Tanong ng mga Mambabasa
Protestante Ba ang mga Saksi ni Jehova?
Hindi itinuturing ng mga Saksi ni Jehova na sila ay Protestante. Bakit?
Nagsimula ang Protestantismo sa Europa noong ika-16 na siglo upang baguhin ang Simbahang Romano Katoliko. Ang salitang “Protestante” ay unang tumukoy sa mga tagasunod ni Martin Luther sa Kapulungan ng Speyer noong 1529. Mula noon, ito ay tumutukoy na sa lahat ng nanghahawakan sa mga simulain at layunin ng Repormasyon. Ayon sa Merriam-Webster’s Collegiate Dictionary, ika-11 Edisyon, ang Protestante ay “anumang sekta ng relihiyon na hindi kumikilala sa awtoridad ng Papa at itinataguyod [ng mga sektang ito] ang mga turo ng Repormasyon na matatamo lamang ang pagsang-ayon ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya, na lahat ng miyembro ay maaaring maging pastor, at na ang Bibliya ang tanging pinagmumulan ng katotohanan.”
Bagaman hindi kinikilala ng mga Saksi ni Jehova ang awtoridad ng papa at taos-pusong naniniwala na napakahalaga ng Bibliya, marami silang pagkakaiba sa mga Protestante. Sa katunayan, sinasabi ng The Encyclopedia of Religion na ang mga Saksi ni Jehova ay “naiiba.” Tingnan natin ang tatlong dahilan.
Una, bagaman tinanggihan ng mga Protestante ang ilang paniniwala ng Katoliko, tinanggap ng mga lider ng Repormasyon ang ilang doktrina, gaya ng Trinidad, maapoy na impiyerno, at imortal na kaluluwa. Pero naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na ang mga turong ito ay hindi lamang salungat sa Bibliya kundi nagtuturo din ng mali tungkol sa Diyos.—Tingnan ang pahina 4-7 ng magasing ito.
Ikalawa, di-gaya ng mga Protestante, ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nagpoprotesta sa isang relihiyon. Sinusunod nila ang payo ng Bibliya: “Hindi dapat makipag-away ang lingkod ng Diyos; sa halip, dapat siyang maging mabuti sa pakikitungo sa lahat, mahusay at matiyagang guro. Mahinahon niyang ituwid ang mga sumasalungat sa kanya.” (2 Timoteo 2:24, 25, Magandang Balita Biblia) Ipinakikita ng mga Saksi ni Jehova na iba ang itinuturo ng Bibliya sa itinuturo ng maraming relihiyon. Pero wala silang layuning baguhin ang ibang relihiyosong organisasyon. Ang layunin nila ay tulungan ang taimtim na mga indibiduwal na magkaroon ng tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos at sa kaniyang Salita, ang Bibliya. (Colosas 1:9, 10) Iniiwasan ng mga Saksi ni Jehova ang walang-saysay na pakikipagdebate sa mga taong iginigiit ang kanilang paniniwala.—2 Timoteo 2:23.
Ikatlo, di-gaya ng kilusang Protestante na nababahagi sa daan-daang sekta, ang mga Saksi ni Jehova ay nagkakaisa sa buong daigdig. Pagdating sa turo ng Bibliya, sinusunod ng mga Saksi ni Jehova sa mahigit 230 bansa ang payo ni apostol Pablo na “magsalita nang magkakasuwato.” Walang pagkakabaha-bahagi sa kanila. Sila ay tunay na ‘nagkakaisa sa iisang pag-iisip at sa iisang takbo ng kaisipan.’ (1 Corinto 1:10) Sinisikap nilang “ingatan ang pagkakaisa ng espiritu sa nagbubuklod na bigkis ng kapayapaan.”—Efeso 4:3.