Ang Bibliya—Kamangha-manghang Naingatan
SA BUONG kasaysayan, ang Bibliya ang pinakamalaganap na aklat—tinatayang 4.8 bilyong kopya na ang naipamahagi. Noong 2007 lamang, mahigit 64,600,000 kopya ang nailimbag. Samantala, ang pinakamabiling aklat tungkol sa kathang-isip nang taon ding iyon ay 12 milyong kopya lamang sa unang pag-iimprenta sa Estados Unidos.
Bago naging ang pinakamalaganap na aklat, ang Bibliya ay napaharap sa maraming banta gaya ng pagbabawal at pagsunog. Ang mga nagsalin nito sa ibang wika ay sinalansang at pinatay. Pero hindi ang mga ito ang pinakamatinding banta sa Bibliya kundi ang unti-unting pagkasira nito. Bakit?
Ang Bibliya ay isang koleksiyon ng 66 na maliliit na aklat, ang pinakamatanda rito ay isinulat o tinipon ng mga miyembro ng bansang Israel mahigit 3,000 taon na ang nakalipas. Isinulat ng orihinal na mga manunulat at ng mga kumopya nito ang kinasihang mga mensahe sa mga materyales na madaling masira, gaya ng papiro at balat. Wala pang natutuklasang orihinal na mga aklat. Pero libu-libong sinaunang mga kopya ng maliliit at malalaking bahagi ng aklat ng Bibliya ang natuklasan na. Kabilang dito ang maliit na bahagi ng Ebanghelyo ni Juan, na kinopya mga ilang dekada lamang pagkatapos isulat ni apostol Juan ang orihinal.
“Tumpak ang pagkakakopya ng Bibliyang Hebreo [Matandang Tipan], at hindi ito maitutulad sa literatura ng sinaunang Griego at Latin.”—Propesor Julio Trebolle Barrera
Bakit kamangha-manghang naingatan ang alinman sa mga kopya ng Bibliya? Gaano katumpak ang mga modernong Bibliya kung ikukumpara sa orihinal?
Ano ang Nangyari sa Ibang Sinaunang mga Akda?
Kamangha-mangha nga kung paano naingatan ang Bibliya, kumpara sa nangyari sa mga akda ng mga bansang kasabayan ng mga Israelita. Halimbawa, ang mga taga-Fenecia na mga mangangalakal sa dagat ay kalapit-bansa ng mga Israelita noong unang milenyo B.C.E. Pinalaganap nila ang kanilang sistema ng pagsulat ng alpabeto sa buong Mediteraneo. Nakinabang din sila sa malawakang pangangalakal ng papiro sa Ehipto at sa Gresya. Sa kabila nito, ganito ang sinabi ng magasing National Geographic tungkol sa mga taga-Fenecia: “Ang kanilang mga akda, karamihan sa papiro, ay nagkasira-sira—kaya ang nalalaman natin tungkol sa mga taga-Fenecia ay galing lamang sa ulat ng kanilang mga kaaway. Bagaman sinasabing maraming mahalagang literatura ang mga taga-Fenecia, lubusang nawala ang mga ito sa paglipas ng napakahabang panahon.”
Kumusta naman ang mga akda ng sinaunang mga Ehipsiyo? Kilalang-kilala ang mga hieroglyphic na inukit o ipininta nila sa mga dingding ng templo at sa iba pa. Kilala rin ang mga Ehipsiyo sa paggamit ng papiro. Gayunman, kung tungkol sa mga rekord ng mga Ehipsiyo na nakasulat sa papiro, ganito ang sinabi ng Ehiptologo na si K. A. Kitchen: “Tinatayang mga 99 na porsiyento ng lahat ng naisulat sa papiro mula mga taóng 3000
hanggang sa pagdating ng panahon ng Griego-Romano ay lubusang nasira.”Ano naman ang nangyari sa mga rekord ng mga Romano? Halimbawa, ayon sa aklat na Roman Military Records on Papyrus, tatlong beses sa isang taon sumusuweldo ang mga sundalong Romano, at inirerekord ito sa mga resibong papiro. Tinatayang sa loob ng 300 taon mula sa pamamahala ni Augusto (27 B.C.E.–14 C.E.) hanggang kay Diocletian (284-305 C.E.), may 225,000,000 resibong papiro. Ilan ang naingatan? Dalawa lamang ang nasumpungan na mababasa.
Bakit iilan lamang sinaunang dokumentong naisulat sa papiro ang naingatan? Kasi ang pinagsusulatang materyales gaya ng papiro at balat ay madaling nasisira sa mahalumigmig na klima. Ganito ang sinasabi ng The Anchor Bible Dictionary: “Dahil sa klima, ang mga dokumentong isinulat sa papiro mula sa panahong ito [unang milenyo B.C.E.] ay malamang na maiingatan lamang kung ang mga ito ay nasa tuyong lugar na gaya ng disyerto at kuweba.”
Ano ang Nangyari sa mga Aklat ng Bibliya?
Lumilitaw na ang orihinal na mga aklat ng Bibliya ay isinulat din sa mga materyales na ginamit ng mga taga-Fenecia, Ehipto, at Roma. Kung gayon, paano naingatan ang Bibliya at naging ang pinakamalaganap na aklat sa daigdig? Ayon kay Propesor James L. Kugel, ang isang dahilan ay maraming ulit na kinopya ang orihinal na mga akda kahit na isinusulat pa lamang ito.
Paano maihahambing ang modernong mga salin ng Bibliya sa sinaunang mga manuskrito? Ganito ang sinabi ni Propesor Julio Trebolle Barrera, miyembro ng grupong nangangasiwa sa pag-aaral at paglalathala ng sinaunang mga manuskritong kilala bilang Dead Sea Scrolls: “Tumpak ang pagkakakopya ng Bibliyang Hebreo, at hindi ito maitutulad sa literatura ng sinaunang Griego at Latin.” Sinabi naman ng iginagalang na iskolar ng Bibliya na si F. F. Bruce: “Mas maraming ebidensiya na nagpapatunay sa Bagong Tipan kaysa sa maraming akda ng sinaunang mga awtor, pero walang nangahas na kumuwestiyon sa pagiging totoo ng mga sinaunang akdang ito.” Sinabi pa niya: “Kung ang Bagong Tipan ay isang koleksiyon ng sekular na mga akda, hindi na kukuwestiyunin pa ang pagiging totoo nito.” Talaga ngang kamangha-mangha ang Bibliya. Binabasa mo ba ito araw-araw?—1 Pedro 1:24, 25.
Mayroon pa ngayong 6,000 sulat-kamay na kopya ng Hebreong Kasulatan, o Matandang Tipan, at mga 5,000 kopya ng Griegong Kasulatan, o Bagong Tipan