Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Turo 5: Si Maria ang Ina ng Diyos

Turo 5: Si Maria ang Ina ng Diyos

Turo 5: Si Maria ang Ina ng Diyos

Saan nagmula ang turong ito? “Ang pagsamba sa ina ng Diyos ay lalong sumigla nang . . . ang masang pagano ay humugos sa simbahan. . . . Ang kanilang debosyon at pagkarelihiyoso [ng mga paganong nakumberte sa Kristiyanismo] ay nalinang sa loob ng libu-libong taon sa pamamagitan ng kulto ng ‘dakilang inang’ diyosa at ng ‘mahal na birhen.’”​—The New Encyclopædia Britannica (1988), Tomo 16, pahina 326 at 327.

Ano ang sinasabi ng Bibliya? “Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki, at siya’y tatawagin mong Jesus. Magiging dakila siya, at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. . . . Kaya’t banal ang ipanganganak mo at tatawaging Anak ng Diyos.”​—Amin ang italiko; Lucas 1:31-35, Magandang Balita Biblia.

Maliwanag na sinasabi ng tekstong ito na si Maria ay ina ng “Anak ng Diyos,” hindi ng Diyos mismo. Paano nga niya madadala sa kaniyang sinapupunan ang Isa na ‘sa langit ay hindi magkasya’? (1 Hari 8:27) Hindi kailanman inangkin ni Maria na siya ang ina ng Diyos. Ang turo ng Trinidad ang nagdulot ng kalituhan sa pagkatao ni Maria. Nagsimula ang pagsamba kay Maria nang tawagin siya ng Konsilyo ng Efeso na Theotokos (salitang Griego na nangangahulugang “nagsilang sa Diyos”), o “Ina ng Diyos,” noong 431 C.E. Ang lunsod ng Efeso kung saan nagtipon ang konsilyong ito ay sentro ng pagsamba sa diyosa ng pag-aanak na si Artemis sa loob ng mga dantaon.

Kaya ang mga ritwal sa pagsamba sa imahen ni Artemis na “nahulog mula sa langit,” gaya ng prusisyon, ay isinama sa pagsamba kay Maria. (Gawa 19:35) Unti-unting pumasok din sa turo ng Kristiyanismo ang paggamit ng mga imahen ni Maria at ng iba pa sa pagsamba.

Ihambing ang mga talata ng Bibliya: Mateo 13:53-56; Marcos 3:31-35; Lucas 11:27, 28

ANG TOTOO:

Si Maria ay ina ng Anak ng Diyos, hindi ng Diyos mismo. Dahil sa turo ng Trinidad, nagsimulang sambahin si Maria bilang Ina ng Diyos