Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Turo 2: Pinahihirapan sa Impiyerno ang Masasama

Turo 2: Pinahihirapan sa Impiyerno ang Masasama

Saan nagmula ang turong ito?

“Sa lahat ng sinaunang pilosopong Griego, si Plato ang may pinakamalaking impluwensiya sa paniniwala tungkol sa Impiyerno.”​—Histoire des enfers (Ang Kasaysayan ng Impiyerno), ni Georges Minois, pahina 50.

“Mula sa kalagitnaan ng ika-2 siglo AD, ang mga Kristiyano na nag-aral ng pilosopiyang Griego ay nakadama ng pangangailangang ipahayag ang kanilang pananampalataya ayon sa pilosopiyang ito . . . Ang pilosopiyang angkop na angkop sa kanila ay ang Platonismo [mga turo ni Plato].”​—The New Encyclopædia Britannica (1988), Tomo 25, pahina 890.

“Pinaninindigan ng Simbahan ang turo tungkol sa impiyerno at ang pagkawalang-hanggan nito. Pagkamatay, ang kaluluwang may mortal na kasalanan ay napupunta sa impiyerno kung saan pinahihirapan sila sa ‘walang-hanggang apoy.’ Ang pangunahing parusa ng impiyerno ay walang-hanggang pagkawalay sa Diyos.”​—Catechism of the Catholic Church, edisyon ng 1994, pahina 270.

Ano ang sinasabi ng Bibliya?

“Alam ng buhay na siya’y mamamatay ngunit ang patay ay walang anumang nalalaman. . . . Pagkat sa Sheol na kasasadlakan mo ay wala kang gagawin, ni pag-iisipan, ni pagbubuhusan ng kaalaman o karunungan.”​—Mangangaral [o, Eclesiastes] 9:5, 10, Magandang Balita Biblia.

Ang salitang Hebreo na Sheol, na tumutukoy sa “himlayan ng mga patay,” ay isinasaling “impiyerno” sa ilang salin ng Bibliya. Ano ang itinuturo sa atin ng tekstong ito tungkol sa kalagayan ng mga patay? Pinahihirapan ba sila sa Sheol upang pagbayaran ang kanilang mga pagkakamali? Hindi, sapagkat sila ay “walang anumang nalalaman.” Kaya nang dumanas ng matinding sakit ang patriyarkang si Job, hiniling niya sa Diyos: “Ikubli mo ako sa impiyerno [Hebreo, Sheol].” (Job 14:13; Douay-Rheims Version) Makatuwiran ba ang kaniyang hinihiling kung ang Sheol ay isang lugar ng walang-hanggang pagpapahirap? Ang impiyerno na tinutukoy sa Bibliya ay ang karaniwang libingan ng mga tao, kung saan walang anumang magagawa ang sinuman.

Hindi ba mas makatuwiran at kaayon ito ng Kasulatan? Gaano man kalubha ang krimeng nagawa ng isang tao, hindi siya magagawang pahirapan magpakailanman ng isang Diyos ng pag-ibig. (1 Juan 4:8) Kung ang turo tungkol sa maapoy na impiyerno ay mali, kumusta naman ang turo tungkol sa langit?

Ihambing ang mga talatang ito ng Bibliya: Awit 146:3, 4; Gawa 2:25-27; Roma 6:7, 23

ANG TOTOO:

Hindi pinarurusahan ng Diyos ang mga tao sa impiyerno