kapag ginamit naman ito bilang pandiwa, maaari itong tumukoy sa paglaki ng isang bagay. Alin kaya rito ang tinutukoy niya?
Maaaring ibigay ng isang diksyunaryo ang mga posibleng kahulugan ng salita. Itinatala pa nga ng ilang diksyunaryo ang mga kahulugang ito ayon sa pinakakaraniwang gamit. Pero ang konteksto pa rin ang tutulong sa iyo na matiyak ang kahulugan ng isang salita. Halimbawa, gusto mong malaman kung ano ang sakit mo, pero kaunti lang ang alam mo sa medisina. Maaari kang tumingin sa isang diksyunaryong pangmedisina. Maaaring nabasa mo roon na sa 90 porsiyento ng mga kaso, ang sintomas na nararamdaman mo ay tumutukoy sa isang sakit, pero sa 10 porsiyento ng mga kaso, tumutukoy naman ito sa ibang sakit. Kailangan mo ng higit pang kaalaman bago mo matiyak kung ano talaga ang iyong sakit. Sa katulad na paraan, kapag nagbabasa ka ng isang mahalagang teksto, walang saysay kahit na alam mo ang pangunahing kahulugan ng isang salita, kung ang ginamit naman ay ang pangalawahing kahulugan nito. Kailangan mong malaman nang higit pa ang konteksto bago mo maunawaan ang salita.
Kung pag-aaralan ang mga salitang nasa Bibliya, kailangan nating malaman ang konteksto ng salitang ginamit. Halimbawa, ang orihinal na mga salitang karaniwang isinasaling “espiritu” ay may iba’t ibang kahulugan, depende sa konteksto nito. Kung minsan, isinasalin itong “hangin.” (Exodo 10:13; Juan 3:8) Sa iba namang konteksto, tumutukoy ito sa puwersa ng buhay ng lahat ng nilalang, mga tao at hayop. (Genesis 7:22; Awit 104:29; Santiago 2:26) Ang di-nakikitang mga nilalang sa langit ay inilalarawan din bilang mga espiritu. (1 Hari 22:21, 22; Mateo 8:16) Ang aktibong puwersa ng Diyos ay tinatawag na banal na espiritu. (Genesis 1:2; Mateo 12:28) Ito rin ang salitang ginagamit upang tukuyin ang puwersa na humuhubog sa saloobin, disposisyon, o damdamin ng isang tao, gayundin ng kaisipan na kitang-kita sa mga tao.—Josue 2:11; Galacia 6:18.
Bagaman maaaring itala ng isang diksyunaryong Hebreo o Griego ang iba’t ibang kahulugan, ang konteksto ang tutulong sa iyo na matukoy kung alin sa mga kahulugan ang naangkop. * Totoo ito, ikaw man ay nagbabasa ng Bibliya sa orihinal na mga wika o sa isang salin nito sa iyong wika.
Mali Bang Gumamit ng Isang Salin?
Ang ilan ay nagsikap nang husto upang matuto ng alinman sa Hebreo o Griego na ginamit sa pagsulat ng Bibliya. Mayroon pa ngang nag-aral ng parehong wikang ito. Kahit na alam nilang limitado lamang ang kanilang nauunawaan, nasisiyahan silang mabasa ang Bibliya sa orihinal na mga wika nito at nadarama nilang sulit ang lahat ng kanilang pagsisikap. Pero kung hindi mo magawa iyan, dapat ka bang masiraan ng loob at ihinto na ang paghahanap mo ng katotohanan sa Bibliya? Hinding-hindi! Bakit?
Una, angkop na gumamit ng isang salin ng Bibliya. Sa katunayan, maging ang mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, o tinatawag ding Bagong Tipan, ay kadalasan nang sumisipi noon sa Griegong salin ng Hebreong Kasulatan. * (Awit 40:6; Hebreo 10:5, 6) Bagaman nakapagsasalita sila ng Hebreo at maaari sanang sumipi mula sa orihinal na Hebreong Kasulatan, malinaw na mas gusto nilang gumamit ng salin na mas pamilyar sa kanilang sinusulatan.—Genesis 12:3; Galacia 3:8.
Ikalawa, kahit nauunawaan ng isang tao ang mga wika na ginamit sa pagsulat ng Bibliya, salin na lamang ng orihinal na mga salita ni Jesus sa wikang Hebreo ang mababasa niya. Bakit? Kasi isinulat ito ng mga manunulat ng Ebanghelyo sa wikang Griego. * Dapat isaalang-alang ng sinumang nag-aakala na nagkakaroon siya ng natatanging karunungan kapag nabasa niya ang salita ng sinaunang tapat na mga lingkod ni Jehova sa orihinal na wika na ang nababasa lamang niya ay mga salin nito sa ibang wika. Ang totoo, hindi mahalaga kung sa anong wika naisulat ang Bibliya, kasi iningatan nga ni Jehova ang mga salita ng kaniyang dakilang Lingkod hindi sa orihinal na wika, kundi sa isang salin—sa isang wika na nauunawaan noong panahong iyon. Kaya ang mahalaga ay mabasa natin ang kinasihang mensahe sa wikang mauunawaan natin at makaaantig sa ating puso.
Ikatlo, ang “mabuting balita” na nasa Bibliya ay mababasa ng mga taong mapagpakumbaba mula sa “bawat bansa at tribo at wika at bayan.” (Apocalipsis 14:6; Lucas 10:21; 1 Corinto 1:27-29) Dahil dito, hindi na kailangang mag-aral pa ng ibang wika para matutuhan ng maraming tao ang layunin ng Diyos mula sa isang kopya ng Bibliya. Ito ay isinalin sa maraming wika, kaya makapipili ka kung anong wika ang gusto mo. *
Kaya paano ka makatitiyak na nauunawaan mo ang katotohanan sa Bibliya? Nakita ng mga Saksi ni Jehova na ang pag-aaral ng Bibliya ayon sa paksa, na isinasaalang-alang ang konteksto, ay kapaki-pakinabang na paraan para maunawaan ang mensahe ng Salita ng Diyos. Halimbawa, sa paksang “Pag-aasawa,” tinitingnan nila ang mga talatang nauugnay sa paksang iyan. Sa ganitong paraan, naipaliliwanag ang isang teksto sa Bibliya sa pamamagitan ng isa pang teksto. Bakit hindi tanggapin ang libreng pag-aaral sa Bibliya na iniaalok ng mga Saksi ni Jehova para sa lahat? Anuman ang wika mo, nais ng Diyos na “ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.”—1 Timoteo 2:4; Apocalipsis 7:9.
[Mga talababa]
^ par. 2 Ang ilang seksiyon ng Bibliya ay naisulat sa Aramaiko, isang wikang nahahawig sa Hebreo na ginamit sa pagsulat ng Bibliya. Kabilang dito ang Ezra 4:8 hanggang 6:18 at 7:12-26, Jeremias 10:11, at Daniel 2:4b hanggang 7:28.
^ par. 14 Dapat pansinin na itinatala lamang ng ilang diksyunaryo at leksikon ng mga salita sa Bibliya kung paano isinalin ang salita sa isang partikular na bersiyon ng Bibliya, gaya ng King James Version, sa halip na isa-isang ibigay ang kahulugan ng salita.
^ par. 17 Noong panahon ni Jesu-Kristo at ng kaniyang mga apostol, lahat ng aklat ng Hebreong Kasulatan ay mababasa na sa Griego. Ang saling ito ay tinatawag na Septuagint at ginamit ng maraming Judio na nagsasalita ng Griego. Ang karamihan sa daan-daang sinipi ng Kristiyanong Griegong Kasulatan mula sa Hebreong Kasulatan ay kinuha sa Septuagint.
^ par. 18 Sinasabing ang Ebanghelyo ni Mateo ay orihinal na isinulat ni apostol Mateo sa Hebreo. Magkagayunman, ang naingatan hanggang sa ngayon ay ang Griegong salin ng orihinal, na malamang na isinalin mismo ni Mateo.
^ par. 19 Para sa higit pang impormasyon tungkol sa iba’t ibang istilo ng pagsasalin at kung paano pipili ng isang tumpak na salin, tingnan ang artikulong “Paano Ka Makapipili ng Magandang Salin ng Bibliya?” sa isyu ng Mayo 1, 2008 ng magasing ito.
[Kahon/Larawan sa pahina 22]
Ang Septuagint
Ginamit ng maraming Judio na nagsasalita ng Griego noong panahon ni Jesus at ng kaniyang mga apostol ang Septuagint. Kilala ito dahil ito ang unang salin ng Hebreong Kasulatan sa Griego at malaking trabaho ang nasasangkot sa pagsasaling ito. Sinimulan ng isang pangkat ng mga tagapagsalin ang Septuagint noong ikatlong siglo B.C.E., at natapos naman ito ng ibang grupo pagkaraan ng mahigit isang daang taon.
Kaagad na mabisang ginamit ng unang mga Kristiyano ang Septuagint upang patunayan na si Jesus ang Kristo, ang ipinangakong Mesiyas. Napakahusay nila sa paggamit nito anupat itinuring ng ilan ang Septuagint na isang saling “Kristiyano.” Kaya hindi ito tinangkilik ng mga Judio at sa halip ay gumawa sila ng mga bagong salin sa Griego. Ang isa rito ay isinalin ng proselitang Judio na si Aquila noong ikalawang siglo C.E. Tinukoy ng isang iskolar ng Bibliya ang salin ni Aquila na “lubhang natatangi” dahil ang banal na pangalan ng Diyos, Jehova, na kinakatawan ng sinaunang letrang Hebreo ay lumitaw sa maraming bahagi nito.
[Credit Line]
Israel Antiquities Authority
[Mga larawan sa pahina 23]
Ang mahalaga ay mabasa natin ang kinasihang mensahe ng Bibliya sa wikang mauunawaan natin at makaaantig sa ating puso