Alam Mo Ba?
Alam Mo Ba?
Anong sensus ang naging dahilan kung bakit sa Betlehem ipinanganak si Jesus?
Ayon sa Ebanghelyo ni Lucas, nang iutos ni Cesar Augusto na magkaroon ng sensus sa buong Imperyo ng Roma, “ang lahat ng mga tao ay naglakbay upang magparehistro, bawat isa sa kaniyang sariling lunsod.” (Lucas 2:1-3) Ang lunsod ni Jose, na ama-amahan ni Jesus, ay Betlehem. Kaya naglakbay sina Jose at Maria sa lunsod na iyon bilang pagsunod sa utos. Dahil dito, sa Betlehem ipinanganak si Jesus. Dahil sa pagrerehistrong iyon, naging madali ang pangongolekta ng buwis at pangangalap ng mga sundalo.
Nang masakop ng mga Romano ang Ehipto noong 30 B.C.E., ipinatutupad na ang sensus doon. Naniniwala ang mga iskolar na ginaya ng mga Romano ang sistema ng pagsisensus ng mga Ehipsiyo at ipinatupad ito sa buong imperyo.
Ang katibayan ng gayong pagpaparehistro ay makikita sa isang utos ng Romanong gobernador sa Ehipto noong 104 C.E. Ganito ang mababasa sa isang kopya ng utos na iyon na nasa British Library: “(Sinabi ni) Gaius Vibius Maximus, Administrador ng Ehipto: Kapag panahon na ng sensus, ang sinumang naninirahan sa labas ng kanilang mga distrito, anuman ang kanilang dahilan, ay kailangang umuwi upang matupad nila ang kautusan sa sensus at masigurong naaasikaso nila ang kani-kanilang lupain.”
Bakit naisip ni Jose na bigyan si Maria ng sertipiko ng diborsiyo gayong magkatipan pa lamang sila?
Ayon sa Ebanghelyo ni Mateo, nalaman ni Jose na nagdadalang-tao si Maria bago pa sila ikasal gayong siya ay “ipinangakong mapangasawa” niya. Dahil hindi alam ni Jose na ang ipinagdadalang-tao ni Maria ay “sa pamamagitan ng banal na espiritu,” inakala niyang nagtaksil sa kaniya si Maria. Kaya balak niya itong diborsiyuhin.—Mateo 1:18-20.
Sa mga Judio, mag-asawa na ang turing sa lalaki’t babaing magkatipan. Pero ang dalawa ay hindi pa nagsasama bilang mag-asawa hanggang sa sila’y makasal. Ang pakikipagtipan ay isang matibay na pangako anupat kung hindi na mahal ng lalaki ang babae o sa ilang makatuwirang dahilan ay hindi na matuloy ang kasal, ang babae ay hindi makapag-aasawa hangga’t wala siyang sertipiko ng diborsiyo. Kung mamatay ang katipang lalaki bago ito maikasal, ang babae ay itinuturing na isang biyuda. Sa kabilang panig naman, kung ang dalagang ipinakipagtipan na ay nakiapid, ituturing siyang mangangalunya at hahatulan ng kamatayan.—Deuteronomio 22:23, 24.
Tiyak na pinag-isipan ni Jose ang magiging resulta kung malalaman ng mga tao ang tungkol sa pagdadalang-tao ni Maria. Bagaman alam niyang kailangan itong malaman ng mga awtoridad, gusto niyang proteksiyunan si Maria at iwasan ang iskandalo. Kaya nagpasiya siyang palihim itong diborsiyuhin. Tutal, kapag may sertipiko ng diborsiyo ang isang nagsosolong ina, ipinakikita nito na siya ay naikasal na.
[Larawan sa pahina 16]
Utos na sensus ng Romanong gobernador ng Ehipto, 104 C.E.
[Credit Line]
© The British Library Board, all rights reserved (P.904)